Ang Simoy ng Pulbura
[Short Story]
by Mubarak Tahir
Allahu Akbar, Allahu Akbar! Allahu Akbar, Allahu Akbar! ang unang pahayag na aking narinig nang gisingin ako ni A’ma. Mag-aalas kwatro y medya na ng umaga at kinakailangan na naming magdasal ng Sub’h. Kahit inaantok ay agad kong tinungo ang balon upang maghugas bago magdasal. Matagal-tagal din ang ipinamalagi namin ni A’ma sa loob ng masjid sa pagdarasal. Kaya naman, mag-uumaga na nang umalis kami.
Sampung taong gulang na ako, kaya naman lagi akong pinapasama ni A’ma sa kanyang mga lakad. Alam na alam ko na kung saan ang patutunguhan naming pagkatapos magdasal. Kinasanayan na ni A’ma na dumaan muna sa padiyan upang mag-agahan. Tanging mabango at katakam-takam na amoy ng tinapay, pansit, pastil, tapay, at kape ang nagpagising sa akin. Habang kumakain kami ni A’ma ay napansin kong kay simple at tahimik ng aming pamumuhay.
Bitbit ang ilang piraso ng tinapay, dalawang pastil, at pansit para kay I’na ay tinunton namin ni A’ma ang mabatong daan na nag-uugnay sa padiyan at laya. Masaya naming tinunton ang daan habang tanaw-tanaw ang mga luntiang palayan sa gilid ng daan. Hindi rin nakaligtas sa aking malilikot na kamay na pitasin ang iba’t ibang kulay ng bunga at bulaklak ng mga ito. Sa aming paglalakad ay nakasalubong namin si Bapa Tasil, kaibigan ni A’ma sa sakahan na nakasakay sa kalabaw.
Narinig mo na ba ang usap-usapan? may pagkabahalang tanong ni Bapa Tasil kay A’ma.
Anong mayroon? pagtatakang tugon ni A’ma na noo’y napahinto.
Hindi ko na lubos na narinig ang usapan nina A’ma at Bapa Tasil ang tanging alam ko ay may namumuong pangangamba at pagkabahala sa mukha ni A’ma. Ang masayahin nitong mga mata ay nauukitan na ng agam-agam.
Assalamu alaykum! bati namin kay I’na nang dumating kami sa bahay. Abala siya sa paghahabi ng banig na yari sa pandan. Kapag walang gawain sa sakahan ay paghahabi ang kinagigiliwan at pinagkakaabalahan ni I’na.
Hindi pa man nakakaupo ay niyaya ni A’ma si I’na sa labas at masinsinang nag-usap.
Allahu akbar! ang tanging pahayag na narinig ko kay I’na nang may mabanggit si A’ma sa kanya. Dali-daling pumasok si I’na sa bahay. Bakas sa kanyang mukha ang pagkabahala gaya ng pagkabahala na nakita ko kay A’ma. Hindi ko man labis na maintindihan kung ano ang nangyayari ay batid kong may namumuong pagkatakot sa kaloob-looban ko.
****
Lunes ng hapon nang yayain ako ni A’ma na mamalengke sa padiyan bilang paghahanda sa unang araw ng Ramadhan. Muli kong nasaksihan ang saya at buhay na pamayanan. Halos lahat ay abala sa paghahanda. May abala sa paglalagay ng mga makukulay na pandi sa gilid ng daan. Dinig ko rin sa may di kalayuan ang tunog ng kulintang, agong, at ganding kaya kahit naglalakad habang hawak-hawak ang lumang laylayan ng damit ni A’ma ay palihim akong napapaindak. Palubog na ang araw nang umuwi kami ni A’ma sa bahay.
Wata! Wata! Gising! Allahuakbar! ang sigaw ni I’na na nagpagulat at gumising sa akin. May sinasabi siya ngunit paggalaw lamang ng kaniyang mga labi na nanginginig.
Pilit akong pinapatayo at inaakay ni I’na. Tuluyan akong nagising nang unti-unting lumalakas ang tunog ng putok. Sa lakas ng putok na magkakasunod-sunod ay napagapang kami. Napansin kong wala si A’ma.
Si A’ma, endaw? Saan? agad kong naitanong kay I’na kahit may kahirapan magkaringgan dahil sa lakas ng magkakasunod na putok.
Agkog! Agkog! Nandiyan pa ba kayo? Agkog! sigaw ni A’ma na nasa tarangkahan na nakadapa at nakaharap sa bahay ng kapitbahay naming na si Bapa Agkog. Paulit-ulit ang pagtawag niya ngunit ni isang sagot ay wala akong narinig.
Habang tumatagal ay tila papalapit at palakas nang palakas ang putok. Ramdam na rin namin ang pagragasa ng mga tangke dahil sa pagdagundong at bahagyang pagkakayugyog ng kinalalagyan namin.
“Dumapa kayo!” ang sigaw ni A’ma habang pagapang na lumalapit sa amin ni I’na. Isang malakas na pagsabog ang bumagsak na halos magpabingi sa amin.
Tumigil kami sa isang lumang poste ng bahay habang nakadapa pa rin. Ilang saglit pa ay biglang nabuwal ang haligi dahil sa pagsasalubungan ng mga bala sa itaas namin. Muli kaming gumapang na magkakahawak balikat patungo sa ilalim ng lumang lababo.
Allahuakbar! Subhanallah! sambit ni I’na na noon ay gumagaralgal ang tinig.
Wata Mama, gunitain mo ang Allah! utos ni A’ma.
Ilang minuto rin ang aming itinagal sa maliit na espasyo na iyon habang nagyayakapan at ginugunita ang Allah. Hindi ko lubos maipaliwanag ang aking nararamdaman dahil magkasabay na pumipintig ang aking puso sa bawat putok ng baril at bagsak ng kanyon sa aming paligid. Ang pagkakabingi naming ay siya ring pamamanhid ng aming puso dahil sa tinding takot. Wala akong ibang ginawa kundi ang pumikit at mahigpit na kumapit sa kamay ng aking magulang.
Ceasefire! malakas na sigaw na nagmumula sa labas ng bahay.
Agad kaming hinimok ni A’ma na tumayo at lumabas sa bahay. Tinunton naming tatlo ang daan patungo sa padiyan. Pansin kong walang ibang taong naglalakad na naiwan sa laya maliban sa amin. Magkahalong usok at alikabok ang sumasalubong sa amin na hatid ng putukan at mga sasakyang militar. Doon ko lamang din napansin na wala akong ibang suot maliban sa damit ni A’ma na punit-punit na rin bitbit ang lumang sambayangan na ginagamit sa pagdarasal.
Dumatingkami sa padiyan kung saan nagtipon-tipon ang lahat upang maging ligtas. Ayon pa sa iilan ay ito na raw marahil ang usap-usapan noon na may magaganap na bakbakan sa pagitan ng mga MILF at sundalo ng pamahalaan. Kaya pala ganoon na lamang ang pangamba at takot na aking nakita kina A’ma at I’na noon. Nanatili kami buong magdamag sa lumang barong-barong sa padiyan kasama ang iba pang mga bakwit mula sa laya. Dalawang linggo rin ang itinagal ng bakbakan bago tuluyang humupa at magsialisan ang mga sundalo. Kinaumagahan ay bumalik na kami sa aming bahay sa laya.
***
Inihanda ni I’na ang bao ng niyog na lalagyan ng tubig. Binalot na rin niya ang mainit na kanin na may dalawang piraso ng tuyong isda sa dahon ng saging na pinahiran ng mantika na mas lalong nagpabango sa kanin.
Pangingat kano lu bas a bangawidan a, paala ni I’na bago kami umalis.
Bitbit ang lalagyan ng tubig at baon namin ni A’ma ay tinungo namin ang kanyang sakahan. Habang sakay ng kalabaw ay mababanaag sa mukha ni A’ma ang pagkabahala sa mga nangyari. Ramdam ko iyon kahit hindi niya ito sambitin. Nakita namin ni A’ma ang bakas ng gulo dahil sa mga natumbang palay sa sakahan. Nabuwag din ang mga pilapil na noon ay maayos na inihanay ni A’ma upang hindi dumaloy papalabas ang tubig sa sakahan. Sa bawat madadaanang sirang pilapil at nakahigang palay ay humihinto kami upang ayusin ang mga ito.
Abala ako sa pagtanggal ng mga ligaw na damo sa palayan ay pansin kong nagpahinga si A’ma sa lilim ng malaking puno sa tabi ng maliit na sapa habang namamaypay gamit ang kanyang lumang salakot. Kay layo ng iniisip ni A’ma habang tanaw-tanaw niya ang kanyang malawak na sakahan. Itinigil ko ang aking gawain at pinuntahan ang aking nagpapahingang ama. Nadatnan ko siyang nakaidlip habang tumutulo ang namumuong butil ng pawis sa kanyang noo na kababakasan na ng katandaan dahil sa kunot na nitong balat. Kinuha ko ang laylayan ng aking damit at dahan-dahan kong hinawi ang pawis. Marahil naramdamanan niya ang pagdampi ng aking damit kaya nagising ito.
Wata Mama, baka gutom ka na, maaari ka ng maunang kumain. Mamaya na lang ako, wika niya sa akin habang nakatitig sa mga mata nito.
Amay-amay bo A’ma, ang aking mahinahong tugon.
Bumalik kami sa gawain namin. Minsan pa ay naghilaway kami ng direksyon ni A’ma ng pinagtatrabahuan sa sakahan at kahit may kalayuan kami ni A’ma sa isa’t isa sa sakahan ay minsan tinatanaw ko ito. Naisip kong hatdan siya ng tubig. Habang binabaktas ko ang pilapil patungo sa kanya ay biglang may malakas na putukan. Nabitawan ko ang bao ng niyog! Napadapa ako sa putik! Patuloy na lumakas ang putukan kaya napagapang ako sa ilalim ng mga mayayabong na palay. Naalala kong nag-iisa si A’ma. Hindi ko mapigilang huminto lalo’t may bumabagsak ng mga kanyon na hindi nalalayo sa kinalalagyan ko.
A’ma! A’ma! Endaw ka! malakas kong sigaw.
Gusto kong tumayo at tumakbo ngunit hindi maaari. Binilisan ko pa ang paggapang. Hindi ko ramdam ang bawat matutulis na bagay mula sa putik. Napansin kong hindi na ako umuusad sa paggapang. Pinipilit kong umurong upang magpatuloy sa paggapang ngunit tila may nakaharang sa likod ng mayayabong na palay. Huminto ako. Dahan-dahang iniangat ang aking ulo. Kinapa-kapa ko ang bagay na humaharang sa akin. Nagulat at kinabahan ako lalo ng bumungad sa aking paningin ang kulay pula na nasa putik.
A’ma ko! ang sigaw ko. Iniangat ko mula sa pagkakasubsob sa duguang putik ang mukha ni A’ma. Hinipo ang noo nitong kanina lang ay pawis ng pagsisikap at pagmamahal ang dumadaloy, ngunit ngayon ay mainit na dugo ng karahasan.
Ya Allah! ang tanging naibulalas ko habang mahigpit na niyakap si A’ma. Natakpan ng ingay ng papintig ng aking puso ang maiingay na putukan. Muli kong sinulyapan at minabuting titigan ang mukha ni A’ma, mas lalo pa akong naluha nang masilayan ko ang luha na dumadaloy sa kanyang mapayapang at maliwanag na mukha. Nakangiti si A’ma. Tanging ang katagang “Inna Lillahi Wa Inna Ilayhi Raji-oon” ang huli kong nasambit.
***
Isang malamig na hangin ang gumising sa akin. Hindi ko namalayang naidlip ako sa barongbarong habang nagpapahinga mula sa buong araw na pag-aararo. Papalubog narin ang araw. Pinagmasdan ko ang sakahan kasabay nang pagmamaalam ng araw. Sa anim na taon kong pagsasakang mag-isa, maiiwan ko ito sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong linggo. Napabuntong hininga na lamang ako pero sa kalooban ko ay kinakailangan ko itong gawin. Mas lalo akong nalungkot nang makita ko ang kalabaw na tila hinihintay ang aming pag-uwi. Naisip kong anim na taon na rin itong naglalakad na isa lamang ang nakasakay rito. Tanging kalabaw na lang din ang kasama ko sa pagtunton ng daan pauwi sa bahay na binubuhay na lamang ng iindap-indap na ilaw ng gasera.
Nadtanan ko sa bahay si I’na na naghahanda ng panggatong para sa pagluluto ng hapunan. Agad kong tinungo ang balon upang mag-abdas para sa pagdarasal.
Kanka den pagkatapos mong magdasal, paalala ni I’na.
Nang matapos maghapunan ay agad kong inihanda ang aking lumang bag na paglalagyan ng mga damit, ilang piraso ng bulad, at bigas.
Wata, mag-ingat ka ‘don, sambit ni I’na habang hinahaplos ang aking balikat.
Ramdam ko ang pag-aalala niya sa akin ngunit mula nang mawala si A’ma, napag-usapan na naming ang dahilan ng aking pag-alis. Alam kong masakit ito sa kanya ngunit mas masakit sa akin kung wala akong gagawing hakbang. Umalis akong nakatayo sa tarangkahan ng bahay si I’na na pinagmamasdan ang bawat hakbang ko papalayo sa kanya. Sa bawat paglingon ko sa kanya ay siya rin itong pagkawasak ng aking pusong mangungulila.
Alas otso ng gabi nang marating ko ang padiyan. Ilang kalalakihan ang aking nadatnan na tila umiiwas na matamaan ng ilaw ng mga poste. Nilapitan ko ang mga ito.
Assalamu alaykum, bati ko sa kanila.
Hindi pa man nakakaupo ay agad ibinigay ni Kahar ang isang armalayt na hindi gaanong bago ngunit matibay at maayos naman. Iniabot rin niya ang tatlumpo’t tatlong bala na ibinalot sa lumang panyo. Si Kahar ang mangunguna sa pag-akyat namin sa bundok ng Bumbaran na aming pag-iinsayuhan sa loob ng tatlong linggo.
Umupo at tumingala ako. Pinagmasdan ang mga bituin. Sa kalooban ko’y takot at pangamba ang nararamdaman ko. Sa bawat pagkislap ng bituin sa itaas ay siya ring paghinto nitong puso kong uhaw sa hustisya. Ngunit, ipinapanalangin ko rin na hindi katulad ng isang bituin ang aking mga hinahangad na maaaring mawala at tumigil ang pagkislap nito.
Gemanat tano den, tara! Sabi ni Kahar.
Bismillahi tawakkaltu alal Allahi wa la hawla waa la kuwata illa billah, mataimtim kong panalangin.
Maingat at mahinahon naming tinalunton ang patagong daan patungo sa Bumbaran. Aabutin rin kami ng halos apat na oras bago tuluyang marating ang Bumbaran. Sa bawat paghakbang na aking ginagawa ay umaasa akong makakamit ko ang hinahangad ko para kay A’ma.
[box]Mubarak M. Tahir is a pure-blooded Maguindanaoan writer from Kitango, Datu Piang Maguindanao. He won his first national literary award as 3rd Prize Winner for his Filipino essay “Aden Bon Besen Uyag-Uyag” in Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 2017. His short stories and poems were published in Dagmay, SunStar Davao, ALPAS Journal, Cotabato Literary Journal, Philippines Graphic, Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature, Davao Harvest 3, Mindanao Harvest 5: Anthology, Ani 40 of the Cultural Center of the Philippines, and other publications. He is currently teaching in Mindanao State University General Santos.
[/box]
You must be logged in to post a comment.