Sittie Aliah Asmia M. Abdulhalim
Maaga akong gumising dahil kailangan ko nang gumayak. Gustuhin ko man sa hindi ay kailangan ko nang bumangon sa kabila ng sarap ng aking pagkakahiga sa aking kama pati ng aking tulog.
“Amyra pakagaan ka san maninimo! Ka-late ka dn!” Dinig kong sigaw ng aking babaeng pinsan mula sa baba. (Translation: “Amyra bilisan mo nang gumayak. Mahuhuli ka na!”)
Napapailing na lamang ako dahil nakakaramdam na naman ako ng takot at lungkot para sa araw na ito.
“Today is the day! Be positive, Amyra. Wala kang oras para sa mga ganyang bagay,” pag-usap ko sa aking sarili saka pilit na ngumiti sa harap ng aking salamin.
Mabilis kong hinubad ang aking suot saka sumalang na sa banyo upang maligo at ihanda ang sarili para sa araw na ito.
Pagkalabas mula sa banyo ay agad kong pinatuyo ang aking buhok saka inayusan ang aking sarili. Napili kong maglagay ng manipis na shade ng make-up dahil naisip kong mas naaayon ito sa aking awra at nababagay sa bestidang aking napili para sa araw na ito.
Nang makuntento na sa aking makeup ay naisipan ko nang isuot ang aking napiling puting bestida dahil alam kong malapit na akong ma-late para sa event.
Nang maisuot ang aking bestida, humarap ako sa aking full-length mirror upang tignan ang aking kabuuang. Mapait akong napangiti nang makita ang aking repleksyon.
‘A wedding supposedly is the happiest day for a woman’s life, right? Be happy, Amyra. Bakit ka ba nagkakaganyan?’ tanong ko sa aking isipan habang nakatitig sa aking kabuuang repleksyon sa salamin bago pilit na nginitian ang sarili.
“Aidaw! Amyra ino ka da pakitago sa makeup ko makeup artist a biyayadan para ndata-datar tano sa shade o makeup?” Eksaheradong tanong ng aking pinsan noong dire-diretsong makapasok sa aking silid. (“Aidaw! Amyra bakit hindi ka nagpalagay ng makeup sa makeup artist na binayaran para pare-pareho tayo ng shade ng makeup?”)
“E ka madakul kano dn a myakitago sa makeup. Di makagaga so makeup brush e Tita Ainie,” pagbibiro ko habang inaayos ang aking bestida bago humarap sakanya. (Eh sa madami kayong nagpalagay ng makeup. Hindi makakayanan ng makeup brush ni Tita Ainie”)
“Besides, ba ako mambo di mapiya e ka tago sa makeup? Pagtampo ako ruka dn.” Pagbibiro ko pa saka umaktong kunwaring nagtatampo. (“Besides, hindi baa ko maganda rin maglagay ng makeup? Magtatampo na ako sayo.”)
“Asus! Miraga-raga dn so baby o pamilya. Di ka dn pagtampo ka ka-late tano dn. Wasaya dn.” Natatawang agap ng aking pinsan saka ako hinawakan sa kamay para isabay. (“Asus! Nagdadalaga na talaga ang baby ng pamilya. ‘Wag ka nang magtampo kasi mali-late na tayo. Tara na.”)
Natatawa na lamang kaming lumabas saka sumakay sa sasakyan para tumungo na sa venue.
Habang papalapit nang papalapit sa paggaganapan ng kasal ay mas lalo ring bumibilis nang bumibilis ang pagtibok ng aking puso. Para ba akong malalagutan ng hininga at parang inaagawan ng buhay.
‘Parang nga ba?’
“Amyra? Ba san ka dn? Myakapanog kami dn na lagid ba tumigas ka san,” Natatawang sambit ni Makoy, pinsan ko. (“Amyra? Jan ka na ba? Nakababa na kami tapos para ka pang naninigas jan.”)
Naiilang na nakitawa ako saka umiling sakanya at bumaba. Sa sobrang pagkalutang at pag-iisip sa nararamdaman ko ay hindi ko namalayang dumating na kami.
Napagtanto kong nahuli kami dahil nagsimula na ang programa para sa kasal. Dali-dali kaming tumungo sa torogan para sa bride.
“Aydaw ino kano aya kawri? Taros kano dn. Pakagaani niyo sumold.” Salubong sa amin ng aking ina saka sinamahang makapasok ng mabilis sa loob. (Aydaw! Bakit kayo nahuli? Pumasok na kayo. Bilisan niyo nang pumasok.”)
Pagkapasok ko pa lamang ay sumalubong sa akin ang mga dalagang nag-aayos pati ang mga kamag-anak na bumabati ng “congrats”.
Napapangiti na lamang ako ng pilit saka pinakita sa lahat na masaya ako para sa araw na ito. Na masaya ako sa kahihinatnan ng lahat—lalo na ng pamilya ko pagkatapos ng kasalang ito.
“Paparating na ang groom!” Masayang anunsyo ng isa sa aking mga tiya nang makapasok ito sa loob.
Nagsimula na ring magsipunta sa gilid ng silid ang mga tao pati na rin ako saka ihinanda ang aking dalang camera.
Pilit akong nakingiti sa lahat ng mga narito sa loob ng silid noong makapasok ang groom. Hindi ko maikakaila na nakakaramdam ako ng selos, sakit, pait, at hindi ko na mailarawang emosyon noong makita ang magiging asawa ng aking nakatatandang kapatid.
Napakahigpit ng aking kapit sa hawak kong camera. Nararamdaman ko na ang luhang nagbabadyang tumulo mula sa aking mga mata at ang hikbing nais nang kumawala sa aking bibig.
Gusto kong iiwas ang mga mata sakanila—sakanya, sa aking dating kasintahan ngunit kailangan kong magkunwari. Kahit masakit at mahirap tanggapin, kailangan kong maging masaya para sa kanila.
Sa likod ng isang ngiti ay ang isang nagtatangis na ako. Gusto kong tumutol at mag-eskandalo ngunit hindi puwede. Kailangan kong ipakita na wala kaming koneksyon sa isa’t-isa—na hindi namin kilala ang isa’t-isa. Para na rin sa ikabubuti ng pamilya ko at pamilya niya ang lahat ng ito. Para sa tuluyang pag-aayos at pagkakaisa muli ng dalawang pamilya.
“Ino ka pnggurawk? Pakagurawk ako rka badn.” Bulong ng isa ko pang pinsan. (“Bakit ka umiiyak? Naiiyak tuloy ako sa’yo.”)
Sunod-sunod akong umiling saka pilit na ngumiti sa kanya. “Da. Myakagagaan bo kasi so oras. Dati na wata pn si Ate Ameena, imanto na pkawing’n dn,” I lied. (“Wala lang. Ang bilis lang kasi ng oras. Dati bata pa lang si Ate Ameena, ngayon kinakasal na.”)
Tinapik na lamang ako ng aking pinsan saka nagpatuloy nang pinanonood ang tuluyang pag-iisang dibdib ng aking nakatatandang ate at ang aking dating nobyo na siya namang pagbaling ng atensyon ng lalaki sa akin.
Pansin ang kalungkutan sa mga mata nito at paghingi ng tawad sa akin noong mag-tama ang aming mata. Dahan-dahan itong ngumiti ng mapait sa akin bago yumuko para halikan sa noo ang aking ate.
Hindi ko na tinapos ang pagkuha ng mga litrato at panonood pa ng kanilang pag-iisang dibdib. Hindi ko kayang magkunwari at magpaka-manhid sa harap ng lahat. Alam ko sa sarili kong nakita ako ng aking dating nobyo na lumabas ngunit hindi ko na ito inisip pa saka dahan-dahang lumabas upang walang ni-isa ang makapansin sa pamumula ng aking mga mata at ang aking pagluha dahil ayaw kong magsinungaling pa sa kung sino.
‘Di ko maaatim na dagdagan pa ang mga kasinungalingan kong pasan-pasan. Ang pagsisinungaling sa sarili ko na hindi ko siya kilala sa harap ng aking pamilya, ang pagsisinungaling sa aking nakatatandang kapatid na walang kaalam-alam sa kung ano ang mayroon kami dati ng kanyang kaisang dibdib ngayon, sa pagsisinungaling sa sarili ko na kaya kong makita ang dating naging nobyo ko ng ilang taon na makasama ang aking nakatatandang kapatid—ang kasinungalingan sa lahat-lahat.
Sa sobrang pagkawala sa aking huwisyo ay hindi ko na namalayang nakalayo-layo na ako sa pinaggaganapan ng kasal. Isa na lamang ang aking naiisip na gawin upang hindi makagulo.
Pasensya na ngunit kailangan kong lumisan.
You must be logged in to post a comment.