Norhan B. Kudarat
Maagang gumising si Fahad upang maligo dahil sa alas siyete ang kanyang pasok sa mataas na paaralan ng Dimataling sa Zamboanga del Sur. Makikita sa kanyang may biloy na mga pisngi ang saya at ngiting parang abot hanggang langit. Dali-dali siyang naligo na tila limang minuto lang at parang kidlat na nagbihis sa napaglumaang uniporme ng kanyang kuya dahil magkasingtangkad lang sila nito. Hindi na siya nag-almusal dahil alam niyang wala na naman silang ulam. Sabik siyang pumasok dahil makikita na naman niya ang crush ng campus na si Jameela. Si Jameela ay kaklase ni Fahad. Siya ang binansagang “Helen” ng kanilang campus at maging sa kanilang lugar dahil sa taglay nitong ganda na halos lahat ng mga kalalalakihan ay mapapatunganga at mabibighani. Matagal ng may lihim na pagtingin si Fahad kay Jameela ngunit hindi niya ito maligawan dahil sa haram sa isang Muslim ang magkaroon ng nobya o nobyo. Sa Islam kasi ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasama ng dalawang magkaiba ang kasarian dahil maaari silang magkasala sa Allah o makagawa ng Zina o ang pagtatalik ng babae at lalaki na hindi pa kasal at dahil na rin sa payo ng ina nitong isang Ustaja o guro sa isang Arabic School na hindi naman gaano kalaki ang sinasahod.
Nang dumating siya sa paaralan ay dahan-dahang pumasok sa silid-aralan si Fahad na parang naka-slow motion sa isang pelikula habang nakatingin sa upuan ni Jameela na nakapwesto sa harapan na malapit sa pisara. Iniisip niya na kung nasa loob si Jameela ay kung paano niya ito kakausapin.
Pagkaraan ng ilang minuto ay dumating ang isang puti at bagong modelong “furtuner” na sasakyan. Huminto ito sa tapat ng kanilang paaralan. Pumarada ito malapit sa tapat ng kanilang klasrum. Sakay nito si Jameela. Unti-unting siyang bumaba sa sasakyan na para bang isang prinsesa na halos lahat ng mga mag-aaral ay nakatingin sa bawat hakbang niya at tila inihahatid papunta sa loob ng silid-aralan.
Bigla ding dumating ang kanilang tagapayo na masayang inanunsiyo na magkakaroon sila ng eleksyon ng mga opisyales ng kanilang section. Hanggang umabot sa puntong Muse at Prince Charming nalang ang pinagpipilian ng mga mag-aaral.
“Ngayon naman, mamimili na tayo ng ating magiging Muse,” masayang sabi ng kanilang guro.
“Ma’am, I nominate Jameela Mangundato as our Muse!” sabi ng kaklase nitong sabik na sabik na maging Muse si Jameela.
“Ma’am, I close the nomination!” sigaw naman ng katabi nito sabay tili ng malakas habang hawak sa kanyang dibdib.
“I second the motion ma’am,” dagdag ng isa pang kaklase nito na tila kinikilig ng sobra habang ginugulo naman ang sarili nitong buhok.
At naging Muse nila si Jameela sa kanilang seksiyon.
“Okay class! Ngayon naman pipili tayo kung sino ang ating magiging Prince Charming,” sabi ng guro na tila nakatingin sa kaakit-akit na mga mata Fahad.
“Ma’am! Wala namang ibang gwapo dito kundi si Fahad lang!” sabi ng babaeng kaklase nila na kinikilig din sa pagsambit sa pangalan ni Fahad.
“Ma’am, i-appoint nalang natin si Fahad! Bagay kasi sila ni Jameela!” sigaw ng isa pang kaklase nila na kunwari’y hinimatay sa kilig.
Dahil doon ay napagdesisyunan ng klase na si Fahad ang magiging Prince Charming ng kanilang seksiyon. Sumang-ayon naman dito ang kanilang guro na tila kinilig din ng bahagya.
Sa mga sumunod na araw, naging magkaibigan sina Fahad at Jameela. Tinuring silang love team ng kanilang campus at kalaunan ay binansagan ng pangalang FaJam na kuha sa inisyal na pangalan ng dalawa- Fahad at Jameela. Araw-araw na masayang pumapasok sa paaralan si Fahad dahil sa ispirado itong makita si Jameela sa tuwina. Pati sa panaginip nito ay nakikita niya si Jameela at palaging kausap.
Dumating ang ilang buwan ay nagkamabutian sina Fahad at Jameela. Palagi na ring hinahanap ni Jameela si Fahad kapag hindi niya ito nakikita sa campus. Hanggang sa naging magkasintahan sila kahit bawal sa Islam. Araw-araw silang nag-uusap sa mga plano nila sa buhay pagkatapos ng hayskul. Hanggang humantong sa sumpaan nilang hindi iiwan ang isa’t-isa kahit anong mangyari kahit langit at lupa man ang kanilang pagitan.
“Kalimo, mas mainam pang hingin mo na ang kamay ko kay Abi ko,” seryosong sambit ni Jameela habang nakatingin sa mapupungay na mata ni Fahad.
“Oo kalimo ko, In Sha Allah, mamamanhikan ako sa inyo at hihingin ko ang iyong kamay sa Abi mo,” sagot ni Fahad sabay hagod ng marahan sa maputi at malambot na kamay ni Jameela.
Isang araw, pumunta si Fahad kasama ang kanyang nanay sa bahay nila Jameela upang magsagawa ng pangengedong. Sa kultura ng mga Maguindanaon, ang proseso patungo sa isang kasal ay nagsisimula sa pangengedong. Sa matalinhaga at literal na pagsasalin nito, ang lumang kaugaliang ito ay nangangahulugang “pagbulong,” kung saan ang “kamaman” o ang pamilya ng inaasahang lalaking ikakasal ay nagtatanong kung may makukuha ba ang inaasahang ikakasal sa pamamagitan ng kanyang pamilya o “kababayan.” Ang mga unang pag-uusap ay may kinalaman sa “bantingan” (katayuan ng karangalan) ng prospect bride at “maratabat” (royal lineage) ng kanyang pamilya o wala sa ilang mga kaso. Ayon sa kaugalian, ito ay ang unang pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang pamilya na hahantong sa isang “Salangguni” o tamang pakikipag-ugnayan.
“Assalamu alaykom kagi Abdullah,” kinakabahang bati ng nanay ni Fahad sa tatay ni Jameela na medyo namumula ang mukha sa hiya.
“Alaykumus Salam naman sa iyo,” sagot ni Datu Abdullah na may kaunting pagtataka sa mukha kung bakit sila nandoon.
“Ah, Datu, hindi na po kami magpapaligoy-ligoy pa. Gusto po sana ng anak ko na hingin ang kamay ng anak niyo na si Jameela. Kaya po kami narito upang itanong kung wala po bang ibang nagkakagustong mamanhikan sa anak ninyo at kung magkano po ba ang magiging dote ng anak ninyo?” nauutal na paliwanag ni Ustaja Mariam kay Datu Abdullah.
“Alam mo Ustaja, kahit sino mang lalaking gustong mapangasawa ang aking anak ay hindi ko pipigilan basta lang kung kaya niyang buhayin ang anak ko,” mataas na boses na sabi ni Datu Abdullah.
“Kung gayon po, mga anong halaga po kaya ang inyong hinihinging dote sa anak niyo na si Jameela?” tanong ni Ustaja Mariam na may kaunting pangamba habang nakatingin kay Fahad.
“Kailangan niyong maghanda ng limang daang libong piso, isang ektaryang lupa, at isang magarang sasakyan!” pakutyang sagot ni Datu Abdulllah na makikitang seryoso at mukhang hindi na magbabago ang desisyon.
Natameme si Ustaja Mariam sa laki ng hinihingi ni Datu Abdullah. Napalunok naman si Fahad at biglang namutla ang kanyang makinis na mukha. Pagkatapos ng pangengedong ay umuwi na parang walang pag-asa ang mag-ina at doon sa kanilang bahay nagpatuloy na mag-usap.
“Kung buhay lang sana ang iyong ama ngayon ay baka may makatulong pa sa atin sa paghahanap ng kalahating milyon na iyan anak,” umiiyak na sabi ni Ustaja kay Fahad na sa malayo nakatanaw habang dinadama ang lungkot nang maalala kung paano nasawi ang asawa sa bakbakan sa Mamasapano.
“Oo nga ina ko, maaaring baka sana may mga kamag-anak tayo na pweding tumulong sa atin dito,” nanghihinayang na sagot ni Fahad habang nakatingin sa labas ng bintana nilang yari sa lumang kawayan.
Dahil sa laki ng hinihingi ng tatay ni Jameela na dote o bigay-kaya (Mahr sa Arabic) ay naisip ni Fahad na huminto sa pag-aaral at mag-abroad. Ang mahr ay isang kontrata na pinapasok ng ilang Muslim sa kasal. Sa batas ng Islam, ito ay isang regalo o kontribusyon na ginawa ng lalaki sa kanyang magiging asawa, para sa kanyang eksklusibong ari-arian, bilang tanda ng paggalang sa nobya, at bilang pagkilala sa kanyang kasarinlan. Dahil dito, pinayagan naman siya ng kanyang ina at ng kasintahang si Jameela na kitain ito at makaipon para sa kanilang kinabukasan. Nag-usap naman nang masinsinan ang magkasintahan hinggil sa plano ni Fahad na mangibang bansa.
“Kung ang kapalit na makuha ang kamay mo kalimo ko ay ang mangibang bansa ay gagawin ko. Lahat gagawin ko kahit madurog at mawasak ang puso ko na mapalayo sa’yo,” sambit ni Fahad na unti-unting pumatak ang luha sa mapungay nitong mga mata.
“Astagfirrullah kalimo ko! hindi ko kayang makita kang malungkot. Itanan mo na lang ako kalimo ko,” nagmamakaawang sagot ni Jameela na wari’y ibibigay lahat makatuluyan lang ang binata.
Kahit pinipilit siya ni Jameela na itanan siya nito ay hindi ito pumayag sapagkat nais niyang hingin ang kamay nito sa tatay niya nang maayos at naaayon sa Islam. Kalaunan ay pumayag din ang kalimo o mahal niya na si Jameela na mangibang bansa ito para makaipon ng sapat na dote para sa kanya.
Nagtrabaho si Fahad sa Doha, Qatar bilang isang waiter. Kahit wala itong karanasan sa naturang trabaho ay agad itong natanggap dahil sa angking gwapo, tikas, kinis ng kutis at ibang katangian na parang isang koreanong artista na tinitilian ng mga tagahanga nito. Ginawa niyang araw ang gabi upang makalikom ng sapat na salapi para kay Jameela. Hindi na niya inisip ang sarili. Kahit may lagnat ito ay pumapasok pa rin ito sa hotel na kanyang pinagtatrabahuan. Palagi siyang nag-oovertime sa trabaho. Nagsa-sideline din siyang magbenta ng kakanin dahil noong nasa Pilipinas pa ay katulong siya ng kanyang nanay sa pagbebenta ng kakanin at kahit noong nasa elementarya pa ito.
Dahil sa angkin nitong kagwapohan, hindi maiwasan na pati mga lalaking arabo o ibang lahi ay napapalingon kapag nakakasalubong ito. Minsan din ay may kusang nagbibigay sa kanya ng pera, cellphone, at alahas pero hindi niya ito tinatanggap dahil ayaw niya ng mga bagay na hindi niya pinaghihirapan. Kahit abala siya sa trabaho ay hindi pa rin niya nalilimutang magsimba ng limang beses sa isang araw (utos sa Islam) at kahit pagod pa ito galing sa trabaho. Nagtrabaho siya nang mahusay at nag-ipon nang nag-ipon.
Makalipas ang limang taon, natapos niya ang kanyang kontrata sa Qatar at nakaipon na ng mahigit limang daan libong piso. Masaya siya sapagkat makakauwi na siya sa Pilipinas at maibibigay na ang dote na hiningi ng ama ni Jameela. Lumipad siya pauwi ng bansa nang nakangiti at sabik na sabik. Nang dumating siya sa kanilang baranggay ay dumiretso itong pumunta sa bahay nila Jameela. Habang naglalakad ay napansin niyang maraming nakawagayway na mga pandala at pandi na nakabalandra sa labas ng bahay nila Jameela na karaniwang makikita lang tuwing may ginagawang salagguni o kasalan. Ang pandala at pandi ay simbolo ng kulturang Bangsamoro na ang ibig sabihin ay may malapit nang ikasal. Masayang pumasok si Fahad sa loob ng bahay. Nakita niya si Jubair na matalik niyang kaibigan kasama ang ama niya na katatapus lang mag-salangguni o mamanhikan kay Jameela at nakatakdang ikasal.
“Kalimo ko!” nagtatakang sigaw ni Fahad habang hinahanap si Jameela na parang pinagsakluban ng langit at lupa ang pakiramdam. Hindi niya alam ang gagawin at parang nababaliw at natataranta.
“Anong ginagawa mo dito?!” galit na tanong ni Datu Abdullah kay Fahad.
“Heto na po ang limang daang piso, Datu!” pagsusumamong sabi ni Fahad sa ama ani Jameela habang inilalagay sa mesa ang pera nakatali pa.
“Dinagdagan ko pa po ng isang daang libong piso,” dagdag pa niya habang tumutulo ang luha nito na parang tubig na umaagos sa gripo.
“Hindi ko kailangan ang pera mo! Nagbigay na ng isang milyon ang pamilya nila Jubair para hingin ang kamay ng anak ko!” pagmamataas na sinabi ni Datu Abdullah.
“Wala kayong isang salita Datu Abdullah!” wika ni Fahad na nagsusumamo habang nakaupo sa sahig na parang batang inagawan ng isang laruan.
“Umalis ka na dito bago pa magdilim ang paningin ko! At huwag kang mag-iskandalo dito. Hindi ka imbitado dito sa bahay ko! Hindi kayo bagay ng anak ko! At higit sa lahat ayaw kong makasal sa anak ko ang isang katulad mo!” galit na sigaw ni Datu Abdullah habang tinituro sa mukha si Fahad.
Umalis si Fahad sa bahay ni Datu Abdullah na humahagulgol sa labis na kalungkutan. Habang si Jameela naman ay nagkulong sa kanyang kwarto ng araw na iyon at buong araw na umiiyak at hindi kumakain. Hindi niya pweding kausapin si Fahad sa pagkakataong iyon dahil binalaan siya ng kanyang ama na papaslangin si Fahad kapag nagkatuluyan sila nito. Ayaw mawala ni Jameela si Fahad kaya nagdesisyon siyang pakasalan si Jubair at tanggapin ang inaalok nilang isang milyong dote.
Kinasal sina Jameela at Jubair sa isang hotel sa siyudad at maraming mayayamang pamilya ang imbitado. Buong araw na umiiyak si Fahad at pinagsusuntok ang haligi ng kanilang bahay na yari sa isang marupok na uri ng kahoy. Kahit nagdurugo na ang kanang kamay nito ay hindi pa rin niya tinigilang suntukin ang haligi ng bahay nila. Inawat lang siya ng kanyang ina at niyakap.
“Tama na kalimo ko. Tama na,” umiiyak na pakiusap ng ina niya na labis na nasasaktan sa dinadanas ng anak. Nilapitan niya ito.
“Ginawa ko ang lahat ina ko. Tiniis ko ang lahat. Wala ng natira sa akin ina. Siya lang ang lagi kong iniisip. Ikamamatay ko kapag mawala siya ina ko,” patuloy na hagulgol ni Fahad habang yakap ang ina nang mahigpit.
“Makakakita ka rin ng mas magmamahal sa iyo ng totoo kalimo ko,” pagtahan sa kanya ng ina niya habang hinahaplos ang ulo nito.
Mula noon lagi na lang nakatulala si Fahad at hindi masyadong kumakain. Nawalan na siya ng gana sa buhay. Hindi na rin nakikita ang mga biloy nito sa magkabilang pisngi ng kanyang mukha na dati rati ay kusang lumilitaw. Hindi na rin siya lumalabas ng bahay. Isang araw, narinig na lang niya na nanganak na si Jameela at pinangalanan itong Fajam na hango sa bansag sa kanila noong nasa hayskol pa sila. Lalong nalungkot si Fahad ng makita niya sa Facebook ang mga larawan nila Jameela, Jubair at ang anak nito sa isang aqiqa o isang ritwal na ginagawa ng mga Muslim sa bagong silang na sanggol at pagpapangalan dito.
“Mamahalin pa rin kita habambuhay kalimo ko,” sabi ni Fahad sa sarili habang pinagmamasdan ang mga larawan ni Jameela sa social media.
“Ikaw lang ang una at huli kong mamahalin,” dagdag pa nito habang unti-unting pumapatak ang luha niya.
Mula noon, nagpakalayo-layo na lang si Fahad para hindi niya makita ang pamilya nila Jameela at muling maalala ang mga masasakit na naranasan nito sa lugar na iyon. Hindi na rin siya nagpi-facebook. Sa kabilang dako naman ay masayang-masaya na si Jameela sa kanyang pamilya at unti-unti na niyang natutunang mahalin si Jubair hanggang sa mabuntis siya ulit nito at manganak. Tumandang binata naman si Fahad at hindi na umibig pang muli. Dinamdam niya lahat ng sakit na naranasan niya. Hanggang isang araw, nabalitaan na lang ni Jameela na nagkasakit at namatay na si Fahad dahil sa sakit at depresyon. Inilibing siya agad na naayon sa isang kultura ng Muslim na kung saan sa loob ng dalawampu’t apat na oras ay dapat nakalibing na.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay may biglang dumating na isang package para kay Jameela. Isa itong kahon ng sapatos na may katamtamang laki. Dahan-dahan niya itong binuksan. Nagtataka siya dahil walang pangalang nakalagay dito kung sino ang nagpadala nito. Nang tuluyang mabuksan niya ang kahon, nakita niya ang isang puting sulat na nakalagay sa isang sobre at limang daang libong piso na buo pang nakatali. Binuksan niya ang sulat at biglang tumulo ang kanyang mga luha.
“Para sa iyo kalimo ko. Wala akong sama ng loob sa iyo. Hindi mo kasalanan ang lahat. Kasalanan ko kung bakit isinilang akong mahirap at hindi kita nagawang ipaglaban. Kung sana ay nakaipon ako ng mas maaga ay sana tayo na ang nagkatuluyan. Ingatan mo si Fajam ah. Sa kanya ‘yang pera na iyan. Para sa kanyang pag-aaral. Kahit hindi ko man siya tunay na anak ay alam kong sa pangalan pa lang niya ay hindi mo pa rin maikakaila na mahal mo pa rin ako pero hindi na tayo pwedi sapagkat haram sa Islam na makiapid. Hayaan mong mahalin kita kahit may asawa ka na. Hayaan mong mahalin ko ang anak mo kahit hindi ko siya tunay na anak. At hayaan mo ng mahalin kita habambuhay at kahit sa kabilang buhay. Kung ipapanganak man akong muli, ikaw at ikaw pa rin ang aking mamahalin. Walang isang minuto na hindi kita iniisip. Mahal na mahal kita kalimo ko.” Hindi pa niya natatapos basahin ang sulat ay tumulo ang mga luha ni Jameela at halos mabura na ang mga tinta ng sulat sa luha nito. Umiiyak si Jameela habang yakap-yakap nang mahigpit ang sulat. Nang ‘di anu-ano’y biglang nagdilim ang kanyang paningin at hinimatay.