Almayrah A. Tiburon
Schedule ko sa araw na ito sa aking doktor para magpa-ultrasound. Hindi ko alam kung bakit pinili ko ang pink kong whole dress, ginamit ang pink na rubber shoes, pink na medyas, at pink na kombong, hindi dahil sa babae ako kundi yun ang naisipan at komportableng isuot ko sa araw na yun. Habang nagbibiyahe’y napapaisip kung ano ang kasarian ng magiging anak ko. Pagdating sa clinic ay marami ring mga buntis ang nandoon para magpa-check-up. Nang matawag ang pangalan ko’y nag-usap kami ng doktor ko, sabay pinahiga ako’t nakatingin kami pareho sa monitor.
“Dok, bago niyo po tingnan kung anong gender ng anak ko, gusto ko po pala babae kasi dalawa po ang anak kong lalaki.”
Ngumiti ang doktor. Marahil nakita niya sa akin ang pananabik. “Baby girl! Congrats!” Wika niya at kung hindi ako nakahiga’y marahil mapapalundag ako sa tuwa. Saglit pa’y pumatak ang mga luha ko. Muling tiningnan ng doktor ang monitor, “babae nga. Tears of joy,” aniya habang nakatingin sa akin.
Nang malaman ng asawa kong si Azis ay masaya rin siya dahil alam niyang masaya ako kahit pa mas gusto niya ulit ng batang lalaki. Ang totoo’y nag-aalala siya kung magiging babae ang anak namin. Mahirap daw kasi palakihin ang batang babae sa henerasyong ito. Pasaway raw kasi ang mga bata at mahirap kung ang pasaway ay babae. Kako depende sa amin ‘yun bilang mga magulang. Niyakap ko sina Cozy at King at sinabing alagaan nila ang bunso nila at protektahan. Hindi ko alam kung bakit sinabi ko ‘yun sa mga bata kahit alam kong hindi naman ako maiintindihan ng isang mag-aapat na taong gulang at mahigit isang taong gulang.
Limang buwan na ang ipinagbubuntis ko. Muli ay sa panahon ng pandemya, na mas lalo akong dapat mag-ingat dahil may dalawang maliliit na bata at may batang babae na rin sa sinapupunan ko na hindi pa man lumalabas ay mahal na mahal ko na. Bago matulog ay kinapa ko ang aking tiyan at pinakiramdaman ang tibok ng kanyang puso. Gumalaw siya sa unang pagkakataon. Marahil ramdam niya na masaya akong magiging nanay niya.
Sa gabi habang pinapatulog naming mag-asawa ang dalawang bata, “Alam mo, sa mga susunod na buwan ay tatlo na sila,” wika ko kay Azis na hindi pa rin nawawala ang mga ngiti ko sa labi.
“Sinong patutulugin ko sa tatlo paglabas ng anak natin? A, si King. Malaki na rin si Cozy at maiintindihan naman niya.”
“Basta, walang dapat na mangunguna sa kanila, ayaw kong maramdaman nila na hindi tayo patas, na kailangang mahalin natin silang tatlo nang labis-labis.”
Bago kami matulog ay pinag-usapan namin ang magiging pangalan ng bata. Ang napagkasunduan namin ay “Bae Qailah (one who speaks) Sofia (an intelligent and wise woman)” at ang kanyang magiging palayaw ay “Precious”.
Anak, Precious, nag-alala ako para sa ating dalawa dahil sa pandemya, mapanganib ang paglabas sa kagaya kong buntis kaya sobrang pag-iingat ang ginagawa namin ng ama mo. Alam kong ang pagbubuntis kong ito’y stressful dahil sa pag-iisip ng laganap na sakit na ito. Natural lang siguro na mag-alala ako para sa atin dahil sobrang mahal na mahal namin kayo ng mga kuya mo.
Kapag naipanganak na pala kita’y ayaw kong bumili ng mga damit mo na kulay pink lang. Gusto ko kung anong komportable’t presentable ka’y yun ang ipapasuot ko sayo. Ayaw ko kasing kung anong ididikta ng lipunan ay gagawin ko dahil ayaw ko ng stereotype; na sinasabi ng maskuladong lipunan na ang mga babae ay mahihina, na kailangan ay sa tahanan lamang kasama ang kaldero’t kalan, at maglinis ng bahay. Ang pagiging babae ay hindi nasusukat sa kung ano ang nagagawa sa tahanan at kung anong kulay ang isinusuot. Naniniwala akong maraming babae ang polychronic, na kayang gawin ang mga bagay nang sabay-sabay, na alam kong kaya mong pagsabayin ang maging manggagawa’t kapaki-pakinabang sa lipunan gayundin ang gawing maging maliwanag, mapayapa, at masaya ang tahanan.
Bilang babae, gusto kong paglaki mo’y maging matatag, matapang, at matalino ka sa mga pagsubok at manindigan sa mga desisyon at landas na tatahakin. May mga pagkakataon mang mahina ang boses mo’y natitiyak kong may makaririnig at may matitinag dahil huhubugin kita sa mga salitang may puso at malawak na pang-unawa. Lagi mo sanang itatangi ang kapayapaan at katarungan. Huwag titigil sa pagiging mabunga at malikhain. Huwag kang mag-alala kasi nandito kami ng ama mo para alalayan at gabayan kayong magkakapatid.
Limang buwan ka pa lang pero tungkol sa lipunan na ang sinasabi ko. Marahil ay gusto na talagang kitang makita. Bigla kong naramdamang gumalaw ka. A, baka ramdam at gusto mo rin ang mga gusto kong mangyari. Alam mo bang ninanamnam ko ang bawat mong galaw? Natutuwa kasi ako dahil pakiramdam ko’y masaya kang kasama ako. Alam mo bang nagsimula na akong mag-isip at mangarap ng magiging kinabukasan mo? At alam mo bang nasa imahinasyon ko na tatlo na kayo; magkakasamang pakakainin, maglalaro, magtatakbuhan, mamamasyal, at siguro mag-aaway. Party-party na siguro dito sa bahay. Nananabik na talaga ako sa pagkikita natin. Paglabas mo sa Abril ay mas lalo ka pa naming mamahalin ng ama mo kasama ng mga kuya mo – aarugain at kakalingain namin kayo nang walang humpay at walang pagod.