Ang Huling Ubo ni Norhamdin

Norhan B. Kudarat

Si Norhamdin, ang aming bunsong kapatid na lalaki, ay isinilang noong taong 1990. Sa panahong iyon, siya ay nasa unang taon ng high school—labing-apat na taong gulang, puno ng pag-asa at panaginip sa buhay. Isa siyang payat ngunit masiglang binatilyo. Kahit walang-wala kami sa buhay, madalas siyang ngumiti—ang ngiting parang may itinatagong sinag ng liwanag sa gitna ng dilim. Sa kabila ng kahirapan, sinisikap naming buuin ang araw-araw. Ang tatay ko ay pa-extra-extra lamang sa kung anong mapasukang trabaho habang ang nanay ko ay isang simpleng maybahay na pilit hinuhubog ang aming tahanan sa gitna ng kakulangan.

Isang hapon, alas-singko ng gabi, sumiklab ang unos na hindi namin kailanman inaasahan. Naupo ako sa sahig ng aming kubo habang hawak ang aklat sa eskuwelahan. Nag-aaral ako noon bilang fourth year high school, nagsusumikap makapagtapos, nagsusulat ng mga pangarap sa gitna ng gutom. Biglang narinig ko ang ubo ni Norhamdin. Hindi na iyon ang karaniwang ubo. Para bang bawat hinga ay may kasamang kalawang, parang hinahatak palabas ang kanyang kaluluwa. Napabalikwas ako sa pagkakaupo.

Allah akbar, Allahu akbar…” bulong ko habang tumatakbo papasok sa kwarto kung saan siya nakahiga.

Nang makita ko siya, namumutla na ang kanyang mukha, nanlalaki ang mata, at halos lumuwa na ang kanyang tiyan sa pag-ubo. Parang sinasakal siya ng sarili niyang katawan. Napatili si Inay, yakap-yakap ang kapatid ko habang panay ang dasal, “Astaghfirullah… Ya Allah, Tabangi kami (tulungan Mo kami!)”

Dali-daling lumabas si Tatay at humahangos na naghanap ng masakyan. Wala kaming pera. Wala kaming ambulance. Wala kaming kahit anong maaasahan kundi awa ng Allah at tulong ng mga kaanak.

Tumawag si Tatay kay Bapa Malagia, ang kamag-anak ng nanay ko na may lumang sasakyang de-karga. Wala kaming tiyak kung saan kukunin ang pambayad, pero ang buhay ng kapatid ko ang nakataya. Sumakay agad si tatay, si Kaka Yham (pinsan ko), at ang kapatid kong si Norhamdin, na noon ay halos wala nang ulirat.

Sa loob ng sasakyan, habang tumatakbo ang oras at ang makina ng sasakyang nanginginig, naririnig ko mula sa kwento ni Kaka Yham na paulit-ulit silang nagsasalita sa kanya:

Sabot ka, Norhamdinsabot ka ah. (Huwag kang bibitaw).”

Hinahaplos nila ang kanyang likod habang ang bawat hibla ng plema ay lumuluwa na mula sa kanyang bibig. Sa may Betinan, San Miguel, Zamboanga del Sur pa lang—hindi pa nakararating sa Margosatubig Hospital—ay bigla siyang tumigil sa paghinga.

Daden, Kaka… Badti (Wala na, Kuya Badti),” bulong ni Kaka Yham sa tatay ko na puno ng panginginig ang tinig.

Tumulo ang luha ni Ama. Umugong ang kanyang iyak na hindi na niya kailanman muling naiguhit sa ibang araw. Hindi na nila itinuloy sa ospital ang biyahe. Alam nilang huli na ang lahat. Bumalik sila, dala-dala ang katahimikan, dala-dala ang isang bangkay—ang aming bunsong lalaki.

Pagbukas ng pintuan ng bahay, sabay-sabay kaming nagsitakbo. Ang nanay ko, nang makita ang anak na wala nang buhay, ay bumulagta sa sahig.

Allahu akbar!” ang sigaw niya na humugot ng lahat ng luha sa kanyang dibdib.

Ang mundo ko ay parang biglang tumigil. Tila may malaking bato na tumabon sa dibdib ko, hindi ako makahinga. Lumuhod ako sa tabi niya, hinawakan ang malamig niyang kamay. Puno pa ito ng plema, at ang kanyang labi ay nanunuyo, naninigas.

“Din… kapatid ko…” nanginginig kong bulong. “Hindi ka man lang nakapagpaalam…”

Sa mga oras na iyon, ang gabi ay naging masyadong tahimik. Wala nang tunog ng kuliglig, wala na akong naririnig kundi ang tibok ng puso ko at ang alingawngaw ng mga hikbi. Isinagawa namin ang mga ritwal ng paglilibing ng isang Muslim kinaumagahan—nilinis ang katawan, binalot ng puting tela, at inihatid sa huling hantungan bago magtakip-silim.

Ang mga salitang “Innā lillāhi wa innā ilayhi rājiʿūn” ay paulit-ulit na binibigkas sa bawat panalangin. Mula sa Allah tayo nanggaling, at sa Kanya rin tayo babalik.

Nang mailibing na siya, tila nabawasan ang liwanag sa bahay. Wala nang maingay na tawanan, wala na ang masayahing tinig ni Norhamdin. Sa mga araw na sumunod, paulit-ulit kong sinisisi ang sarili ko. Bakit hindi ko siya nadala agad sa ospital? Bakit wala kaming sapat na pera para sana’y maligtas siya? Lahat ng ‘kung sana’ ay parang mga punyal sa dibdib.

Sa gabi, bago ako matulog, umiiyak ako nang palihim. Sinasabi ko kay Allah, “Ya Rabb, bakit siya? Bata pa siya. May pangarap pa siya. Bakit hindi ako na lang?”

Ngunit sa mga gabing iyon din, natutunan kong tanggapin ang kalooban ng Diyos. Na ang lahat ng nangyayari ay may hikmah, may karunungan sa likod ng bawat sakit. Si Norhamdin ay hindi na nahihirapan. Siya’y nasa mas mabuting kalagayan na, sa Jannah…In Sha Allah.

Ang kanyang libingan, bagamat simpleng hukay sa lupa, ay naging paalala sa akin ng kahalagahan ng bawat hininga, bawat yakap, bawat oras na kasama ang mga mahal sa buhay. Ang kanyang huling ubo ay hindi basta tunog ng paghihirap—ito ay naging sigaw ng isang sistemang salat sa tulong, kulang sa katarungan, at barado ng kahirapan. Ngunit ito rin ay naging paalala ng pananampalataya, na sa dulo ng lahat, si Allah ang higit na nakakaalam.

Ngayon, tuwing naiisip ko ang gabing iyon, hindi na lamang sakit ang aking nadarama. May kasamang tapang, may kasamang layunin. Ginamit ko ang lungkot bilang lakas. Nag-aral ako nang mas mabuti, nagsumikap sa bawat hakbang ng buhay. At ngayon—magdadalawang dekada mula nang mawala si Norhamdin—ako’y isa nang guro sa loob ng halos sampung taon, at malapit ko nang matapos ang aking PhD in Language Studies sa MSU-Marawi. Sa puso ko, dala ko ang pangakong walang batang gaya ni Norhamdin ang kailangang mamatay sa likod ng isang lumang de-karga, dahil lamang sa kakulangan.

Marahil ang pinakamahalagang aral na iniwan niya ay ito: sa mundong puno ng kawalang-katarungan, ang pagmamahal ng isang pamilya, ang pananampalataya sa Allah, at ang tapang na bumangon mula sa pagkawasak ang tanging sandata natin. Si Norhamdin ay wala na sa piling namin, ngunit ang kanyang alaala ay mananatili—sa bawat dasal, sa bawat hakbang ko patungo sa aking mga pangarap, sa bawat pagtulong ko sa nangangailangan.

Ang huling ubo ni Norhamdin ay naging simula ng aking pakikibaka—ng aking panata: na hindi ko hahayaang masayang ang kanyang buhay. Gagawin kong inspirasyon ang kanyang huling hininga upang bigyang-tinig ang mga gaya naming laging nilulunod ng katahimikan at kahirapan.

Sapagkat ang tunay na pamana ay hindi nasusukat sa dami ng ari-arian, kundi sa dami ng pusong nadama mo—kahit sa huling pagkakataon.

At sa huling pagkakataon, kapag dumadampi ang malamig na hangin tuwing dapit-hapon, tila muli kong nakikita ang mukha ni Norhamdin—ang bahagyang ngiti sa kanyang labi, ang ningning ng kanyang mga mata sa kabila ng pagod.

Noong una, pinilit kong manatiling buo sa gitna ng pagkalugmok. Sa kabila ng lahat, bumangon ako, nag-aral, at nagpatuloy sa paniniwala sa bukas. Ngunit ang mas masakit, hindi roon nagtapos ang yugto ng pamamaalam. Ilang buwan lamang ang lumipas mula nang mamaalam si Norhamdin, sumunod ang pinsan kong si Kaka Yham—naaksidente habang sakay ng motorsiklo at siya ang labis na naapektuhan. At dalawang taon makalipas, noong 2007, binawian din ng buhay ang aming ama—binaril sa hindi pa rin malinaw na dahilan. Silang tatlo, na minsang magkasama sa likod ng lumang de-kargang sasakyan, ay sunod-sunod ding nawala, parang paalala ng kalupitan ng tadhana.

Ngayon, marami pa kaming natitira—mga saksi sa gabing iyon, mga pusong tinuruan ng pait kung paanong magmahal nang buo at mabuhay nang may layunin. Hindi na namin maibabalik sina Norhamdin, Kaka Yham, at Ama, pero dala pa rin namin sila sa bawat hakbang—sa bawat panalangin, sa bawat pangarap na tinutupad.

Ang huling ubo ni Norhamdin ay hindi lamang paalam—ito’y naging paanyaya. Paanyaya sa amin na magpatuloy, magmahal, maglingkod, at mangarap. At sa bawat pagkakataong magtuturo ako, mananalangin, o titigil para alalahanin, alam kong hindi kami nag-iisa.