Almayrah Tiburon
Parang humahaplot ang kurtina sa kanyang paanan. Banayad na itong gumagalaw dahil sa ihip ng hangin. Naramdaman niya ang unti-unting panlalamig ng buo niyang katawan. Kasabay ng pagtiktak ng orasan ay ang mabilis na pintig ng kanyang dibdib. Pumikit-dumilat siya. Hinila niya ang kanyang kumot hanggang sa leeg. Napakislot siya nang mabanaagan sa bintana ang nakadungaw na babaeng may mahabang buhok at maiitim na matang nanlilisik, titig na titig sa kanya. May dalang gulok ang babae.
Walang kakurap-kurap ang babaeng ito sa kanya. Ibinuka ng babae ang bibig nito at umaalingawngaw sa kanyang kwarto ang paulit-ulit na mga salitang hindi niya naiintindihan. Gusto niyang bumangon pero tila mabigat ang kanyang katawan. Paglingon niya sa kanan ay may lalaking nakahandusay, duguan at walang malay. Bumalikwas siya at napaupo. Sumisigaw siya ngunit walang anumang tunog na lumalabas sa kanyang bibig. Nangingilid sa kanyang mga mata ang luha dahil sa nakikitang kalagayan ng lalaking duguan, nakatali ang mga paa’t kamay. Tila inuutusan siya ng kanyang pusong tulungan ang lalaking ito kahit hindi naman niya ito nakikilala. Nanunuyo na ang kanyang lalamunan sa kasisigaw. Unti-unting nawala ang imahen ng lalaki at ang babaeng may dalang gulok.
Nagising si Bae nang naliligo sa kanyang pawis, “A, panaginip lang pala. Lailahailallah!”
Bumangon siya, nanaog upang uminom ng tubig. Madalas mangyari ito sa kanya simula nang mangibang bansa ang asawa. Madalas nakatitig siya sa kawalan at tumutulo ang mga luha. Naiisip niyang sana’y sumama na lamang siya sa asawa. Para siyang pinanghihinaan ng loob sa tuwing naiisip niyang wala ito sa kanyang piling.
“Eto na naman ako, nag-iisa. Hay!” Bungtong-hininga ni Bae.
Kinabukasan, habang mabilis na naglalakad, dala ang libro at class record ay nakita niya ang paparating na estudyanteng hanggang tainga ang ngiti sa kanya.
“Magandang umaga, Ma’am,” bati ng estudyante.
Ngiti lamang ang itinugon niya at dali-dali na siyang pumunta ng faculty room. Agad siyang naupo at sumandal sa kanyang swivel chair.
Si Bae ay guro sa isang pamantasan. Palakaibigan siya. Palangiti. Ngunit sa likod ng magandang anyong iyon ay naroon ang kalungkutan. Akala ng iba’y wala siyang problema. Kapwa may kanya-kanya ng buhay ang bawat miyembro ng kanyang pamilya ngunit naroon pa rin ang pagdadamayan, kahit malayo pa ang mga ito sa kanya.
Pangarap ni Bae na magkaroon ng sariling pamilya, simple at iingatan niya. Hindi niya hahayaang mawasak ito ninuman.
“Hindi!” Usal niya sa sarili. “Hindi ko makakaya kung masisira ang bubuuin kong pamilya na puno ng pangarap at pagkalinga.”
Sa pagkakaupo’y may bigla siyang naalala. Anim na taon pala siyang hinintay ni Fahad bago tuluyang maganap ang isang kasalang Meranaw. Marangya ang pagdiriwang. Dinaluhan ito ng mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kasama sa trabaho, at mga kakilala. Ilang araw silang hindi nagkita upang paghandaan ang napakahalagang ritwal na ito sa kultura ng mga Meranaw.
Hindi pa nagtapos ang alaalang iyon. Sinariwa pa ni Bae ang huling pagyayakapan nilang dalawa bilang mag-asawa. Hinatid niya si Fahad sa Lumbia Airport. Papunta ito sa Qatar bilang engineer. Naniniwala kasi silang hindi dapat magkasaya sa pag-iibigan lamang, na magtitiyaga sila upang mapabuti ang kanilang kinabukasan.
“Phagilay ka … Pipikir angka pirmi na mahal na mahal kita,” bulong ni Fahad kay Bae.
“Oway. Penayaon aken seka. Kung mami-miss mo ako’y umuwi ka kahit zero at ako na ang bahala. Mahal na mahal din kita,” masuyong tugon ni Bae.
“Hoy, anong nangyayari sa’yo?” Tanong ni Aimah sa nagulat na kaibigang si Bae.
“Mukhang malayo na ang narating ng isip mo, a? Tara na, maglunch na tayo,” sabay haplos sa tiyan.
“O, sige,” wika ni Bae sa malungkot na tono habang nililigpit ang mga papel na nasa mesa.
Napansin ni Aimah ang kalungkutan ng kaibigan. Minsan na rin niyang nahuli na umiiyak
ito sa kuwarto. Batid niya ang dinadala nitong problema. Ngunit ilang araw na niyang napapansing may malaking pagbabago sa mga ikinikilos nito – balisa at laging walang kibo.
Sa faculty canteen ay nabibingi si Aimah sa katahimikan ng kaibigan.
“Ano na naman ba ang nangyari’t nagkakaganyan ka?”
“Wala!” Tanggi ni Bae, ngunit sunod-sunod na tumulo ang kanyang luha.
“Hindi ba, mag-iisang taon na kayo next month? O, ano, uuwi ba si Fahad? O, ikaw ang pupunta sa Qatar?”
“Hindi ko alam. Kahit tawag o text man lang, wala akong natanggap.”
“Baka surprise ang pag-uwi.”
Biyernes ng gabi, sabik na sinagot ni Bae ang cellphone niya. Si Fahad ang nasa kabilang linya.
“Bukas ay kasal ko na. Sana ay mapatawad moa ko,” walang gatol na bungad ni Fahad.
Umalingawngaw sa mga tainga ni Bae ang mga salitang iyon. Sandali siyang nabingi. Tingin niya sa paligid ay pinaghalong pula’t itim. Mabilis ang pagpintig ng kanyang dibdib. Muli niyang inilagay sa kanyang tainga ang cellphone.
“Antonaa i dangka raken kasowaten? Anong nagawa kong pagkakamali? Ganito ba ang tingin mo sa pagsasama natin? Huwag mong sasabihin sa akin na nabaling ang tingin mo sa iba dahil wala ako sa piling mo.”
“Antonaa i suwaan aken? Nangyari na ang nangyari at hindi na ito maibabalik pa. Isa pa, pwede naman ito sa ating kultura at mismong sa Islam, hindi ba?” Paliwanag ni Fahad.
“Simula noong una ay alam mo ng ayaw ko ng dowaya dahil ayaw kong may kahati ako sa’yo kahit pinapahintulutan pa ito ng Islam. Bakit mo hinayaang mahulog ang loob mo sa kanya samantalang alam mong naghihintay ako sa’yo? Naging mahina ka!” Mariing sabi ni Bae at pagkatapos ay pinatay niya ang cellphone.
Nang gabing iyon ay ipinaalam niya sa pamilya niya ang ginawa ni Fahad. Galit na galit ang mga ito sa lalaki. Hindi yumayakap sa poligamiya ang pamiya ni Bae – ang pag-aasawa ng higit pa sa isa. Wala silang makitang magandang dahilan para talikuran ni Fahad si Bae. Nagbunga ito ng maratabat sa pamilya.
“Lagi kaming nandito para sa ‘yo. Alam mong mahal na mahal ka namin,” sabi ni Farra, panganay na kapatid ni Bae.
Isang hatinggabi, isang babaeng mahaba ang buhok ang nakita ni Aimah sa kanyang panaginip, nakatalikod ito sa kanya. Mapanglaw ang mga mata ng babae, humihingi ng saklolo at umiiyak habang ang kaliwang kamay nito ay duguan. Huminga nang malalim si Aimah at saka siya dumilat. Bigla siyang napabalikwas nang maulinigan niyang umuungol si Bae. Nagpapang-abot ang hininga nito. Nasa sulok ng kwarto si Bae at nanginginig.
Nataranta si Aimah. Sinusumpong na naman ng sakit sa puso si Bae. Ginawa niya ang first aid na kanyang nalalaman hanggang sa mapakalma ang kaibigan.
Bumalik sila sa higaan. Narinig pa rin niya ang paghikbi ni Bae samantalang nakikiramdam si Aimah. May dalawang oras ding tahimik nang gabing iyon. Akala ni Aimah ay mahimbing nang natutulog si Bae. Kaya umidlip na siya. Ngunit isang kalabog ang gumimbal kay Aimah.
“Allahuakbar! Bakit mo ito ginawa?” Pasigaw na tanong ni Aimah. Panay ang punas ni Aimah sa kaliwang kamay ni Bae. Sunod-sunod ang patak ng dugo sa kamay nito na tinadtad ng hiwa ng blade.
“Banda giya i kabaya i Fahad, Aimah. Ganon din ang babae na matutuwa dahil magiging ganap na silang malaya,” sagot ni Bae.
“Aydo! Phamliin! Kung gusto mo siyang magsisi, magpatuloy ka sa buhay mo. Mabuti kang tao at matalino ka kaya hindi ko inaasahang maiisip mong gawin ito. Hindi ito ang solusyon sa lahat. Mabuhay ka at ipakita sa kanilang masaya ka at doon mararamdaman ng asawa mo ang pagsisising pinakawalan ka niya!”
“Ya Allah, pasensya na, wala kasi akong maisip kundi ang wakasan ang buhay ko. Hindi ako makapag-isip nang matino ngayon,” pagtatapat ni Bae sa kaibigan.
“Sige, inumin mo itong tubig. Huwag mo nang uulitin ito. Alam mo bang hindi ka tatanggapin sa langit kung nagkataon? Sa tingin mo ba, matutuwa ang lahat kung natuluyan ka? Bibigyan mo pa ng problema ang pamilya mo, rido ang iiwan mo sa kanila. Gusto mo bang magkaubusan kayo ng lahi? Mag-isip ka nga,” pagpapaunawa ni Aimah kay Bae.
“Hindi na ito mauulit, pangako,” banayad na tugon ni Bae. Tinungo niya ang banyo upang mag-ablution. Pagbalik ng kwarto ay nag-salaah. Nanalangin siya at humingi ng tawad sa Panginoong ALLAH.
Tuloy ang magandang buhay kay Bae. Sumasama na siya lagi sa mga kaibigan. Ibinalik niya ang dating mga ngiti at biro. Wala na siyang aasahan kay Fahad, kahit text o tawag man lang. Ang mga kaibigan na lang muna niya ang kanyang kasama sa tawanan at sa iyakan na rin. Ang pamilya ang tanging higit na makakaunawa at susuporta sa kanya, sa kanila ay iuukol niya ang lahat ng tiwala at pagmamahal.
Mag-iisang taon na silang kasal. Isang taon sa bilang, ngunit hindi sa pagsasama bilang mag-asawa. At ang nalalabing isang buwan na sana’y pupuno sa isang taong iyon ay siya palang magwawakas nang tuluyan sa kanila bilang mag-asawa. Akala niya ay madali lang kalimutan ang isang Fahad. Ngunit nagkamali siya. Lagi pa rin niya itong naiisip. “Mahal ko siya pero ayaw ko ng dowaya. Alam kong siya ang may hawak ng talak pero makikiusap akong isauli niya ako sa pamilya ko,” usal niya sa sarili.
Huminga nang malalim. Pakiramdam niya’y gumaan ang kanyang kalooban.
Pauwi na si Fahad sa Pilipinas. Uuwi siya para makipagkasundo kay Bae, subalit napigil siya ng pagsusuka at pagsakit ng tiyan ng bagong asawa.
Wala nang hinihintay na Fahad si Bae. Sa isang sulok ng kanyang kuwarto ay natagpuan niya ang sariling takot na takot. Nakatitig sa kanya ang isang babaeng may dalang gulok. Parang kinukurot ang kanyang dibdib dahil nahihirapan siyang huminga.
Tumakbo siya palabas ng kanyang kuwarto. Sinundan niya ang liwanag na nakita. Sa isang lagusa’y nakita niya ang lalaking nakahandusay. Nilapitan niya ito, duguan habang nakatali ang mga paa’t kamay. Humihingi ito ng saklolo sa kanya na para bang kilalang-kilala siya nito. Ito na naman ang lalaki sa kanyang panaginip, subalit ngayo’y malinaw niyang napansin ang suot nitong singsing.
Nagawa pa niyang tingnan ang kanyang palasingsingan. Suot niya ang wedding ring nila ni Fahad na kapareho ng suot na singsing ng lalaking nakahandusay. Sa likod ni Bae ay naramdaman niya ang pagbaon ng isang matalim na bagay. Alam niyang ito ang gulok na dala ng babae.
Sa labas ng bahay ay kumakatok si Aimah ngunit hindi siya pinagbubuksan ng pinto ni Bae. Marami pang katok ang sumunod. Nag-alala na si Aimah, kaya sapilitan niyang sinira ang door knob. Dali-dali niyang tinungo ang kwarto nila ni Bae.
“Bae, tanghali na, gising na. Bae, Bae,” malakas ang tinig ni Aimah habang tinatapik-tapik ang kaibigan.
Hindi pa rin kumikilos. Kinakabahan at nananalangin na nang todo si Aimah na sana’y hindi totoo ang tumatakbo sa kanyang isipan. Natutulog pa rin ang kaibigan.
Hinawakan niya ang kamay ni Bae at naramdamang malamig na ito, “Innalillahi wainna ilayhi rajiun. Lailahailallah. Lailahailallah…” Malakas at paulit-ulit na sigaw ni Bae habang tumatangis na niyakap ang kaibigang wala nang buhay.