Gamson Jr Mawallil Quijano
Humihilik pa man sa napakahimbing na pagkakatulog ang araw, gising na gising na ang mag-asawang sina Karim at Maymuna.
Nagtungo na ang dalawa sa ospital sa bayan ng Madinah dahil anumang oras ay magsisilang na si Maymuna sa kanilang unang anak. Halos isang dekada ring naghintay ang mag-asawang kapwa OFW bago sila biyayaan ng supling na kaytagal na nilang inaasam-asam.
Pabalik-balik ang lakad sa hallway ng ospital at pawis na pawis si Karim kahit fully air-conditioned naman ang paligid habang hinahanap sa listahan ng mga contact sa kaniyang cellphone ang numero ng kaniyang Ina’ na nasa Pilipinas. Tatawagan niya kasi ito upang sa wakas ay ipaalam na ang matagal na nilang itinatagong sikreto ng mag-asawa.
Nang malaman nina Karim at Maymuna na sila’y magkakaanak na, nagkasundo silang mag-asawa na pansamantala munang ilihim ang magandang balita. Naniniwala silang makabubuti itong ilayo sa al-‘ayn na posibleng magdulot ng pagkalaglag, katutubong deperensya at iba pang komplikasyong medikal sa kanilang iniingatang sanggol. Nais din nilang sorpresahin ang kanilang mga pamilya, lalo na ang kanilang mga magulang. Napagpasiyahan nilang mag-asawa ipaalam na lamang ang balitang ito sa mismong araw ng panganganak ni Maymuna.
Nang nakausap na ni Karim ang kaniyang Ina’, lubos itong nagulat at napaiyak sa tuwa nang malamang magkakaapo na siya sa kaniyang anak na si Karim.
“Allâhu Akbar! Allâhu Akbar! Alhamdu Lillâh! Daig ko pa ang nakatanggap ng malaking halaga ng pera sa balitang ibinahagi mo sa akin, anak. Labis ang aking kagalakan para sa inyong mag-asawa. Sa wakas ay ipinagkaloob na sa inyo ng Allâh ang matagal na ninyong hinihintay,” masayang sambit ng Ina’ ni Karim.
“Karim, anak, nasaan na ang asawa mo? Maaari ko ba siyang makausap kahit saglit man lamang? Kumusta na ang kalagayan niya ngayon? Anong oras siya manganganak?” sunod-sunod na tanong ng Ina’ ni Karim, na halatang nagagalak ngunit nag-aalala rin para sa kaniyang manugang.
“Alhamdu Lillâh, Ina’. Sa ngayon po ay maayos naman ang lagay ng asawa ko. Nasa waiting area na po siya ng delivery theatre, Ina’, dahil sabi ng kaniyang doktor, malaki ang posibilidad na mag-CS siya. Labis akong nag-aalala, Ina’, alam n’yo naman po na mayroong iniindang karamdaman sa puso ang aking asawa. Tulungan n’yo po akong ipag-du’a ang kaligtasan ng mag-ina ko,” pakiusap ni Karim sa Ina’.
“Asahan mong ako’y magdu-du’a kay Allâh na matiwasay ang panganganak ng asawa mo at ligtas silang dalawa ng apo ko. Tanging Allâh lamang ang ating lakas at masasandalan sa mga oras na ito. Balitaan mo ako agad, anak,” dagdag ng Ina’ ni Karim.
Sandaling nagpaalam si Karim sa kanyang Ina’ na kausap sa telepono.
“Ina’, magpapaalam na muna ako. Kailangan pa ako ng manugang ninyo at mayroon pa akong mga papeles na kailangang pirmahan sa nurse’s station. Ilang saglit na lang mula ngayon ay ipapasok na rin sa delivery theatre si Maymuna,” pamamaalam ni Karim sa Ina’.
Pagkatapos pinirmahan ni Karim ang Informed Consent Form para sa cesarean section ni Maymuna, agad itong bumalik sa kaniyang asawa na nakahiga sa stretcher sa waiting area ng delivery theatre. Pumapatak man ang luha sa pisngi at nanlalamig ang mga kamay sa kaba, takot, at iniindang sakit sa bandang sinapupunan, ay nagawa pa ring makipag-usap ni Maymuna sa asawa.
“Lasa, ang hirap pala ng pakiramdam ng manganganak. Parang pasan ko ang langit. Akala ko handa na ako, Lasa. Ipag-du’a mo ako kay Allâh na sana’y matiwasay ang aking pagluluwal sa ating pinakahihintay na anak,” maluha-luhang pakiusap ni Maymuna habang mahigpit na hawak ang nanglalamig ding mga kamay ng asawa.
“Ilang oras na lamang at magiging tatlo na tayo, Lasa. Sigurado akong mag-uumapaw sa tuwa sina Ina’ at Ama’ sa oras na masilayan na nila ang kanilang pinakamamahal na apo na matagal din nilang ipinag-du’a at hinintay. Titiisin ko ang bawat kaba at sakit para lamang makita ko ang ngiti sa inyong mga mukha, lalo na sa iyo,” dagdag ni Maymuna.
Mahigpit na niyakap ni Karim ang asawa, wari’y ayaw muna itong pakawalan. Pagkatapos ay marahan niya itong hinalikan sa noo at saka sa nakaumbok nitong tiyan, habang ang kaniyang puso ay puno ng pagmamahal, pag-asa, at pananabik sa kanilang munting supling.
“Hindi kayo pababayaan ni Allâh, Lasa. Nandito lang ako para sa iyo palagi, ah. Mahal na mahal kita at ang ating magiging anak. Sabik na sabik na akong makita siya. Magiging masaya tayong tatlo kapag magkasama na tayo,” huling wika ni Karim bago tuluyang ipinasok na ng mga nurse si Maymuna sa loob ng delivery theatre.
Balisang nakaupo si Karim sa waiting area sa labas ng delivery theatre. Nakayuko ang kaniyang ulo habang mahigpit na pinipisil ang sariling mga daliri. Maya’t maya’y tatayo siya at maglalakad nang ilang hakbang bago muling uupo.
Patuloy na gumagalaw ang kaniyang mga labi sa pagbigkas ng iba’t ibang adhkār, umaasang kahit paano’y maibsan nito ang kaba at pag-aalalang bumabalot sa kaniyang dibdib. Sa mga sandaling iyon, tanging du’a ang kaniyang sandata at sandigan, taimtim na hinihiling kay Allâh ang kaligtasan ni Maymuna at ng kanilang magiging anak.
Sa tuwing may lalabas sa pangunahing pinto ng delivery theatre, napapabuntong-hininga si Karim at agad na napapatayo mula sa kanyang kinauupuan. Sa bawat pagkakataon, inaakala niyang iyon na ang doktor o nurse na maghahatid sa kaniya ng balita tungkol sa kalagayan ng kaniyang asawa at ng kanilang sanggol.
Samantala, sa hindi kalayuan mula sa kaniyang kinauupuan, bumabalot sa kaniyang mga tenga ang halos sabay-sabay na iyakan ng mga bagong silang na sanggol na nasa nursery.
“Mahal kong anak, malapit na kitang makita at madama ang init ng iyong katawan, marinig ang iyak at makita ang tawa mong magbibigay ng kaligayahan sa amin ng iyong Ina’. Sana tinig mo na ang susunod kong maririnig. Yā Allâh,” bulong ni Karim.
Isang malakas na abiso ang biglang umalingawngaw sa kaniyang paligid.
“Ting… ting…ting… ting… Attention, please. Code blue, delivery theatre! Code blue, delivery theatre! Code blue, delivery theatre! Ting… ting…ting… ting…”
Biglang napatayo si Karim mula sa kanyang inuupuan. “Code blue… ano kaya ang ibig sabihin noon?” tanong niya sa sarili.
Mula sa salaming dingding ng delivery unit, natatanaw ni Karim ang mga nurse na nagmamadaling pumasok sa loob ng delivery theater. Lalo pang nadagdagan ang kaniyang pag-aalala. Bumilis ang pintig ng kaniyang puso at tila nanigas siya sa kinatatayuan. Tagos hanggang buto ang panginginig na bumalot sa kaniyang katawan.
Hindi niya maiwasang mag-isip ng kung anu-anong posibilidad. Subalit agad niya iyong itinaboy sa kaniyang isipan at mahigpit na kumapit sa patuloy na pagsasagawa ng du’a, umaasang ligtas na malalampasan ng kaniyang asawa at anak ang sandaling iyon.
“Yā Rabbiy, wala sanang masamang mangyari sa aking asawa at anak,” du’a niya habang pinipilit labanan ang kaba.
Pagkalipas ng halos isang oras, lumabas mula sa delivery theatre ang isang babaeng nakasuot ng puting gown na mayroong stethoscope na nakasabit sa kaniyang leeg.
“Husband of Mrs. Maymuna!”
Para bang huminto ang pag-inog ng mundo ni Karim nang marinig ang pangalan ng kaniyang asawa. Agad siyang napatayo at mabilis na lumapit sa nasabing babae. Naghahalo ang kaba at pananabik sa kaniyang dibdib habang paulit-ulit niyang pinupunasan ng dalang puting face towel ang pawis na namuo sa kaniyang noo.
Sa loob ng ilang sandali, tila naging napakahaba ng bawat segundo. Nakatuon lamang ang kaniyang paningin sa babae, naghihintay sa mga salitang maaaring magdala ng pinakamalaking saya o pinakamalalim na pangamba sa kaniyang buhay.
“Ako po, Doktora! Ako po ang asawa ni Maymuna. Kumusta na po ang aking asawa at anak? Ano po ba ang nangyari kanina sa loob? Bakit po nagmamadali ang lahat?” nauutal-utal na tanong ni Karim, bakas sa kaniyang mukha ang matinding pag-aalala at pananabik na malaman ang kalagayan ng mag-ina niya.
“Alhamdu Lillâh, sa pamamagitan ng cesarean section, ligtas naming nailabas ang inyong anak na nasa mabuting kalusugan naman. Nasa nursery room na siya ngayon at kailangan pang obserbahan ng mga nurse alinsunod sa hospital protocols….”
Hindi pa man natatapos ang doktora sa sinasabi, napasigaw si Karim ng “Allâhu Akbar!” at agad itong nagpatirapa sa sahig ng kaniyang kinatatayuan. Ito’y sumujud ng pasasalamat habang parang magdamag na umuulang langit ang kaniyang mga mata at paulit-ulit na binibigkas ang Alhamdu Lillâh.
Hinayaan muna siya ng doktora bago muling nagpatuloy sa pagpapaliwanag. Umahon si Karim mula sa kanyang sujud at muling nakinig na tila bang naalisan ng tinik ang kaniyang dibdib nang malaman na isinilang na ang kanilang anak.
“Ngunit… huwag ka sanang mabibigla… Kanina, nag-cardiac arrest ang inyong asawa matapos naming isagawa ang CS para mailabas ang inyong anak. Iyon ang dahilan ng pagmamadali sa loob. Ilang ulit din kaming nagsagawa ng CPR sa kaniya para sa pagbabalik ng tibok ng kaniyang puso. Napakahirap ng kaniyang pinagdaanan sa panganganak dahil na rin sa pagkakaroon niya ng karamdaman sa puso. Kinailangan din naming siyang i-intubate para maayos ang daloy ng kaniyang paghinga. Sa ngayon, ililipat muna siya sa ICU para sa masinsinang pag-aalaga.”
“Ilang minuto mula ngayon ay maaari mo nang masilayan ang iyong anak mula sa salamin ng nursery. Ngunit ang iyong asawa ay hindi pa maaaring bisitahin sa ICU. Aabisuhan ka na lamang kung kailan mo puedeng bisitahin ang iyong asawa. Maiwan muna kita, may iba pa akong aasikasuhin,” paliwanag ng doktora sa kaniya.
Napaupo si Karim sa isang silya ng ospital habang nakatitig sa kisame, hawak-hawak ang kaniyang ulo. Pulang-pula ang kaniyang mga mata. Naghalo ang kagalakan at pangamba sa kaniyang puso’t isipan. Wari isang bangungot na nais na niyang magisingan ngunit hindi niya magawa.
“Mahal kong Maymuna… Yā Allâh… huwag N’yo po kaming pabayaan. Huwag N’yo po muna kunin ang asawa ko. Kailangan ko pa po siya—kailangan po siya ng aming anak. Pagalingin N’yo po siya…” paulit-ulit na du’a ni Karim, tuluy-tuloy na pumapatak ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. Basang-basa na rin ang kaniyang damit sa pawis, sipon, at luha.
Makalipas ang ilang sandali, mula sa salamin ng nursery nakita niya ang kamay ng isang nurse na nagwawagayway sa kaniya at itinuturo ang kaniyang anak na nasa hospital bassinet. Mayroong nakatutok na ilaw na animo’y unang sinag ng araw na sumisilip sa bintana ng langit pagsapit ng bukang-liwayway. Sa wakas, nasilayan na ni Karim ang kaniyang matagal nang hinihintay na anak.
“Waaah! Waaah! Waaah! Waaah! Waaah! Waaah!”
Huminto ang mundo ni Karim nang marinig niya ang unang iyak ng kaniyang anak mula sa maliit na siwang sa salamin ng nursery. Ito ang tunog na halos isang dekada niyang walang humpay na ipinag-du’a na marinig. Ngunit sa araw na dapat sana’y puno ng saya, ang munting tinig na iyon ay tila naging himig ng pagdadalamhati.
Naglalaro sa kaniyang isipan ang tanong na pumipiga sa kaniyang puso. Napaisip siya kung umiiyak kaya ang kanyang anak dahil naramdaman niya ang sinapit ng kaniyang Ina. O ang kaniyang unang iyak ba ay pakikiisa sa pagdadalamhati ng kaniyang ama para sa kaniyang Ina’ na nagsakripisyo ng sariling buhay upang maibigay ang kaniya.
“Alhamdu Lillâh… pinakamamahal kong anak… isinilang kang malusog… aking munting prinsesa… Ikaw ang bukud-tanging napakagandang biyayang nasilayan ko ngayon! Kaytagal ka naming hinintay ng iyong Ina’. Ako’y lumulutang sa ibabaw ng ulap, anak. Sana’y pangalagaan ka ng Allâh,” bulong ni Karim na nakahaplos ang palad sa salamin ng nursery.
Ngunit ang kaniyang kasiyahan ay natabunan naman ng pangungulila dahil sa sinapit ng mahal na asawa. Ang kaniyang puso’t isipan ay nahahati sa pagitan ng pag-asa at sakit, wari isang niyog na nabiyak sa isang malakas na hampas, ang bao’y nagkahiwa-hiwalay at hindi na kaylanman maibabalik sa dating kabuuan.
“Mahal kong Maymuna, akala ko sabay tayong iiyak at magsasaya pagkapanganak mo. Akala ko makikita ko ang mga ngiti’t tawa na mangingibabaw sa iyong mukha matapos ang lahat ng iyong paghihirap,” wika ni Karim, pilit na binubuo ang basag na pangarap.
Samantala, nagsisimula nang magtakip-silim nang sabihin ng isang nurse kay Karim na maaari na niyang maiuwi ang kanilang anak. Hindi nagtagal, dumating na rin sa ospital ang isa niyang kaibigan na kagagaling lang mula sa trabaho at ito na ang nagmaneho ng kanilang sasakyan pauwi sa munting apartment na inuupahan nilang mag-asawa.
Mag-isa niyang inalagaan ang kanilang sanggol, subalit hindi siya lubusang nag-iisa. Nariyan ang ilang lalake nilang kaibigang mag-asawa na kapwa OFW rin. Sa tuwing naka-off duty, ito ay kusang tumutulong sa pag-aalaga sa kanilang anak, bagay na nagbibigay sa kaniya ng kaunting ginhawa sa gitna ng mabigat na pagsubok na kaniyang pinagdaraanan.
Nabibingi si Karim sa katahimikan ng kanilang apartment maliban sa iyak ng kaniyang anak at himig ng bawat adhan mula sa mga malapit na masājid sa kanila, ang tanging nagbibigay-buhay sa tahimik nilang apartment na dapat sana’y puno ng kasiglahan at pagmamahalan.
Pinapatulog ni Karim ang kaniyang anak sa duyang gawa mula sa mga hibla na mismong hinabi ni Maymuna habang ito’y nagbubuntis pa sa kanilang supling. Bawat hibla ay alaala mula sa kaniyang asawa. Habang marahan niya itong dinuduyan, hinihele naman niya ito sa pamamagitan ng isang lalangan na siya mismo ang sumulat.
Anak ku kalasahan ku
Pag duduyag duyagan ku
Tangis, katawa, uyum mu
Mussa’ ha pangatayan ku
Anak ku, ayaw masusa
Hi Ina’ Ama’ kaymu yari ra
Pahaluk kaw, rayang, lasa
Pagbati’ mu manaw kita
Jantung ku, tuwg nakaw, rayang
Hi Ina’ Ama’ kaymu naglalangan
Duwaa ku tattap pa Tuhan
Lumaggu’ kaw tau bar-īmān
(Aking anak, pinakamamahal
Tigib sa galak, pinapalaki ko sa layaw
Iyong hikbi, tawa, at ngiti
Mga perlas sa aking dibdib
Anak ko! Huwag kang maligalig
Iyong Ina’ at Ama’ nasa iyong tabi
Magpakahimbing ka, aking mahal
Paggising mo’y tayo’y mamasyal
O, aking puso! Tulog ka na, aking mahal.
Hinihele ka ni Ina’ at Ama’.
Panalangin ko sa Maykapal,
walang humpay.
Lumaki kang makadiyos, isang bar’iyman.) — (Filipino translation by Warina Sushil A. Jukuy)
Habang hinihele ni Karim ang kaniyang anak, pinagmasdan niya ito sa mahimbing na pagkakatulog. Hindi niya mapigilang isipin na tila nasa tabi lamang niya si Maymuna, kapwa nila hinihele ang kanilang anak habang magkahawak-kamay at magkasalo sa kaligayahan ng pagiging mga magulang. Ngunit isa lamang pala iyong guniguni. Sa pagbabalik niya sa katotohanan, unti-unting kinukudkod ang kaniyang puso.
“Sana’y nakikita ka ngayon ng iyong Ina’ na matagal kang hinintay at labis na minahal, anak. Naririnig niya ang bawat mong iyak, nasisilayan niya ang bawat mong ngiti’t halakhak, at nadarama niya ang init ng iyong munting katawan. Sana’y nagagalak siya habang kayakap ka niya nang buong pagmamahal.”
Pagkaraan ng ilang araw, nakadalaw na si Karim sa kaniyang asawa na nasa ICU. Habang naglalakad siya papalapit sa kuwarto nito, tila lumulutang siya sa hangin dulot ng matinding kaba. Malamig ang bawat hakbang, mabagal, mabigat, at puno ng pangamba. Bawat hakbang ay tila naglalapit sa kaniya sa isang katotohanang pilit niyang tinatanggap: ang muling makita ang pinakamamahal niyang asawa na hindi na kagaya ng dati ang kalagayan.
Nang muling makita ni Karim ang pinakamamahal na si Maymuna, para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Naroon ang asawa—ang dating masayahin, palabiro, masigla, puno ng pangarap—ngayo’y tahimik, walang malay, at may mga tubong nakakabit sa kaniyang bibig at ilong habang binabantayan at liyalangan ng tunog ng mechanical ventilator.
Hssss… ksss… hssss… ksss…
Bawat tunog ay kasabay ng patak ng luha ni Karim at taghoy ng isang batang paslit na sabik na sabik ring makita ang sariling Ina’ na siyam na buwang nagkarga sa kaniya sa sinapupunan.
“AsSalāmu ‘Alaykum, Lasa ko… Huling kita ko sa’yo, pilit mo akong binibigyan ng matamis mong mga ngiti kahit hindi maganda ang iyong pakiramdam.”
“Mā shā Allâh. Ang aking Lasa, kahit sa iyong pagtulog, napakaganda mo pa rin. Bakas pa rin sa iyong anyo ang babaeng unang nakilala ko nang ako ay dumalo sa Aqeeqa ng anak ng aking kaibigan sa Makkah—mahiyain, tahimik, at may mukha na tila laging nililiwanagan ng isang payapang ningning. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking alaala ang unang pagkakataong nagtama ang ating mga mata. Sa gitna ng maraming tao at maingay na paligid, ikaw lamang ang natatangi kong napansin. Sa bawat sulyap mo, para kang tala na marahang kumukutitap sa kalangitan ng gabi, at sa bawat pag-iwas mo ng tingin ay lalo lamang akong nabibihag. Hindi ko alam noon na ang simpleng pagtatagpong iyon ang magiging simula ng paglalayag ng aking puso. Hindi mo namamalayan, unti-unti mo na pala itong binihag,” napangiti si Karim habang marahan na hinihimas ang mukha ng asawa.
“Naalala ko pa nga, Lasa. Marahil ay nabighani na agad ako sa’yo nang araw na iyon. Pagkatapos ng Aqeeqa, hindi ko napigilan ang aking sarili na tanungin ang kaibigan ko kung sino ka. Nang sabihin niyang pinsan ka ng kaniyang asawa, lihim akong natuwa. Pakiramdam ko noon ay inilapit na agad ng Allâh ang aking landas patungo sa’yo.”
“Hindi nagtagal, nagsimula akong magtanong tungkol sa iyong pagkatao, pananampalataya at pamilya. Nang malaman kong ikaw ay may mabuting asal, may takot sa Allâh at mula sa isang marangal na pamilya— lalo pa nang mabalitaan kong isa ka pang dalaga at kapwa natin bayan ang iyong pinagmulan, agad kong ipinaalam kina Ina’ at Ama’ ang hangarin kong ikaw ang maging kabiyak ng aking buhay. Hindi ko alam kung matatawa ka rito, ngunit wala na akong ibang nakita noon kundi ikaw.”
“Sa pamamagitan ng iyong pinsan at ng ating mga magulang, ipinaabot ko sa’yo ang aking hangaring ikaw ay maging asawa ko. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin malilimutan ang tuwang naramdaman ko nang malaman kong hindi mo iyon tinanggihan. Para akong binigyan ng lakas ng loob upang tuparin ang lahat ng aking mga pangarap.”
“In duwm wayruun piya-adlaw, in adlaw wayruun piyaruwm. Hindi ko pinagabi ang araw at hindi ko rin pinaumaga ang gabi. Tinawagan ko kaagad sa Pilipinas sina Ina’ at Ama’ at sila ay masayang naghanda kasama ang aking mga kamag-anak para puntahan ang inyong tahanan upang humingi ng pahintulot sa iyong Ina’ at Ama’. Marahil ay naging madali rin ang lahat dahil magkakilala pala ang ating mga pamilya. Hindi nag-atubili ang iyong mga magulang na tanggapin ang aming pamamanhikan.”
“Naalala mo ba, Lasa? Pangarap nating sa Pilipinas isagawa ang ating Pagkawin at Waleemah? Nais sana nating makapiling ang ating mga mahal sa buhay sa napakahalagang araw na iyon. Ngunit dumating ang pandemya at tila isinara nito ang lahat ng ating mga plano. Nang makita ng ating mga magulang ang ating kalagayan, pinayagan nila tayong dito na lamang sa Madinah mag-isang dibdib.”
“Napakasaya natin noon, hindi ba? Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking alaala ang iyong mga ngiti sa araw ng ating kasal at ang unang pagkakataong hinalikan kita sa noo at ikaw nama’y humalik sa aking mga kamay. Sa dami ng biyayang ipinagkaloob sa akin ni Allâh, ikaw ang isa sa pinakamahalaga. Ikaw ang mukha na ibinigay ng Allâh sa aking mga du’a tuwing ako’y nagsasagawa ng Umrah.”
“Pero ngayon…. Qadar Allâh! Pakiusap naman, Lasa, gumising ka na. Naghihintay sa’yo ang ating prinsesa. Alam mo ba, Lasa? Napakaganda ng ating anak. Mana sa’yo ang kaniyang kagandahan. Habang pinagmamasdan ko siya, lalo kitang nami-miss. Sabik na sabik ka sa kaniya, hindi ba? Gising na, Lasa ko… samahan mo ako sa pag-aalaga sa ating anak,” pagmamakaawa ni Karim habang idinidikit ang kaniyang pisngi sa pisngi ng walang malay na asawa.
“Sa tuwing umiiyak ang ating anak na tila hinahanap ang iyong yakap, halik, hele, at pag-aaruga… hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa kaniya ang kalagayan mo. Sana ako na lang ang nasa kalagayan mo ngayon, Lasa…”
Walang araw na hindi hinahanap-hanap ni Karim ang dating sigla ng asawa—ang tawa, lambingan, kuwentuhan, at pag-aaruga nito sa kaniya na trinato siyang parang isang prinsipe. Akala niya, pagkasilang ng anak nila’y ganap na silang liligaya. Dumating ang kanilang pinakahihintay na anak—ngunit naglaho naman ang kaniyang pinakamamahal na kasama sa buhay.
“Akala ko, sabay nating aalagaan ang ating anak. Akala ko, mas sasaya pa ang buhay ko kung magiging tatlo na tayo. Halos isang dekada natin itong hinintay, Lasa…hindi ba? Hindi mo man naririnig ang aking mga kuwento na paulit-ulit ko nang sinasabi sa’yo, batid kong nararamdaman mo ito. Hindi ba sa tuwing naririnig mo ito ikaw ay labis na kinikilig. Pakatandaan mo… hinding-hindi ako magsasawang hintayin ang araw na gagaling ka at babalik sa dati ang iyong kalusugan, Lasa.”
“Walang gabi o araw ang dumaan na hindi ko ipinag-du’a ang pagbalik mo sa amin at muling masisilayan ang mga tawa’t halakhak sa iyong mukha. Gumising ka na, Lasa ko… hinahanap ka na ng ating anak,” marahang sambit ni Karim habang umaagos ang luha sa pisngi ni Maymuna.
“Yâ Allâh, pagalingin N’yo na po ang aking asawa. Huwag N’yo pa po sana siyang kunin mula sa amin. Papalapit na po ang araw ng Aqeeqa ng aming anak. Sana po’y naroon ang aking asawa sa espesyal na araw na iyon ng aming pamilya. Sana po’y kumpleto kaming tatlo. Bigyan N’yo pa po sana siya ng pagkakataong mayakap ang aming anak, mahalikan ito, at magampanan ang pagiging isang Ina’.”
Maraming paghimlay ng araw at pagsibol ng umaga ang lumipas, ngunit nanatiling bihag ng katahimikan si Maymuna. Mag-isa siyang nakahimlay sa higaan ng ICU, habang ang ritmikong pag-ugong ng mechanical ventilator ang tangi lamang nagsisilbing lalangan sa kaniyang tulog na napakahimbing.
“Naririto pa rin ang iyong katawan, Lasa, ngunit ang iyong diwa ay wari’y naglalakbay sa isang daigdig na hindi na namin maabot ng ating anak, tulad ng mga tala at buwan sa pusod ng napakadilim na kalangitan; ikaw ay nagbibigay-liwanag sa dilim, nagbibigay pag-asa sa mga mata kong tumitingala, ngunit nananatili kang hindi maabot ng aking mga kamay, gaano man kita nais makapiling,” panaghoy ni Karim sa isa na namang pagdalaw niya kay Maymuna. Matagal niya itong pinagmasdan—walang malay, hindi gumagalaw, at nananatiling nakikipaglaban sa pagitan ng buhay at kamatayan.