Rofaida S. Cairoden
Sa madilim na silid matatanaw ang isang dalagitang nakaupo sa upuan ng kanyang mesa. Nakatitig ito sa kanyang kama na animo’y may sinasariwang mapapait na alaala. Walang anumang ingay ang maririnig sa kanya na nagdudulot nang nakabibinging katahimikan sa loob ng silid. Tanging ang nagpupumiglas na mga boses mula sa kanyang isipan ang bumabagabag sa kanya. Sumisigaw ang mga ito, nang walang humpay na para bang tiyak na nilang pinapakinggan niya ang mga bulong nila mula sa isipan niya.
Pumikit ito ng ilang sandali at saka pinakawalan ang isang malalim na hininga na kanyang itinatago mula sa dilim na kanyang kinasasadlakan. Isinandal nito ang kanyang likuran sa upuan na para bang nagpapahiwatig ng muli na naman niyang pagkatalo sa gabi na ito.
“Ding ka siran den. Tumahan ka na, hangga’t nabubuhay ako’y hindi nila ako masusuway,” ang malumanay na wika ni lola Zinab kay Ameerah.
Nagkaroon ng pagtatalo si Ameerah at ang kanyang ama. Nais sanang magtrabaho ni Ameerah sa ibang probinsya ngunit, hindi siya pinayagan ng kanyang ama. Mas nais ng ama niya na sa tiyuhin na lamang nito magtrabaho. May iniaalok na trabaho raw ito kay Ameerah at hindi raw ito mahihirapan dahil sa Marawi lamang daw iyon ngunit, ayaw tanggapin iyon ni Ameerah sa kadahilanang nais din niyang maghanap ng trabaho sa sarili niyang pamamaraan at sa kagustuhan din niya ng panibagong karanasan na makatutulong sa kanya.
“Hindi ka nila mapipilit sa mga kagustuhan nila. Ba akong ka di sarigi?” ang muling pagtitiyak ni lola Zinab sa kanya.
Muling lumapit si lola Zinab sa kama ni Ameerah at saka hinagod nang paulit-ulit ang buhok nito. Ilang sandali’y bigla na lamang humarap si Ameerah sa lola Zinab niya at saka niya ito niyakap nang mahigpit.
Ang malalakas na hagulgol ni Ameerah ay umalingawngaw sa loob ng kanyang silid at ang mga luha niya’y kusa na lamang niya ito pinakawalan nang walang humpay. Sa tuwing may mga hindi pagkauunawaan ang mag-amang Ameerah at Halim ay ang lola Zinab niya ang pumapagitna sa kanilang dalawa. Madalas ay hindi na tumututol si Ameerah sa mga kagustuhan ng kanyang ama ngunit, pagkatapos ng diskusyon nilang mag-ama’y parating nagkukulong ito sa loob ng kanyang silid at umiiyak sa kanyang kama nang mag-isa. Batid ni Ameerah na hindi niya kayang ipakita ang saloobin at emosyon niya sa iba maging sa kanyang pamilya ngunit, iba sa kanyang lola Zinab. Kaya niyang umiyak sa harapan nito ng walang anumang pag-aalinlangan at takot. Kilalang-kilala siya ng lola Zinab niya maski ang mga payak na kilos nito’y gamay na gamay na siya nito, kaya ganoon na lamang ang pagiging malapit nilang dalawa sa isa’t-isa.
Tumayo si Ameerah sa upuan niya at saka niya tinungo ang kama’t umupo rito. Kinakapakapa nito ang ilang bahagi ng kanyang kama na para bang dinadama nito ang tagpong iyon. Pumikit siya ng ilang saglit at patuloy na inalala ang ilang masasayang alaala niya sa kanyang lola Zinab at saka lamang ito dumilat. Dahan-dahan nitong pinunas ang ilang butil ng luha mula sa kanyang mga mata. Patuloy nitong nilalabanan ang nagbabadyang hagulgol na nagtatangkang tumakas mula sa kanyang mga labi na sa tingin niya’y hindi makatutulong sa kanya sa situwasyon ngayon. Malalim na hininga ang pinakawalan nito at pinilit na kinakalma ang kanyang sarili mula sa alaalang iyon.
“Maaari nang kunin ni Ameerah ang kursong Accounting,” ang mabigat na katagang binitawan ng tiya Najma niya habang ito’y nakatitig sa kanyang ama.
Katatapos lamang niya sa hayskul sa panahon na iyon. Labis ang kasiyahan at galak na nararamdaman ng kanyang mga magulang at mga kamag-anak na para bang wala ng bukas. Paano ba nama’y siya ang kauna-unahang apo ng kanyang Ina Zinab na nakapagtapos ng hayskul.
Si Ameerah ang una’t nakatatandang apo ng ina ng kanyang ama na si Halim kaya ganoon na lamang ang labis na selebrasyon na ginawa ng kanyang mga kamag-anak bukod pa roon ay nagkamit din siya ng mataas na parangal sa kanilang pangkat kaya’t doble-doble ang sayang nararamdaman nila ngunit, kabaligtaran naman iyon para sa kanya.
Sa araw kasi ng pagtatapos niya ng hayskul ay binabalak niyang kausapin ang kanyang mga magulang sa kursong ninanais niyang kunin mula sa kolehiyo ngunit, mukhang hindi na iyon matutuloy dahil may sentensya na siya mula sa araw na iyon. Muli na naman siyang malulugmok sa isang desisyon na ipapataw sa kanya ng kanyang mga magulang at mga kamag-anak na hindi niya kailanman matatakasan.
Mapapait na ngiti mula sa kanyang labi ang pinakawalan niya sa kanyang mga kaanak nang maramdaman niyang sumasang-ayon ang mga ito sa sinabi ng tiya Najma niya.
“Ino di mapiya o sii rakn tondog si Ameerah. Bukod sa maganda iyong magiging kinabukasan niya’y matalino rin siya,” ang pangungumbinsi rin ng tiyo Amin niya. Ang nakatatandang kapatid ng kanyang ama.
Tinitigan niya ang kanyang ama na animo’y nagpahihiwatig na hindi sang-ayunan ang kanyang mga nakatatandang kapatid. Bagama’t nasanay na ito sa magiging posibleng daloy ng usapan ng kanyang ama’t mga kapatid subalit, sa pagkakataon na iyon ay umaasa siyang tatanggi ito’t sasabihin sa kanila ang nais din niya para sa kanya.
Tiningnan siya ng kanyang ama ng ilang sandali na tila nag-iisip ito nang malalim na isasagot sa mga kapatid niya. Ilang sandali’y iniiwas naman nito ang mga tingin niya’t ibinaleng ito sa mga kapatid niyang nakaupo’t naghihintay sa isasagot niya sa kanila.
“Ilayangka man Halim, isa-isa ka a wata si Ameerah kaya’t kinakailangan ay maganda iyong magiging kinabukasan niya. Ang hinahangad nating lahat ay ang magandang kinabukasan ni Ameerah,” ang dugtong ng isa pang nakatatandang kapatid ng ama niyang si Walid.
Sa pagkakataong iyon, nagbigay hatol na ang kanyang ama sa magiging desisyon nito sa kanyang kinabukasan. Muli siyang tiningnan ng ilang sandali ng kanyang ama bago ito ulit humarap sa kanyang mga nakatatandang kapatid.
“Kung iyan ang makabubuti kay Ameerah na ino di kapharo. Kung iyan ang nais niyo’y wala akong tutol,” ang malumanay ngunit mabigat na pahayag ng kanyang ama sa kanyang mga kapatid.
Malalalim na buntong-hininga ang tanging nagawa ni Ameerah nang sumagi sa kanyang isipan ang pangyayaring iyon sa kanya. Musmos pa lamang siya’y iyon na palagi ang naririnig at nasasaksihan niyang mga tagpo sa kanilang pamilya. Hindi niya iyon lubos na maiiwasan sapagkat, nakatira lamang sila sa iisang compound bagama’t may kanya-kanyang mga tahanan ang mga kapatid ng kanyang ama’y hindi pa rin maiiwasan na manghimasok at makialam ang mga ito sa mga magiging desisyon nito. Kung minsan nga’y nais niyang itanong sa kanyang ama, kung bakit gayon na lamang ang pananahimik niya sa tuwing magsasalita ang mga nakatatandang kapatid nito? Kahit labag sa loob niya ang nais nila. Madalas ay naririnig niya noon ang kanyang mga magulang na nag-aaway tuwing gabi dahil sa labis na panghihimasok ng mga kapatid ng kanyang ama sa buhay nila. Noon pa ma’y nais na ng kanyang ina na umalis at lumipat sila ng tirahan subalit, hindi iyon sinasang-ayunan ng kanyang ama dahil sa iniwang amanat ng kanilang yumaong ama bago ito pumanaw na hindi sila maaaring maghiwa-hiwalay, kahit na may kanya-kanya na silang mga pamilya.
“Ate Ameerah, mbaba ka kon daan,” ang malumanay na pukaw ng nakababatang pinsan ni Ameerah sa kanya mula sa pinto ng kanyang kuwarto.
Tinungo ni Ameerah ang pintuan ng kanyang silid at saka binuksan iyon.
“Ino kanan? May problema ba? Ang pag-aalalang tanong nito sa kanyang pinsan.
“Inipikhitalowan ka saki bapa Halim. Dumating na sina bapa Amin,” ang mahabang paliwanag ng pinsan niya sa kanya.
“Oway. Bababa lang ako maya-maya,” ang huling sagot ni Ameerah sa pinsan niya at saka na nito isinara ang pinto ng silid niya.
Muling tinungo ni Ameerah ang upuan na kanina’y kinauupuan lamang niya at saka siya muling umupo rito. Malayo ang kanyang tinatanaw mula sa nakabukas na bintana na kaharap lamang niya. Hindi nagtagal ay naaninag niya ang ilang kotseng nakaparada sa labas ng kanilang tahanan. Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata nang mabatid na niya ang nangyayari. Ilang beses nang napag-uusapan ni Ameerah at ng kanyang ama ang bagay na iyon subalit, hindi niya inaakalang magiging ganito kabilis. Noong nakalipas na tatlong taon lamang ay katatapos lamang niya sa kolehiyo, kalakip nito ang mataas at matingkad nitong pangarap para sa kanyang sarili at sa kanyang mga magulang.
Marami siyang nais gawin at nais makamit gaya ng ibang kabataang katatapos lamang din sa kolehiyo. Mga lugar na ninanais niyang marating kasama ang ilan sa mga malalapit na kaibigan niya at ang maging malaya at malayo sa realidad ng buhay na pilit na ipinapataw sa kanya ng mga kamag-anak niya. Nais niyang maging mapangahas sa mundong puno ng hindi natatapos na daan ng pagsubok. Gaya ng iba’y nais din niyang makita’t maranasan ang mga yaon, ang tumayo sa kanyang mga sariling paa upang harapin ang mundo ng kawalan na karaniwang ginagawa ng mga kaibigan niya ngunit, hindi na niya magagawa ang mga iyon. Muli na namang naputol ang kanyang pakpak na minsan nang tinanggal sa kanya ng kanyang mga kaanak ilang taon na ang nakararaan. Inakala niyang mas magiging madali sa kanya ang lumipad nang matayog at malaya gaya ng kanyang nais ngunit, muli na naman siyang nagkamali.
Nadatnan ni Ameerah ang mga kamag-anak niya na naguusap-usap. Hindi namalayan ng mga ito ang presensya niya na dahilan nang malalim na usapan ng mga ito. Ang iba sa kanila’y nagbibigay ng mga kanya-kanya nilang opinyon na magiging solusyon ng suliraning kinakaharap nila sa pagkakataon na yaon. May ibang mahinahon lamang ang pagbibigay ng suhestiyon nito ngunit, karamihan sa mga kalalakihan sa kanila’y tila nagsisigawan na kung ibahagi nila ang nais nila.
Kapansin-pansin ang ama ni Ameerah na nakaupo lamang ito sa sulok, nakikinig sa mga kamag-anak nila. Wala itong imik at tila malalim ang iniisip nito. Kanina pa niya hinihimas ang kaliwang bahagi ng kilay niya habang nakatingin ito sa kawalan na dati na nitong gawain tuwing may mabigat itong suliranin.
Ilang sandali’y inabot ng ama ni Ameerah ang baso ng kape sa ibabaw ng mesa’t kanya itong dahan-dahang iniangat upang inumin nang mapansin niya si Ameerah na nakatayo lamang malapit sa kanila. Tanaw na tanaw sa mga mata ng ama ni Ameerah ang lungkot na bumabalot sa mga tingin nito sa kanya na para bang nagulat din ito nang matanaw ang anak nitong nakatayo’t nagmamasid sa kanila. Agad itong tumayo mula sa kinauupuan niya na naging dahilan upang makuha ang atensyon ng mga kamag-anak nila.
“Ameerah, ba ka kagiya san bo?” ang mahinang tanong ng ama ni Ameerah sa anak nito.
Hindi nakasagot nang agaran si Ameerah dahil sa magkahalu-halong emosyon na nararamdaman niya ngayon. Natahimik ang lahat ng mga nagsasalitang kamag-anak nila at nakatingin na lamang ang mga ito sa kanya na para bang hinihintay ang tinig na isasagot nito sa ama niya. Huminga ito nang malalim at saka niya tiningnan sa mata ang kanyang ama at ibinigay nito ang kanina pa nilang hinihintay na sagot mula sa kanya.
“Hindi naman, abie,”ang tipid nitong sagot sa ama niya.
Ganitong-ganito ang tagpo noong nakaraang taon, marami ring mga kamag-anak ang nagtungo sa kanilang tahanan upang magbigay basbas sa okasyon na magaganap. Bawat isa sa kanila’y tanging halakhak at tawanan ang kumakawala mula sa kanilang mga labi na nagiging dahilan ng hindi komportableng pakiramdam nito sa kanya. Ang mga tiyuhin at mga tiyahin niya’y sabik na sabik sa mga pagpaplano kasama ang mga nakatatandang pinsan ni Ameerah sa kanyang ina. Ngunit, iba ang nagaganap na pagtitipon ng kanilang pamilya sa araw na ito. Ibang-iba sa pagtitipon na iyon na tanging kasiyahan at pagdiriwang ang makikita sa mga mukha ng mga kaanak nila. Hindi maipintang mga mukha na tila dinaanan ng isang masalimuot na unos ang tanging sumasalubong sa kanya. Ang malalakas na tinig mula sa mga datu sa kanilang pamilya ang nagbibigay ingay sa loob at labas ng kanilang tahanan, na kung aakalain ng dayo ay may nagaganap na away sa pagitan ng bawat miyembro ng kanilang pamilya.
“Tigilan niyo na ito! Di tano makapumbobologa, kung hindi ninyo ipinilit ang mga kagustuhan ninyo,” ang bulyaw ng ama ni Ameerah sa mga kapatid nito’t mga kamag-anak nila.
Natahimik ang bawat isa nang makita ng bawat miyembro ng pamilya nina Ameerah ang nanggagalaiting sigaw ng ama nito na tila, kanina pa nagtitiis sa ilang hindi maayos na pag-uusap ng mga kapatid nito at maging ang ilang mga kaanak ng asawa nito.
Ang bawat isa’y may kanya-kanyang ninanais na solusyon upang maayos ang gusot na ginawa nila ngunit, walang nangyayari at nabubuong payak na solusyon kundi ang pamamaraang dahas. Iyon ang nais ng karamihang miyembro sa pamilya at hindi iyon nagustuhan ng ama ni Ameerah na kanyang ikinagalit sa mga ito.
Sa unang pagkakataon, ngayon lamang nakita ni Ameerah ang galit na iyon ng kanyang ama. Ngayon lamang niya nakita ang labis na pagsalungat nito sa mga kapatid at kaanak nila nang walang anumang pag-aatubili.
“Song ka pasin sa poro, Ameerah. Kami na ang bahala rito, magpahinga ka na lamang sa kuwarto mo,” ang mahabang paliwanag ng ina nito kay Ameerah na hawak-hawak sa magkabilang kamay ang kanyang anak.
Naalala ni Ameerah nang mangyari ang masalimuot na bagay na iyon, ilang buwan ang nakararaan ngayon. Nasa Cagayan de Oro siya sa panahon na iyon dahil sa trabahong responsibilidad niya. Nang tumawag sa kanya ang nakatatandang kapatid ng ama niyang si Amin. Pinapauwi siya sa apartment na tinutuluyan nito dahil sa hindi malaman na dahilan. Dali-daling umuwi si Ameerah sa tahanan nila’t saka naabutan ang ilang kotseng nakaparada sa tapat ng gate ng apartment na kanilang tinutuluyan. Dali-dali itong pumasok sa loob ng kanilang inuupahan ng may takot at pangamba na baka may nangyaring hindi inaasahan. Nadatnan niya sa loob ng bahay ang mga kapatid ng ama at ina niya na pawang mga kalalakihan at ang ilang malalapit na kamag-anak nila.
“Khabaya aka sa di na sasama ka sa amin,” ang madiin na pahayag ng nakatatandang kapatid ng ama niyang si Amin.
Iginala ni Ameerah ang paningin sa loob ng kanilang inuupahang bahay nang makita nito ang ilang naka-impakeng mga gamit nito.
“B-ba-bapa Amin, inokano sisaya? Ano ang sadya ninyo rito?” ang nauutal na tanong ni Ameerah sa tiyuhin niya.
Walang sumagot sa tanong na iyon ni Ameerah sa mga kamag-anak niyang naroon na animo’y mga tigreng ninanais lapain siya sa oras na iyon. Hinawakan lamang nang mahigpit sa kaliwang kamay si Ameerah ng mga tiyuhin nito at saka nila ito sapilitang pinapalabas mula sa bahay na inuupahan nila.
“N-na-nayawn tano daan si Yassen. Darating lamang ng ilang sandali ang asawa ko,” ang natatakot na pakiusap ni Ameerah sa mga kaanak nito.
“Huwag munang isipin ang lalaking iyon. Imanto na tiyangan ami suka sii rukaniyan,” ang nagagalit na pahayag ng kapatid ng ama niyang si Walid.
Hindi inaasahan ni Ameerah na iyon ang magiging simula ng panibagong dagok ng kanilang buhay. Nasa Mecca ang mga magulang ni Ameerah sa oras na iyon. Wala silang kaalam-alam sa nangyaring iyon at ang tanging alam ng mga ito ay nasa mabuting kalagayan si Ameerah. Bago pa magtungo sa Saudi Arabia ang mga magulang nito’y ibinilin na nila ito sa mga tiyahin at tiyuhin niya na tumatayong ikalawang mga magulang niya ngunit, tila nagkamali sila sa desisyong iyon. Ang mga taong pinagkatiwalaan nila ay sila rin pala ang sisira sa isang magandang samahan na sila rin mismo ang bumuo. Isang relasyon na hindi inaasahan ngunit nagbigay ng pagkakataon kay Ameerah upang maging malaya sa isang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat sa mahabang panahon. Isang relasyon na naging susi upang makawala siya sa kadenang nakatali sa kanya sa mahabang panahon.
“Aya niyo phagologun sa landung na si Ameerah! Ibinigay ko na sa inyo ang kagustuhan ninyo ngunit, hindi pa kayo nakontento at muli kayong gumawa ng isang malaking kahihiyan!” ang muling sigaw ng ama ni Ameerah sa mga kamag-anak nito.
Naglalatag ang mga ito ng panibagong solusyon sa suliranin ng kanilang angkan ngunit, mangyayari lamang iyon kung tatanggapin ito ni Ameerah. Muli, siya na naman ang magiging susi ng isang mabigat na responsibilidad na inihatol ng kanilang buong angkan.
Kaaalis lamang ng pamilya nina Yassen sa araw na iyon, nagtungo sila sa tahanan nina Ameerah upang ayusin ang ilang hindi pa malinaw na usapan sa pagitan ng pamilya nina Yassen at Ameerah gaya ng halaga ng salapi at mga lupang ibibigay na dowry ni Yassen at ang ilang mga nakatakdang petsa na maaaring ikonsidera sa araw ng dialaga at kasal ng dalawa. Hindi iyon ang unang beses na nagtungo ang pamilya ni Yassen sa kanila, sa katunayan ay ikatlong beses na nilang magtungo kina Ameerah dahil sa hindi matapos-tapos na usapan tungkol sa magiging kasal nila. Nang unang bisita nila kina Ameerah ay tanging ang mga magulang ni Yassen ang pumaruon upang ihayag ang nais ng anak nilang hingin ang kamay ni Ameerah mula sa mga magulang at buong angkan nito.
Sa ikalawang pagbisita ng mga magulang ni Yassen ay isinama nila ang ilan sa malalapit na kamag-anak at maging ang anak nilang si Yassen upang ipahayag sa mga magulang at kamag-anak ni Ameerah ang pormal nitong paghingi ng kamay ng dalaga sa paraang tinatawag na Kapanoksam. Sa tagpong iyon ay inilahad ang halaga ng dowry na ninanais ng pamilya ni Ameerah na kinakailangang ihandog ni Yassen at maging ang ilang nais na handog ng mga kaanak ni Ameerah gaya na lamang ng paghahandog ng pamilya nina Yassen ng sampung Marigay sa araw na magaganap ang dialaga ng dalawa at ang magiging hatian sa ilang gastos sa kasal ng dalawa.
Pumikit ng ilang minuto si Ameerah bago ito malumanay na naglakad sa ikalawang palapag ng bahay, patungo sa kanyang silid. Dinig na dinig sa buong bahay ang bawat malalakas na tinig ng mga kaanak nila. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad hanggang sa marating niya ang ikatlong silid sa ikalawang palapag. Binuksan niya iyon at sumalubong sa kanya ang madilim na kuwarto, kinapa-kapa ng kaliwang kamay niya ang pailawan sa silid at madalian nitong pinindot. Naaninag ng mga mata ni Ameerah ang lawak ng buong silid at ang kaonting mga gamit sa loob. Pumasok ito’t isinara nang bahagya ang pinto ng silid. Inilapag niya sa kama ang kanina’y suot-suot nitong jacket.
Umupo ito sa gilid ng kama at saka niya sinapo ang buong mukha niya sa pamamagitan ng dalawa niyang mga palad. Pagdilat nito’y natanaw niya ang isang pamilyar na librong nakalapag lamang sa ibabaw ng mesa. Nabaling ang tingin niya rito’t ilang minuto rin niya itong tinitigan nang walang anumang imik. Tanging ang malalalim na hininga ang maririnig sa buong silid, ilang sandali pa’y kusa na lamang pumatak ang marahas at malupit niyang mga luha sa kanyang mga mata. Wala itong tigil sa pagpatak na animo’y isang ulan na hindi nagpapapigil. Pilit niyang ikinukubli at tinitiis ang sakit ngunit nabigo siya sa nais niyang iyon. Hinawakan niya nang dahan-dahan ang kanyang dibdib upang damayan sa bigat nitong dalahin ngunit kumawala pa rin sa kanyang bibig ang malalakas na hagulgol na kanina’y pinipigilan ng dalawa niyang mga labi sa pagkukubli. Unti-unting sinapo ng kanang palad niya ang kanyang bibig upang pigilan ang malakas na pighati na hatid nito sa kanya. Wala siyang magawa sa ilang minutong yaon kundi ang tumangis sa loob ng kanyang silid nang mag-isa.
“Ina, miyakaoma ako dn. Tinupad ko ang pangako ko sa iyo,” ang maluha-luhang bulong ni Ameerah sa lola niyang malamig na ang bangkay.
Dali-daling pumasok sa loob ng tahanan ng bapa Amin niya si Ameerah. Kapansin-pansin ang mga kaanak nitong tahimik na nagluluksa sa pagkawala ng kanyang lola Zinab. Ang tanging natitirang palokes-lokesan ng kanilang angkan. Ang iba’y may kausap sa kanilang mga telepono upang iparating sa ibang kamag-anak ang nangyari. May mga dumarating din na mga kaanak nila at karamihan sa mga ito’y ngayon lamang niya nakaharap sa unang pagkakataon.
Pagbukas niya sa silid ay nakita niyang pinapalibutan ng mga anak at apo nito ang kama. Walang nagnanais magsalita nang pumasok ito. Bawat isa sa kanila’y nagpipigil sa pagtangis upang payapang lumisan ang namayapang miyembro ng kanilang pamilya. Linapitan ni Ameerah ang malamig na bangkay ng kanyang lola Zinab at saka niya ito hinalikan sa noo.
Hindi nito namalayan ang unti-unting pamumuo ng mga luhang kusang umaagos mula sa kanyang mga mata. Sumisikip ang kanyang dibdib na para bang may kung anong bagay na nakabara sa lalamunan niya na ngayon lamang niya naramdaman. Hindi ito makahinga sa hindi niya maipaliwanag na dahilan at hinahabol na lamang nito ang hiningang kapos na kapos.
“Ameerah, phag leave ka sa one week. Phagawtun ka san saki bapa Walid ka. Hintayin mo riyan ang mga kaanak natin,” ang makahulugang tawag ng kanyang ama sa kanya.
“Inoto, abie? May problema po ba?” Ang pagtatakang tanong ulit ni Ameerah sa ama niya.
“Daa awidaakal. Sumama ka kina tito Walid mo, pagdating nila riyan. Ikaw lang ang hinihintay namin,” ang huling pahayag ng ama niya bago nito ibaba ang telepono niya.
Nagulat na lamang si Ameerah nang dumating ang mga kamag-anak nito sa kanya. Masaya siyang sinalubong ng mga ito pati na rin nang hindi mga kakilala na sa tingin niya’y ngayon lamang niya nakaharap sa unang pagkakataon.
“Ameerah, arukingka si auntie Monaimah ngka,” ang masayang utos ng tiya Najma niya kay Ameerah.
Hindi naman nag-atubili si Ameerah na halikan sa pisngi ang babaeng kaharap niya ngayon at ang ilan pang mga kasamahan nito bagama’t nagtataka siya sa mga nagaganap na pangyayaring iyon.
“Pamilya sila ni Yassen. Siran e mga panogangan ka,” ang diretsahang paliwanag ni tiya Najma niya sa kanya.
“B-bi-biyenan?” Ang gulat na gulat na tanong ni Ameerah sa tiyahin niya.
“Oway. Magbihis ka na at uuwi tayo sa Marawi. Phogad saki Yassen imanto a gagawii,” ang nakangiting pahayag ulit ng tiyahin niya.
Walang nagawa si Ameerah kundi ang sumama at tanggapin sa oras na iyon na kasal na siya. Hindi niya batid na kayang gawin iyon sa kanya ng mga kamag-anak at mga magulang niya. Ikinasal siya nang wala man lang kaalam-alam sa nangyayari at ang tanging idadahilan nila’y isa raw ito sa mga iniwang habilin ng kanyang namayapang Ina Zinab. Sa totoo niyan ay hindi niya alam kung totoo ba ang amanat na binabanggit sa kanya ng mga kaanak nito ngunit ano nga ba ang magagawa niya, kung tinapos na nila ang isang malaking desisyon na walang anumang pahintulot galing sa kanya?
“O-on-ontod ka. Anong gusto mo? Kape pa rin ba?” ang kinakabahang mga tanong nito kay Ameerah.
Kararating lamang ni Ameerah sa isang café shop. Nilinga-linga nito ang kanyang paningin sa loob ng restawran nang matanaw niya ang isang pamilyar na mukha. Nakaupo ito sa isa sa mga mesang nasa sulok ng resto. Agad niyang tinungo ang kinaruruunan nito, ito ang unang beses na pagkikita nila makalipas ang mahigit limang buwan nilang paghihiwalay.
Umupo si Ameerah sa tapat nang kinauupuan ni Yassen. Ibang-iba ang hitsura nito mula noong huling pagkikita nila sa Cagayan de Oro. Namayat ito na animo’y pinabayaan ang sarili nito. Sa katunayan ay muntik na nitong hindi makilala ang dating kabiyak. Nakatitig lamang sa kanya si Yassen na tila naghihintay lamang din ng tiyempo gaya niya upang masimulan ang usapan nila.
“Kumusta ka na?” ang lakas loob na tanong sa kanya ni Yassen.
Hindi alam ni Ameerah, kung anong dapat niyang isagot sa tanong na iyon sa kanya ni Yassen. Bagama’t hindi naging maganda ang kanilang paghihiwalay ay kinakailangan pa rin niyang maging sensitibo sa mga isasagot niya kay Yassen dahil kung may labis na nasaktan sa hiwalayang nangyari sa pagitan nilang dalawa’y mas nagdusa ang dati nitong naging kabiyak.
Bago lamang din nalaman ni Ameerah na hindi pumapayag si Yassen na maghiwalay sila, wala raw itong pinirmahang kasulatan na nagsasabing maghihiwalay sila ni Ameerah. Ilang ulit daw siyang pinilit ng mga magulang at kaanak nito na pirmahan ang ilang kasulatan ngunit, paulit-ulit daw ang pagtanggi niya rito. Hanggang ngayon daw ay umaasa pa raw itong magkakabalikan silang dalawa at ang pinanghahawakan nito’y ang naging pangako niya kay Ameerah noong ikasal silang dalawa.
“Mapiya den. Maayos naman ako,” ang tipid na sagot ni Ameerah kay Yassen.
Iginala ni Ameerah ang paningin nito nang masilayan niya ang isang pamilyar na sing-sing na suot-suot pa rin ni Yassen.
“Hindi mo suot iyong sa’yo. Bangka inilubad?” ang mapait na tanong ulit ni Yassen sa kanya.
Hindi makasagot si Ameerah sa biglaang tanong na iyon sa kanya. Nais sana niyang sabihin kay Yassen na kinuha ng mga kaanak niya ang lahat ng mga gamit niya simula noong sinundo siya ng mga ito sa dati nilang inuupahang bahay at iuwi siya sa kanila ngunit, mas makabubuting huwag na lamang ipaalam iyon sa kanya upang maputol na rin nang lubusan ang koneksyon na mayroon sila.
Dali-daling kinuha ni Ameerah ang isang maliit paper bag na kanina’y dala-dala nito. Ibinigay niya ito nang walang pag-aalinlangan kay Yassen na siyang tinanggap naman ito.
“Tonaaya? Ba’t mo ito ibinabalik?” ang pagtatakang tanong nito kay Ameerah.
Agad tiningnan ni Yassen ang laman ng paper bag at saka niya kinuha sa loob nito ang isang maliit na librong pamilyar sa kanya.
“Ito iyong ibinigay ko sa’yo. Inong ka aya kasoyen?” ang mahinang tanong ulit ni Yassen kay Ameerah.
Huminga nang malalim si Ameerah bago nito tahasang sinagot ang makahulugang tanong sa kanya ni Yassen.
“Giyaya den e kaphagodas akn ruka, Yassen. Sana’y hindi na muling magtagpo ang ating landas,” ang mabigat na pahayag ni Ameerah kay Yassen.
Tumayo agad si Ameerah sa kinauupuan niya at saka niya iniwang tulala si Yassen habang hawak-hawak nito ang librong unang regalo nito sa kanya. Sinubukang habulin ni Yassen si Ameerah ngunit bigla na lamang nahulog ang librong iyon kalakip ng isang papel na nakaipit doon. Tiningnan ito ni Yassen at saka niya nabasa ang buong pangalan ni Ameerah na nakasulat sa kard na iyon pati na rin ang isang hindi pamilyar na pangalan na sa tingin niya’y malapit na kamag-anak nina Ameerah. Hinawakan ni Yassen ang imbetasyon na iyon upang basahin nang maigi ang mga nakasulat rito. Sa pagkakataon na iyon, tiyak na niyang doon na nagtatapos ang mga bagay na nasimulan nila noong ikasal sila. Bumuhos ang mga nagkukubling mga luha mula sa mga mata ni Yassen na kanina pa lamang niya pinipigilan nang matanaw niya sa unang pagkakataon si Ameerah. Agad itong tumayo at lakas loob nitong sinundan sa labas ng restawran si Ameerah ngunit, hindi niya naabutan ang dating kabiyak nito. Nakasakay na ito sa sasakyan nila na sa tingin niya’y kanina pa naghihintay kay Ameerah sa labas ng restawran.
“Ikaritan ko, isa lang ang hinihiling ko sa’yo. Huwag mo akong ilagay sa isang kahihiyan lalo na ang pamilya natin,” Iyan ang huling habilin na tumatak sa isipan ni Ameerah nang masinsinang kausapin siya ng ama niya noong gabing iyon.
Wala nang tanging solusyon na maaaring gawin ang ama niya kundi sundin ang nais ng mga kamag-anak nila sapagkat, hindi lamang nakataya ang pangalan ng pamilya nito kung ‘di ang dangal ng kanilang buong angkan.
May malaking ‘di pagkakaunawaan ang pamilya nina Ameerah at Yassen at naging padalus-dalos ang mga kaanak ni Ameerah sa naging aksyon nila sa suliraning iyon. Hindi nila ipinaalam kay Halim ang plano nilang paghiwalayin sina Ameerah at Yassen at sa huli’y ang hindi pagkakaunawaang iyon ay napatunayang isang malaking maling akala lamang ng ilang miyembro ng pamilya nina Ameerah. Ngayon na pilit nilang pinaghiwalay ang dalawa, isang malaking kahihiyan sa pamilya ni Ameerah kung hahayaan na lamang nilang makipagbalikan ito kay Yassen. Anong magagawa ni Halim, kung ang buong pamilya na nila ang kinakailangan niyang kontrahin at ipaglaban ang kasiyahan ng kanyang anak na si Ameerah. Mahirap mang tanggapin ngunit, hindi niya nagampanan ang isang malaking tungkulin niya bilang isang ama kay Ameerah. Ang proteksyunan ito sa lahat ng bagay at taong maaaring makasakit dito.
“Ang tanging alam kong solusyon sa problemang ito, na mapakatharos si Rajeb,” ang madiin na pahayag ng ama ni Ameerah sa kanya.
“’Di ka pukhawan ka miyakhakalae kano ki Rajeb. Alam mo’t alam kong mabuti siyang binata at simula pa lamang ay siya na ang nais ko para sa iyo,” ang muling dagdag ng ama ni Ameerah.
Hindi nagsalita at nagbigay ng anumang sagot si Ameerah. Nakatitig lamang ito sa kawalan na animo’y iniisip ang magiging unang hakbang nito. Ilang sandali pa’y hinarap niya ang kanyang ama na kanina pa naghihintay ng sagot mula sa kanya.
“Sadn sa mapiya rektano na ron ako. Kung iyan ang mas makabubuti sa buong pamilya’y tatanggapin ko ang desisyon ninyo,” ang huling katagang binitawan ni Ameerah sa kanyang ama.
Hindi alam ni Ameerah ang kahaharapin niya dahil sa naging desisyon nito. Ang alam lamang niya’y nasa kanya na naman ang isang malaking responsibilidad na kinakailangan niyang pasanin mula sa mga balikat nito upang maiangat ang nadumihang dangal ng kanilang angkan. Hindi man niya nakamit ang mga nais niya ngunit isa lamang ang sigurado sa kanya ngayon. Hindi niya dinumihan ang pangalan ng kanilang pamilya na kanyang ipinangako sa lola Zinab niya bagkus, ay isa siya sa mga nagtaguyod nito upang maiangat muli ang Maratabat ng kanilang angkan.
Maaaring isang sawing kapalaran ito sa iba subalit, sa kanyang pananaw isang malaking karangalan ito upang patunayan sa lahat na bilang isang babae sa pamilya’y kaya niya ring pangalagaan at itaas muli ang pangalan na iniingat-ingatan ng mga ninuno nila at sapat na iyon upang masabi niyang nagtagumpay siya. Ipapaubaya na lamang niya sa maykapal ang mga mangyayari sa kinabukasan at lubos niyang tatanggapin iyon hanggang sa huli at iyon ang kanyang Thindug bilang isang babae sa kanilang pamilya.
Terminong Meranaw:
Amanat– ang huling habilin ng isang namayapa.
Abie– terminong Meranaw sa tatay.
Datu– makapangyarihan at maimpluwensyang mga kalalakihan sa isang angkan o pamilya at ang nagbibigay payo’t solusyon sa bawat suliranin sa isang angkan o pamilya.
Dowry– handog ng isang lalaki sa magiging kabiyak nito. Maaaring salapi, lupa o mamahaling mga kagamitan na naaayon sa nais ng pamilya ng babae.
Dialaga– kasiyahan na ginagawa bago ang kasal. Sa pagtitipon, ibinibigay ang dowry na pinagkasunduan ng dalawang pamilya ng ikakasal at ang ilang handog ng pamilya ng lalaki sa babae at sa pamilya nito.
Kapanoksam– paghingi ng pahintulot ng mga magulang ng isang lalaki na hingin ang kamay ng bababeng napupusuan sa pamilya nito’t mga kamag-anak.
Marigay– Isang handog ng pamilya ng lalaki na de kahong yari sa kawayan. May makukulay na dekorasyon na nakabalot sa matitingkad na foil at sa pinakatuktok nito’y may nakasabit na hugis sarimanok na gawa rin sa makukulay na dekorasyon. Karaniwang pinupuno ito ng iba’t ibang mga mamahaling Meranaw delicacies o ‘di kaya’y mga prutas.
Palokes-lokesan– ang pinakamatanda sa isang angkan o pamilya. Iginagalang at tinatangi at ang kanyang desisyon ang nasususunod sa buong angkan.
Panogangan– ang tawag sa mga magulang ng kabiyak.
Phogad– isang kasiyahan pagkatapos ng kasal sa tahanan ng pamilya ng babaeng ikinasal. Tanda ng malugod na pagbati at pagsalubong ng pamilya ng babae sa lalaki at sa pamilya nito.
Ikaritan ko– ang karaniwang tawag sa tinatanging supling.
Maratabat– ang tawag sa dangal ng bawat Meranaw na kanilang pinakaiingat-ingatan na madungisan.
You must be logged in to post a comment.