Ayuno
[Essay]
Gonaranao Musor
ALAS-TRES NG MADALING ARAW.
Nagising ako sa tumutunog na alarm clock.
Kahit inaantok pa, pinilit kong bumangon para matapos kumain bago sumapit ang 4:30 ng umaga. Ito ang imsak o ang simula ng fasting sa araw na iyon. Pagkatapos nito, may isang oras at kalahati pa akong natitira para umidlip ulit saka magsisimula ang panibagong araw ng trabaho.
***
“Fasting ka ba?” “Sigurado ka kahit uminom hindi pwede?” Madalas na mga tanong ito sa akin.
Ang Ramadan ay isang sagradong buwan para sa aming mga Muslim. Marahil ay sa tuwing naririnig ang salitang Ramadan ang pumapasok agad sa isipan nila ay ang pag-aayuno o pagfa-fasting. Ngunit, napakarami pang ibang kahulugan ang Ramadan.
***
Naaalala ko ang unang beses ko na mag-fasting. Parang walong taong gulang pa lang ako noon. Bago ito, lagi kong kinukulit ang mga magulang ko na gisingin ako tuwing madaling araw para sabayan sila sa kanilang suhur o ang huling kain bago sumapit ang imsak. Subalit, pagkagising ko sa umaga naman para maghanda sa pagpasok sa eskwelahan, hinahainan pa rin ako ng almusal. Siguro dahil sa patpatin akong bata noon, akala nila baka di ko kayanin ang hindi kumain at uminom maghapon.
Dumating na nga ang pinakauna kong fasting. Tutal summer vacation naman, kaya pumayag na ang nanay na mag-fasting kami ng kapatid ko para matutunan namin kung paano gawin ang isa sa mga pinakamahalagang responsibilidad ng isang Muslim. Kaso sobrang init na nga, talamak pa noong panahon na yun ang mga brownouts. Halos himatayin ako sa sobrang uhaw na pinalala ng sobrang init. Naubos ang natitirang lakas ko sa kakapaypay sa sarili dahil walang umaandar na bentilador. Sa sobrang awa ng nanay ko, pinayagan niya kami na maligo ulit para lang malamigan. Nairaos nga ang unang araw ng pag-aayuno, pero sobrang traumatic naman.
***
Parang tingi-tingi lang ang tulog ko. Hirap tuloy bumangon ulit mula sa kama. Magsisimba lang ng fajr, o yung pang-umagang simba namin, saka ako maliligo.
Teka, bawal ba magsipilyo ng ngipin? Hindi ba mawawala ang fasting ko pag nagmumog ako? Hindi ko naman iinumin ang tubig. Kung hindi ako magsisipilyo, eh di babaho naman ang hininga ko maghapon.
Kelangan makarating ako sa opisina ng 7:30 para makauwi ako ng 3:30 ng hapon.
***
ALAS-SINGKO NG UMAGA.
Tumutunog ulit ang alarm clock.
“Pwede ba na wag ka na lang pumasok sa opisina at matulog na lang buong maghapon hanggang sa dumating na ang oras na pwede na ulit kumain?”
Naku, kung pwede lang sana. Pero hindi dapat maging rason ang Ramadan para wag kumilos. Kailangan pa ring kumayod.
Kasama sa pagra-Ramadan ay ang pagpapatuloy ng nakagawian mo — bahay-opisina-bahay o bahay-eskwela-bahay. Bawal gawing palusot ang Ramadan para wag gumalaw kahit mahirap gawin.
***
ALAS-SIYETE Y MEDIA NG UMAGA.
Para akong zombie habang naglalakad papunta ng elevator. Kalahati ay gising, kalahati ay tulog. Hindi ko pa nararamdaman nito ang gutom at uhaw na maya-maya ay lilitaw na.
Nakasingit pa rin ako ng kaunting tulog kanina sa kotse habang hinahatid ako sa opisina. Ang halos isang oras din na biyahe ay sapat na siguro para makabawi-bawi naman bago suongin ulit ang isang araw ng trabaho.
Pag-upo sa mesa at pagbukas ng laptop, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang trabaho. Paano naman gagana ang utak kung kalahati nito ay tulog pa? Mas lalong mahirap mag-isip kapag ikaw ay gutom. Para na lang akong naka-autopilot habang ginagawa ang dapat gawin at tapusin.
***
Tinuturo ng Ramadan ang empathy o pakikiramay sa kapwa, lalo na sa mga naghihirap. Kung ikaw ay nahihirapan na sa lagay mong yan habang nasa loob ka ng kwarto na may aircon, paano pa kaya doon sa araw-araw na nagugutom at palaboy-laboy lang sa ilalim ng mainit na araw?
Sa Islam lahat ay pantay-pantay. Mayaman o mahirap, bata o matanda. Ito rin ang mensaheng pinapahatid ng Ramadan. Nagiging pantay-pantay ang lahat ng nagfa-fasting kahit ano man ang estado o katayuan mo sa buhay. Pare-pareho kayong nagugutom, nauuhaw at nagsa-sakripisyo.
ALAS-ONSE Y MEDIA NG UMAGA.
“May lunch meeting daw. Emergency. Okay lang sa ‘yo?” As if naman pwede akong huminde. Habang nagmi-meeting, sabay-sabay ang lahat na kumakain. Libre ni boss.
“Sure ka ayaw mong kumain?”
Alangan namang sirain ko ang fasting ko ngayong araw para lang makisabay sa tanghalian niyo.
Hindi naman ako naaakit sa mga pagkain sa harap ko. Kahit ipamukha pa nang sobra-sobra ang sarap ng kinakain nyo, hindi ako tinatablan. Sanay na ako sa pagfa-fasting kaya wa epek yan. Hindi naman ako bata na pakitaan mo lang ng masarap na pagkain ay matatakam na.
***
Yan ang mahirap sa pagiging Muslim sa isang bansa kung saan ikaw ang minoridad. Minsan kailangan mong paulit-ulit na ituro sa mga kasama mong iba ang pananampalataya na maging sensitibo.
Hindi ko naman hinihingi na mag-fasting din sila tulad ko. Tulad nang hindi ko rin hinihingi na huwag silang kumain ng baboy dahil hindi ako kumakain nito.
Yung hindi ko na kailangan paalalahanan sila nang paulit-ulit. Yung hindi ako makakarinig ng rason, “Ay sorry, nakalimutan ko!” Malaking bagay na yun sa akin.
Sabagay kung ikaw naman ang nasa mayorya, bakit ikaw pa ang mag-a-adjust?
***
ALAS-DOS NG HAPON.
“Tawag ka ni Ma’am.”
Dali-dali akong pumunta sa silid ng boss ko. Nakasimangot sya.
“Di ba sinabi ko sa iyo na dito natin sa opisina i-meet yung mga bisita? Bakit Zoom meeting?!”
“Ma’am, yun po ang sinabi nyo.” “No, I did not! You are putting words into my mouth!”
“Ma’am, nagfa-fasting po ako.” Bigla natahimik si Madam.
***
Kasama ng pagra-Ramadan ay ang pag-iwas na gumawa ng anumang kasalanan — magsinungaling, manlibak, mandaya, at iba pa. Sa oras na magkasala, automatic na mawawalang-bisa ang fasting.
Kumain ka na lang kung ganun.
***
ALAS TRES Y MEDIA NG HAPON.
Pwede na ako umuwi. Niligpit ko na ang gamit ko para umalis ng opisina. Saktong pagpasok ng elevator, nadatnan ko ang isang officemate na taga-ibang floor. Nakatingin sya sa dala kong bag.
“Uwi ka na?”
Di ko alam kung inosenteng tanong yun o parang nag-aakusa: “Tatakas ka noh?! Aga-aga uuwi ka na!”
“Fasting kasi namin. May Civil Service Resolution na pag Ramadan, adjusted ang office hours namin…”
Bakit habang sinasabi ko ito parang ako yung guilty? Kelangan ko talagang magrason?
Nangungusap ang mata ng kasama ko. Samantala, bumibigat lalo ang dila ko sa haba ng eksplanasyon ko. Mismo yata ako hindi naniniwala sa sinasabi ko.
Sa susunod, maghahagdan na lang ako. Nakakapagod mag-explain.
***
Meron talagang Civil Service Commission Resolution no. 81-1277 na nagpapahintulot sa mga Pilipinong Muslim na namamasukan sa lahat ng sangay ng gobyerno na magtrabaho tuwing Ramadan mula 7:30 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon na walang noon break. Flexitime kumbaga.
Kahit paano nakakataba ng puso ang pagiging maalalahanin din ng gobyerno sa hamon ng pagfa-fasting habang pumapasok sa trabaho.
Yun nga lang, nakakapagod din magpaliwanag nang paulit-ulit.
***
Sa ibang bansa, lalo na sa Middle East, mas maaga pang pinapauwi ang mga nagfa-fasting. Sa Qatar noong ako’y nakatira doon, ala-una ng hapon pa lang yata pinapauwi na sila para marami pa silang oras na maghanda para sa kanilang iftar o pagtatapos ng ayuno sa araw na iyon.
Mas mabuti na nga na mas maaga sila pinapauwi kasi naglipana rin ang mga maiinit ang ulo. Normal naman na pag gutom ang tao, mainit din ang ulo nila. Pero tandaan mawawala ang fasting kapag nagpadala sa init ng ulo. Kasama ito sa mga nagpapawalang-bisa ng Ramadan. Kesyo magalit ka o umiyak sa init ng ulo at gutom, mawawalang saysay ang Ramadan mo.
***
ALAS-SINGKO NG HAPON.
Nagising ako sa pagtigil ng kotse pagdating ng bahay. Kung kelan ilang minuto na lang ang natitira bago sumapit ang iftar, saka ko mararamdaman na lantang-lanta na ang katawan ko.
Halos hilahin ko ang katawan ko paakyat ng hagdan papunta sa kwarto. Agad na pinaandar ang aircon bago tuluyang sumalpak sa nang-aakit na kama.
***
Maswerte ako kung makauwi ako ng bahay bago sumapit ang iftar. Napakahirap na maghabol sa tumatakbong oras, lalo na kapag sa linya ng trabaho mo hindi mo ito kontrol.
Natataon din naman na hindi ako pinapalad na makauwi nang maaga habang hinihintay ang iftar. May mga araw na ako ang naaatasan na magpaiwan sa opisina para tapusin ang isang trabaho o di kaya’y umattend ng isang opisyal na pagtitipon sa labas.
Medyo hassle din yung aayusin mo pa kung paano ka kakain sa eksaktong pagsapit ng iftar. Hindi rin naman ako puwedeng tumanggi kapag ang boss mo ang nag-utos ng trabaho. Alangan na ako pa ang magsabi na hindi ako pwede.
Pero napakalaking ginhawa rin kapag hindi mo na kailangan magpaliwanag kasi alam mong sensitibo sila sa pinagdadaanan mo. Balik ulit tayo sa salitang iyon — sensitibo.
Maraming paraan para maging sensitibo maliban sa mga nabanggit ko kanina. Yung tipong sa pagsapit ng Eidl Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan, kung sino pa yung totoong nagse-celebrate ay siya pa yung iiwanang taong-bahay sa opisina samantala ang iba ay nag-uunahan na mag-vacation leave. Bakit kayo ba ang nagpakagutom ng isang buwan?
***
Isang laging palaisipan ang eksaktong araw ng Eidl Fitr. Dahil lunar calendar ang gamit naming mga Muslim sa pagtukoy ng pagsapit ng Ramadan at iba pang buwan sa isang taon, hindi ito tumutugma sa nakagawian natin gamit ang Gregorian calendar.
Kaya tuloy ang Ramadan sa Gregorian calendar ay parang mas maaga kumpara sa nakaraang taon.
Kaakibat nito ang pagdedeklara ng holiday tuwing Eidl Fitr. Dahil nga nag-iiba ang petsa nito taon-taon, hindi tuloy makapagbigay agad ng opisyal na announcement kung kailan talaga ang holiday o ang araw na walang pasok at trabaho. Kahit bilangin mo pa ang mga nagdaang araw simula nang mag-umpisa ang Ramadan, kailangan pa rin mamataan ang bagong buwan para masigurado ang Eidl Fitr.
Kaya ang pagbibigay ng eksaktong araw para sa holiday ay isa lamang tantiya o estimate na maaari pa ring magbago.
Nagkakaroon tuloy ng kaguluhan sa madla kung kelan ba ang holiday. Natural lang na magtanong ang tao nang sa ganun ay masigurado rin ang planong bumiyahe o magbakasyon. Pero nakakainis lang pakinggan na kung sino pa ang hindi talaga nagdidiwang ng Eidl Fitr ay siya pa ang madada. Mas maingay at mas malakas pa ang reklamo kumpara doon sa mga taong may mas malalim na kahulugan ang Eidl Fitr.
ALAS-SAIS NG GABI.
Nagising ako sa kumakatok sa pinto.
“Lapit na raw.”
Kahit na gaano kahina ang katawan ko sa buong maghapon na pag-aayuno, mas madaling bumangon kapag oras na ng iftar kumpara kapag oras na ng kainan bago mag-imsak.
Obvious ba?
Nadatnan ko ang aking pamilya sa hapag kainan na hinihintay na lang ang nalalabing minuto bago marinig ang signal na dumating na nga ang iftar.
Higit sa ginhawa ng iinuming malamig na tubig para i-break ang fasting ay ang pakiramdam ng pagiging proud dahil matatapos mo na naman ang isang araw ng Ramadan.
***
Hindi madali ang pag-aayuno. Napakaraming mga tukso. Napakaraming alituntunin para hindi mawalang-bisa at masayang ang fasting mo. Dagdag pa nito ang sangkatutak na pag-a-adjust sa pang-araw-araw na hamon ng buhay at ang realidad ng pagiging Muslim sa Pilipinas.
***
Siguro nga hindi ang pagiging sensitibo ang isyu rito. Sa halip, isa itong realidad na kailangan kong tanggapin bilang Muslim at minoridad. Siguro nga parte na rin ito ng hamon ng Ramadan.
Wala sa gutom, uhaw at panghihina ng katawan ang hirap ng pagra-Ramadan. Ang tunay na hirap ay kung paano mo pananatilihin ang fasting mo sa kabila ng mga nakapaligid sa iyo — mga temptasyon at isang lipunan na marahil ay ayaw pa imulat ang mga mata sa pananaw ng menorya.
Ah, basta! Bahala kayo diyan. I-enjoy ko na lang ang kakainin ko bago dumating ang panibagong araw ng fasting.
***
ALAS-SAIS DIYES NG GABI.
Iftar. Kainan na.
[box]Gonaranao B. Musor is a diplomat and writer previously posted in Cairo, Kuala Lumpur, Doha, and Singapore. He has written for the Philippine Daily Inquirer, Rappler, GMA News Online, and was the former editor of the now defunct www.bangsamoro.com. His work was also featured in the anthologies “Children of the Ever-Changing Moon: Essays by Young Moro Writers” (2007) and “Get Luckier: An Anthology of Philippine and Singapore Writings II” (2022). He holds BA Psychology (Cum Laude) and MA Communication degrees from UP Diliman.
[/box]
You must be logged in to post a comment.