Ayessah Nesreen Pasagi
“Hala! Talaga? Nasaan na ngayon ang mga magulang niya?”, tanong ni Amer sa kung sino mang kausap niya.
Kararating ko lang sa bahay galing eskwelahan sa oras na iyon. Mga alas kwatro na ng hapon. Nag-uusap-usap sina Omi, Amer, at ng kaibigan ni Amer na mahilig magdala ng balita sa buong barangay, si Orakmama.
“Oo, bumalik na naman doon ang mga magulang niya para i-check ulit. Nagbabakasakali sila na may pag-asa pa”, rinig ko ang boses ni Orakmama habang umaakyat ako papuntang kwarto. Tila ba may nangyayari na namang hindi kanais-nais. Bihira lang kasi pumasok sa bahay si Orakmama tuwing naghahatid ng balita, nakasanayan nang nasa labas lang siya ng gate kapag nagbabalita. Ngunit ngayon ay nasa sala siya at seryoso ang mukha.
Hindi na ako nakisali sa usapan nila dahil kararating ko lang kaya dumiretso na ako sa banyo para maligo. Inaasahan kong aalis din si Orakmama kapag maghahapunan na kami at ang isyu na pinag-uusapan nila ay matatapos din.
Naghanda na kami ni ate ng kakainin namin sa hapunan. Wala sa bahay si Papa kaya binawasan ko ng isa ang mga platong nilagay ni ate sa mesa.
“Sana okay lang ang bata. Mabait pa naman iyon”, wika ni Omi habang kami ay kumakain. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya at wala akong balak alamin kung sino. Halos linggo-linggo na kasing may nangyayari sa barangay namin kaya nakakapagod nang alamin ang lahat.
“Hindi ba’t kasama niyong pumunta sa eskwelahan si Sara?” tanong ni Omi sa akin.
“Ha? Opo, kasama namin kaninang umaga. Napano pala siya?”, nagtataka kong tanong. Si Sara ay kaklase ko noong nasa elementarya pa lang ako at kami ang laging magkasamang pumupunta noon sa paaralan, magkatabi lang kasi ang bahay namin. Sabay din kaming lumaki at kilala na namin ang isa’t isa simula pagkabata. Ngayong high school lang kami nagkahiwalay ng pinapasukang paaralan, pero sabay pa rin kaming pumupunta dahil medyo malapit lang ang school niya sa school namin.
“Pero ngayong hapon, hindi niyo siya kasamang umuwi?”
“Hindi… nakasanayan na naming hindi siya nakasasabay sa aming umuwi minsan eh”
“Balita ni Orakmama kanina may nangyari raw sa kaniya. Noong lunch time ay hindi raw siya nananghalian sa classroom nila at nakitang sumama sa mga kaibigan niya”
“Siguro nag-explore lang sila sa tabi-tabi at uuwi rin mamayang malapit nang mag-alas sais”
*
Pumatak na nga ang alas sais pero mas dumami ang mga tao sa labas ng bahay nina Aling Normi, ang nanay ni Sara. Nakaramdam na ako ng kaba dahil sa dinami-rami ng nangyari sa barangay namin, ito lang ang may sangkot na kaibigan ko.
“Ano palang puno’t dulo ng ganap?”, tanong ko kay Amer.
“Ganito kasi ‘yon. Si Sara, ang kasama niyong pumunta sa school, ay hindi raw nag-lunch sa classroom nila at sumama na lang sa mga kaibigan niya. Isa sa mga kaibigan niyang ‘yon ay ang anak ni Ustadh Salman na si Sittienor. Si Sittienor ay nasa bahay na nila kanina pa, nakauwi nang ligtas at wala raw alam sa kung nasaan si Sara. Sabi sa tsismis parang lutang daw si Sittienor noong tinatanong nila, ang daming sinasabi at tumatawa’t umiiyak pa. Tapos, noong tapos na nilang kausapin siya, narinig nila siyang humihingi ng tawad sa tatay niya. Sabi raw niya, ‘Aydaw, Abi, miyasokar ako o manga ama tano a datu ago manga ina tano a bai. Phamangni ako rekano sa rila’, tapos bigla na naman daw tatawa.” Naku, itay, lagot ako sa mga ninuno natin. Humihingi ako ng kapatawaran sa inyo.
“Ahh… nasobrahan yata sila sa pag-explore”
Mahigit alas siyete na ng gabi nang dumating ang motor na sinakyan ng mga magulang ni Sara sa paghahanap sa kaniya. Dali-dali akong sumilip sa may bintana. Kitang-kita ko ang mga tao na ang iba pa ay may hawak na flashlight. Pumasok sa loob ng bahay nila si Aling Normi at hindi ko na nakita ang ekspresyon sa mukha niya. Pinalibutan pa siya ng mga tao at sabay-sabay nagtanong ng kung ano-ano. Hindi talaga mawawala sa mga pangyayari si Orakmama, naroon na naman siya at pumasok din sa bahay nina Aling Normi, kasabay ng iba.
Ilang minuto ang nakalipas at dumating si Orakmama sa bahay na parang may dalang pasalubong.
“Tonaa kon i miyasowa?”, tanong sa kanya ni Amer. Ano raw ang nangyari?
“May nagsabi raw sa kanila na sina Sara at mga kaibigan niya ay pumunta sa may ilog sa Malaig noong tanghali. May dala raw na maraming C2 ang mga kaibigan niya at doon daw sila kumain at nag-inom. Pagkatapos nun ay naglangoy-langoy sila… Ayan na! Ayan na!” Tumakbo na naman si Orakmama sa kabilang bahay dahil may dumating doon na puting multicab.
“Hoy, hoy! Matulog na kayo. May pasok pa kayo bukas. Ikaw rin Orakmama, lagot ka sa nanay mo”, sabi sa amin ni Omi pero kumaripas na ng takbo si Orakmama.
Pumasok na ako sa kwarto kahit ayaw ko pang matulog. Ano kayang posibleng nangyari kina Sara? Sana hindi totoo ang kutob ko.
Lumakas ang ingay sa kabilang bahay at nakarinig ako ng biglang humagulgol.
“Subhanallah! Miyatoon iran so wata” sigaw ng isa. Subhanallah! Nahanap din nila ang bata.
Ilang minuto pa, may nag-uusap na naman sa sala at ang narinig ko lang ay “Ang lamig na niya. Hindi na siya makilala. Yakap-yakap pa siya ng kaibigan niyang si Hata habang sila ay nasa tubig. Nakaipit daw ang isang paa niya sa may bato nang mahanap sila”.
At umiyak na nang umiyak si Aling Normi buong gabi.