Almayrah A. Tiburon
Momento ito ng pagninilay-nilay sa papel na dapat kong gampanan bilang isang ina habang nakatambad sa isipan ang patong-patong na gawain. Umaalingawngaw ang tinig ng puso; tinig tungkol sa pagsasakripisyo at pagtitiis, sakit at hirap, ngunit higit sa lahat ay pagkalinga, at pag-ibig na wagas at dalisay. Ina akong batbat ng pangitai’t misyon, pumpon ng luwalhati’t latoy, dahil nasang lumaking mabuti ang mga anak.
Hindi biro ang maging isang ina. May pagkakataon na ibig kong sumuko ngunit sa tuwing nakikita ang mga anak ay napapawi ang lahat ng pagod at sakripisyo at tumatapang ako. Lahat ng ina ay dumadaan sa pagkakataon na tila nauubusan na ng pasensya ngunit nagpapatuloy pa rin kumalinga at mag-aruga, na ang tunay ay maubusan man ng pasensya ay hindi marunong mapagod magmahal. Kailangan lamang habiin ang bawat minuto dahil lagi-laging naghahabol ng oras, na baka magising ang mga anak na natutulog at hindi magawa ang mga dapat gawin – maglaba, magsampay, magluto, maglinis, at marami pang iba.
Mahirap man sa simula dahil nababagbag sa maraming gawain at iniisip, ngunit alam kong makakaraos at malalagpasan ito dahil ano’ng mga hirap ang hindi kinakaya ng isang ina para sa kanyang mga supling? Pitong taong gulang na si Cozy, nasa Grade 1 na siya, masipag mag-aral at madaling turuan. Si King ay apat na taong gulang, makulit ngunit napakalambing. Samantalang si Precious ay magtatatlong taon at unti-unting nagkakaroon ng sariling pag-iisip, ng sariling pandama at pang-unawa sa paligid, ng unti-unting kamalayan. Darating ang panahon na silang tatlo ay marunong mag-isip, mamuna, magtanong, manggalugad, at nakahanda naman akong umalalay at gumabay sa kanilang paglalakbay.
Ang sangkap at salalayan ng ritmo ng pagkalinga ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng ina. Iminumustra ito ng aking puso at kaluluwa, ninanamnam at nilalasap ang sarap at pagtitiis habang maliliit pa sila sapagkat batid kong mangungulila rin ako kapag lumaki’t nagkaroon na sila ng sariling pamilya, na ako ang kasama nila sa kanilang kamusmusan ngunit sariling pamilya nila ang kasama sa aking pagtanda.
Kapag minamasdan ko silang tatlo na natutulog, binabalikan ko ang mga nangyari sa buong araw, natatawa na lang ako kung papaano pinagsasabay ang mga gawain; tagapakinig ni Cozy sa marami niyang kwento, napakalawak ng kanyang imahinasyon. Hinahabol ko naman si King na kung minsa’y pumupunta sa ilalim ng lamesa sa tuwing pinapakain. Gayundin kapag sina Cozy at King ay sinusubuan habang dinuduyan si Precious, binabantayan si Cozy sa kanyang pagguguhit habang nagkukulitan sa paglalaro sina King at Precious, sumusunod sa paghila ni Precious dahil may gustong ituro sa akin na mga bagay na napapansin nito habang may hawak akong libro na ibig kong tapusing basahin, nagluluto ako habang silang tatlo ay nagtatawanan sa kanilang pinanonood. Masyado pa silang maliliit at marami pa akong pagdadaanan. Naisip ko tuloy, nagkakaganito ako sa tatlong bata, ano na lang kaya yung mga inang higit pa sa tatlo ang anak?
Gusto kong gawing maging mabuting ina kahit mahirap naman talagang magpalaki ng bata lalo na kung may mga bagay na hindi sumasang-ayon sa gustong resulta, at marami pang ibang nangyayari na hindi kayang ilarawan bagkus buntong-hininga lamang ang naitutugon. Ang danas ko bilang isang ina ay ibig kong isatitik, isalin sa mga salita bago sagasaan ng rumaragasang mga taon. Kung minsa’y may mga kaisipan kasing lumilipad dahil tinatangay ng iyak ng tatlo kong anak na pagkatapos tumakas ay hindi ko na mabubuong muli, na mahirap nang mahagilap muli.
Sa lipunang ginagalawan ng mga ina, kung papaano pinalalaki ang anak ay may masasabi pa rin ang mga tao, na basta na lang nagkokomento base sa kung anong alam at nakasanayan nila. Ngunit nagpapatuloy pa rin ang mga ina dahil ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang laban, magkakaiba man ng pananaw at pagpapalaki sa anak, ang mahalaga ay ginagawa ang mga bagay na sa tingin ay ikabubuti ng mga anak, na maibigay ang tama at maayos na pangangailangan ng mga bata sa ngalan ng pag-ibig.
Tatandaan ko palagi na hindi ko ihahanda ang daan para sa kanilang tatlo bagkus ihahanda ko sila sa lalakaring daan. Hahayaan ko silang madapa sa daan, masaktan, at magkagalos upang malaman at mapahagahan ang tunay na ligaya. Hahayaan din silang lumabas sa gitna ng gubat at umahon sa pusod ng dagat upang mapuntahan ang katwiran at katarungan, at maranasan ang malayang mundo habang ginagabayan sila. Batid kong ang tanging nakakaunawa at nakakakilala sa tunay na kaligayahan ay yaong mga taong nakaranas ng hapdi at sakit.
Ang detalye ng damdamin at tibok at hininga ng aking puso’y walang laman kundi ang mga minamahal na mga anak, ang aking pamilya, na umiikot ang mundo ko sa kanila. May taong itinanong sa akin ng asawa ko kung sinong mas matanda sa amin. “Siya. Kaya nga Ate ang tawag ko sa kanya,” ang sagot ko na may kasamang sama ng loob dahil mas matanda sa akin ang tao ng sampung taon. “Kaya lang naman ako mukhang mas matanda sa kanya dahil ako ang ina ng mga anak mo.” Dugtong ko. At niyakap ako ng asawa ko nang mahigpit.