Lapis

Almayrah Tiburon

 

Alam ko ang direksyon ng aking mga paa kahit pa masakit sa balat ang tindi ng araw habang naglalakad. Wari’y patay ang hangin. Natatanaw ko na ang eskwelahang paglilipatan ko kay Coby habang hila-hila ko siya. Dinala ako rito ng sama ng loob at ang tanging dala sa araw na ito ay ang determinasyong makakatapos ng pag-aaral ang anak ko kahit pa ang totoo’y nasa Preschool pa lamang siya. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko, marahil nagmaratabat ako. Hindi ko kasi aakalaing may titser na gaya ng titser ng anak ko.

Bilang guro, gagawin ko ang lahat upang hubugin ang isipan at pagkatao ng mga mag-aaral. Naniniwala ako sa kanilang kakayahan at kinabukasan, tinitiyak na may access sila sa magagandang oportunidad, at hindi ko sila huhusgahan. Malaki ang aking responsibilidad sa kanilang tagumpay. Bumalik sa akin ang araw-araw na hinahatid-sundo ko ang anak ko, na lagi akong excited sa kanyang pagpasok. Mahirap mang isakatuparan ang aking misyon – pagsabayin ang maging ina at titser sa kolehiyo ngunit kailangan dahil alam kong walang ina na hindi kakayanin ang lahat para sa kanyang mga anak, gayundin na walang titser na susuko para sa kanilang mga mag-aaral.

Habang nagmamaneho at nakaupo ang bata’y kung ano-ano ang iniisip kong pangarap sa kanya kasama na ring umiikot sa isip ko kung ano ang magiging gusto niya paglaki.

Tuwing wala akong pasok at consultation hours ay sumasaglit ako sa eskwelahan nila, nasa labas ako ng klasrum gaya ng ibang magulang na nandoon, na kung sakaling kakailanganin ako ng titser niya ay nasa labas ako, at pagbukas ng pinto ay ako ang unang makita ng bata.

“Ipaulit na lamang po natin ang anak ninyo sa Junior Kinder (JK) dahil hindi kinakaya ng bata ang Senior Kinder (SK),” wika ni Teacher Mariam sa akin.

Nagulat ako sa sinabi niya pero pinakinggan ko siya. Inasikaso ko sa Registrar’s Office ang lahat upang makabalik ang bata sa JK. Hindi ko sinabi ang tunay na dahilan at ang paliwanag ko’y ako ang may gusto para hindi mahirapan ang bata.

“Sir, kung pwede po sanang sa titser pa rin manatili ang bata para hindi po siya malito. May tutor po kasi siya sa ibang klasrum tuwing lunch time. Kung iba na naman po ang magiging titser niya sa JK ay baka maguluhan po siya kung saan-saan siya klasrum dinadala,” ang mahaba kong paliwanag sa lalaking nasa harap ko.

Gawa ng pandemya’y napilitan ang gobyernong magkaroon ng module class na kung saan may mga mag-aaral na walang natutunan gaya ng kasalukuyang sitwasyon ni Coby. Nakita ng pamahalaan ang malaking epekto nito sa mag-aaral kaya nag-face-to-face classes ang bansa.

Masaya akong umuwi dahil nagawa ko ang gusto ng titser ni Coby at hindi na rin siguro mahirap ang mga lessons sa JK. Pagdating namin ng bahay ay agad binuksan ni Coby ang kanyang bag, kinuha ang lapis at notbuk at guhit nang guhit ng kung ano-ano. Mahilig gumuhit ang bata, nakakarami siya ng papel. Ito rin ang panahon para itsek ko ang kanyang lessons. Natatawa ako sa mga iginuguhit niya; mga tao, puno, shark, octopus, bridge.

“Coby, Anak, ano ito?”

Masaya niyang ikinuwento sa akin ang mga iyon, grabe ang imahinasyon niya at sa edad niyang limang taon ay ang galing niya sa kanyang ginagawa. Naisip ko tuloy si titser Mariam. Siguro tama ang kanyang desisyon dahil nag-aalala siya sa bata. Naalaala ko tuloy nong minsang hindi ko nasundo ang bata.

May miting ako ngayong araw, si Abdul nama’y hindi maganda ang pakiramdam kaya hindi nag-opisina. Dahil sa dami ng pinag-usapan sa miting at mga planong gawain ay lumagpas kami ng alas singko ng hapon samantalang nawala sa isip na sunduin si Coby kaninang alas tres.

Dali-dali akong umuwi upang itsek ang bata sa bahay bago tingnan siya sa kanyang eskwelahan. Pagbukas ko ng pinto’y nakita si Abdul sa sofa, si Coby at ang dalawang bunso na naglalaro. Napanatag ako at niyakap ang mga bata.

“Lagpas na ang oras na pagsundo kay Coby, nag-alala ako kaya sinundo ko siya kahit pa medyo nanlalabo ang mga mata ko dahil sa sakit ng ulo at marahil dahil na rin sa lagnat. Yung isang staff nila doon ay ipinagmaneho ako nang mapansing hindi maganda ang pakiramdam ko,” agad na winika ng asawa ko sa akin.

“Pasensya na,” ang tanging salitang lumabas sa bibig ko.

“Pagdating ko doon ay hindi umalis ang titser ni Coby dahil hindi pa raw nasundo ang bata. Hindi raw niya ito kayang iwan kahit pa malayo ang uuwian niya,” dugtong pa nito. Sa paliwanag ni Abdul ay nagpapasalamat ang loob ko, na pagpalain ang titser sa kanyang ginawa at sana patuloy na maging mabuti at patuloy ang pag-iintindi sa mga maliliit na mga bata. Gayundin na nagpapasalamat ako sa kabutihan ni Abdul.

Nasa kulturang Meranaw ang parental marriage. Natakot ako noon ngunit hindi ako nahirapang mahalin si Abdul, at ramdam ko rin ngayon ang buo niyang pagmamahal sa akin at sa mga bata. Hindi man kami nagkakilala o naging magkaibigan pero sa araw ng kasal namin ay nangako ako sa sarili na lagi-lagi ang aking pang-unawa at paggalang, na ipapakilala ang pagkalinga at pagdamay, na bubuo ng pangarap at tahanang puno ng pag-asa at kaligayahan. At tunay na hindi lamang namin binuklod ang aming bangsa kundi nagsama kami bilang panghambuhay na kasunduan.

Pitong taon na kami at may tatlong supling, si Coby na limang taong gulang, si Zainal na mahigit dalawang taong gulang. At si Sophia na isang taong gulang. Sa aming pagsasama, wala akong maalaalang naging mabigat na problema. Kung meron ma’y madaling nareresolba.

“Kung maganda sana ang pakiramdam ko’y hindi na ako magsasalita. Yung mga ganito’y hindi dapat nakakalimutan.” Ang paalaala ni Abdul. Hindi na ako tumugon at patuloy na nakikinig sa kanya.

Matapos naming maghapunan ay pinatulog ko ang mga bata. Gusto ko sanang pag-usapan ang nangyari kanina pero minabuti kong pagpahingain si Abdul. Nagising ako hatinggabi. Hinila ni Abdul ang kumot. Namaluktot sa pagkakahiga. Hinaplos ko ang kanyang noo. Mataas ang lagnat. Bumilis ang tibok ng puso ko. Dali-dali kong kinuha ang thermometer. Inayos ko at inilagay sa kanyang kili-kili. Ilang saglit pa’y tumunog ito. 38.6 Celsius. Nataranta akong kumuha ng gamot. Pinainom ko siya. Nananalangin na hindi siya nagka-COVID. Ilang saglit pa’y narinig ko ang malalakas niyang hilik.

Kinaumagahan. Inihanda ko ang plangganang may mainit na tubig, pinagtuob ko ang aking asawa at matapos ang ilang minuto’y umupo siyang basang-basa ng pawis. Nagpakulo ako ng luya at katas ng kalamansi at ipinainom sa kanya.

“Ordinaryong trangkaso lang ito. Salamat ko kasisiyapangka raken. Mahal na mahal kita,” wika niya. Niyakap ko siya nang buong higpit bilang pagpapadama ng pagmamahal at marahil ay paghingi na rin ng tawad sa nangyari kahapon.

“Paglaki nila,” nakatingin ako sa mga batang himbing na himbing sa pagtulog, “Ano’ng gusto mong maging ng mga anak mo?”

“Kahit na ano basta yung gusto nila na makakabuti sa kanila.”

“Saan mo sila gustong magkolehiyo?”

“Ayaw kong malayo sila sa atin kasi mahirap silang gabayan kapag ganun.”

“Ako rin, okey na rin dito sa MSU – Marawi sila mag-aral. Marami rin namang pumapasa rito sa board exam at nagta-top pa. Bukod doon ay malamig ang klima rito.”

“Hindi lang din yun kundi ayaw kong makalimot sila sa kanilang sariling kultura at relihiyon. Sa panahon ngayon ay kailangan lalong gabayan ang mga bata. Hindi naman sa ayaw natin silang maging masaya, na ayaw natin silang mag-explore pero gusto kong lagi nila tayong nakikita at nakokonsulta. Nalampasan nating dalawa ang Marawi siege at kahit na ano pa mang mangyari ay malalampasan din natin basta magkakasama tayong lahat.” Ang mahabang paliwanag ni Abdul. Masaya akong pinag-uusapan naming mag-asawa ang tungkol sa mga bata.

Kinabukasan, hinatid ko si Coby sa eskwelahan nila at umalis na agad dahil may klase rin ako sa pamantasang tinuturuan. Hindi ko alam pero tila kinakabahan ako ng araw na iyon. Pagkatapos na pagkatapos ng klase ko sa hapon ay pumunta agad sa eskwelahan ng anak ko.

Habang hinihintay mabuksan ang pinto ng klasrum ay narinig kong malakas ang boses ng titser sa loob na tinawag ang anak ko’t pinauupo. Kinabahan ako. “Ano ang nangyari? Anong ginawa ni Coby? Bakit napalakas ang boses ni Titser Mariam? Nagtatakbo na naman ba ang bata? “Anong kakulitan ang ginawa?” Ang mga tanong sa isip ko. Sa ilang saglit pa’y nabuksan ang pinto. Hinintay ng titser na makalabas ang lahat at kinausap ako sa loob, na makulit daw ang bata, ang gusto ay paglalaro lang, at nagpaiyak ng kaklase.

“Titser din po ako at alam po natin na hindi lahat ng klase natin ay perpekto, na nagkakataon na may makulit sa kanila, at hamon po sa atin yun bilang isang titser. Aminado po akong makulit at malikot ang anak ko pero huwag po sana nating hayaan na isara ang puso natin sa bawat mag-aaral, huwag po natin silang sukuan,” ang mahaba kong mga salita sa kanya.

Gabi. Habang nakahiga kami ng mga bata ay kinausap ko ang kuya nila.

“Coby, Anak, don’t push anyone and don’t run inside the classroom, okay?”

“Okay,” sabay tango.

“Don’t be naughty and always listen to your teacher, okay?”

“Okay.”

“Huwag umihi sa pants. Tell to your teacher na pupunta ka sa CR, okay?”

“Okay. I love you, Ina.”

Niyakap ko siya nang buong higpit bago nakatulog ang bata. Samantalang ako’y hindi nakatulog nang maayos ng gabing iyon. Patuloy sa isip ko si Coby at ang kanyang eskwelahan kahit pa nang kinabukasang ihatid siya. Katatapos lang ng klase ko ng hapong iyon at papunta sa opisina. Biglang tumunog ang phone ko.

“Puntahan niyo po ang anak ninyo kasi umihi po siya sa pants at sobra na pong nagkukulit dito, wala po kaming matapos dahil sa kanya,” ang text ng titser ni Coby.

Halos lumipad ang sasakyan ko papunta sa eskwelahan ng bata. Pagbukas ng pinto ay nakita ko ang anak ko at patakbo siyang lumapit sa akin.

“I love you, Ina!” Agad akong niyakap na tila naghahanap ng kakampi. Dali-dali niyang kinuha ang kanyang sapatos.

“Let’s go home, Ina!” Ang kanyang pamimilit habang hila-hila niya ako. Pinaghahalikan ko siya upang iparamdam na nandito ako.

“Ma’am, ilipat niyo po ang bata dahil hindi po namin kaya ang kanyang kakulitan. Hindi po dahil sa umihi siya pero yung ugali po niya,” wika niya na tila pasan niya ang daigdig dahil sa anak ko. “Ginagawa po namin ang lahat sa mga bata. Yung iba po, isang buwan ay nagbabago pero yung anak ninyo’y mahigit isang buwan na siya rito pero ganun pa rin po siya,” dugtong pa.

“I love you, Teacher Mariam.” Niyakap niya ang titser niya at lumapit din sa kanilang teacher aid, “I love you, Teacher Farrah.” Sabay paalam sa kanila. Ito ang kinagawian niyang gawin sa mga titser niya bago umuwi.

Pag-uwi namin ay hindi ako nagsasalita. Sobrang lungkot ko. Ang alam ko, hindi dapat sumusuko ang mga titser sa kahit sinong mag-aaral nila. Kung alam ko lang na susukuan ng titser na iyon ang bata ay hindi ko na pina-repeat o di kaya’y hindi na nakiusap sa Registrar’s Office para manatili ang anak ko sa kanya. Hindi mawawala at magpapapigil sa kakulitan niya kung ipa-repeat siya sa JK dahil kung talagang makulit siya ay makulit siya sa JK man siya o sa SK, na dapat may gawin ang titser para kung hindi man matigil ang kakulitan ng bata ay ma-minimize.

“May problema ba?” Tanong ni Abdul sa akin pagdating niya mula opisina.

Kinuwento ko sa asawa ko ang lahat.

“Ilipat mo na lang. Maghanap tayo ng eskwelahan para kay Coby. Hayaan mo na,” niyakap niya ako at hindi ko inaasahang mapahagulgol.

Naalaala ko pa isang araw nang sunduin ko si Coby. Pagbukas ng pinto’y excited akong makita ang anak ko at makinig sa kanyang mga kwento. Natupad din kasi ang pangarap kong eskwelahan para sa kanya at ipinagmamalaki kong dito siya nag-aaral.

“Ma’am, pasok po muna kayo,” ang sabi ni Teacher Farrah habang itinuro sa akin si Coby na umiiyak katabi ni Teacher Mariam.

Agad akong lumapit at nanghina nang makita ang bukol at pasa ng bata sa kanang mukha. Ang sabi ng dalawang titser ay nadapa raw ang bata at isang oras nang umiiyak.

“Titser, hayaan niyo na po, tatahan din po ito. Ganito naman po talaga ang isang bata, hindi po ba? Kailangan lang pong habaan natin ang pasensya sa kanila.” Naging panatag ang titser marahil dahil takot na baka magalit ako dahil hindi nila nabantayan ang bata.

Mahigit isang buwan na’y hindi ko alam kung bakit hindi pa rin nawawala ang pasa at ang bukol. Nang huling araw ni Coby sa eskwelahang iyon ay may pasa siya sa kaliwang kamay na tila kinurot. Ito marahil ang dahilan at nagtulak sa akin upang maghanap ng ibang eskwelahan niya. Yung bukol at pasa sa mukha ay baka nga nadapa pero yung pasa sa kamay ay halatang kinurot.

“Good afternoon po. Gusto ko po sanang ipa-transfer dito ang anak ko,” sabay abot sa prinsipal ang dala kong mga dokumento. “May slots pa po ba,” dugtong ko.

“Ma’am, ipa-diagnostic test pa po natin ang anak ninyo para ma-assess po natin ang bata,” wika ng prinsipal.

“Okey po, wala pong problema kasi matalino naman po ang bata. Pwede ko po siyang kunin sa bahay ngayon at dalhin dito.”

Habang binabagtas ang kalsadang pauwi sa amin ay naalaala ko nang ipinagbubuntis ko si Coby sa panahon ng gyera sa Marawi noong 2017.

Walang araw na hindi minasdan, hinaplos at pinakiramdaman ang tiyan. Ang bawat galaw niya  sa sinapupunan ay ninanamnam ko. Gustung-gusto ko tuwing gumagalaw siya dahil doon ko natitiyak na buhay at masaya rin siya. Nag-iingat ako sa bawat pagkain na isinusubo. Ipinaparinig ang boses ko bago matulog at gayun din tuwing paggising. Hindi ko alam kung naririnig niya ang bomba’t putukan sa paligid pero alam kong mas naririnig niya ang bawat tibok ng puso ko na nagsasabing “mahal na mahal ko siya.” At ang bawat pag-iingat ko sa paglalakad ay siya niyang duyan upang makarelaks at makatulog. Sa saglit na maiidlip ay biglang babagsak ang bomba sa hatinggabi at panay ang panalangin na baka magkamali ang bomba’t sa bahay bumagsak kasabay na nayayanig ang mga bintanang tila ibig kumawala sa kanyang kinalalagyan.

Bumalik ako mula sa aking pagninilay. Narito na’t natatanaw ang eskwelahang paglilipatan ko sa aking anak. Maliit ang eskwelahang ito sa dating pinapasukan ng bata, pati ang klasrum ay halos kalahati sa dati niyang klasrum. Maliit din ang playground. Ang importante ay nakita ko sa magiging titser niya na may tiyaga at dedikasyon sa kanyang trabaho.

Naging maayos naman ang exam ni Coby at inasiko na ang mga babayaran sa Cashier’s office. Kumuha na rin ako ng magiging tutor ng bata. Sa loob ko, habang pauwi kami’y maging maayos sana ang kalagayan niya sa nilipatang eskwelahan, na masaya na rin ang titser sa dating eskwelahan niya dahil nabunutan ng tinik, na pasalamat siya dahil inisip ko ang magiging kalagayan ng kanyang pamilya lalo na ang mga anak niya kung sakaling matatanggal siya sa trabaho.

Tiningnan ko ang anak ko habang hawak niya ang kanyang lapis, patuloy siya sa kanyang pagguguhit. Iguguhit niya ang pangarap niya at hindi ko hahayaan na ang pangarap na iyon ay manatiling pangarap lamang.

At tila nga ginuhit ng tadhana ang lahat ayon sa kanyang mga pangarap. Lumipas ang mga taon, at ang batang minsang iniyakan ko sa labas ng silid-aralan ay ngayo’y patuloy na nagbibigay ng karangalan—Top 2 noong nagtapos sa Senior Kinder, Top 3 sa Grade 1, at kasama sa Top 5 ngayong Grade 2.

Ngunit higit sa mga medalya, ang pinakamasarap pakinggan ay ang tawa niya—ang tawang minsang napalitan ng iyak at takot.

Isang hapon, nadatnan ko siyang tahimik sa lamesa, hawak ang kanyang lumang lapis. Sa harap niya ay guhit ng tulay, mga dike, at ilog na hindi na umaapaw. Sa ilalim ay nakasulat: “So the people won’t drown again.”

Umupo ako sa tabi niya. “Coby,” tanong ko, “why do you always draw bridges?”

Tumingala siya, payapa at tiyak ang mga mata.

“Because, Ina,” aniya, “you told me never to stop drawing my dreams. So, I’m building the bridge that will take me there.”

Hindi ko napigilang mapangiti at mapaluha. Sa bawat guhit ng kanyang lapis ay nabubura ang lahat ng sakit ng nakaraan.

Sa likuran namin ay tumakbo si Zainal, may hawak na laruan.

“Kuya, look! I built a bridge too!” sigaw niya habang itinapat sa mesa ang mga pinagdugtong na laruang kahoy.

Sumabay namang tumawa si Sophia, yakap-yakap ang lumang teddy bear.

“Kuya Coby draw! Me, I color!” sabi niya habang inaabot ang krayola.

Ngumiti si Coby. “See, Ina? We’re all builders here.”

Pumasok si Abdul, pagod ngunit may dalang mga plano mula sa proyekto sa flood control ng DPWH. “So, engineer Coby,” biro niya, “are you teaching your brother and sister how to build bridges, too?”

“Yes, Ama!” mabilis na sagot ni Coby. “We’re going to build bridges everywhere—so people can always come home.”

Natawa si Abdul at umupo sa tabi niya. “Remember, anak,” wika niya, “real bridges are not only made of cement. They’re built with honesty… and love.”

“Like you, Ama?” tanong ni Coby.

“Yes,” sagot niya, sabay sulyap sa akin, “and like your Ina—who built the first bridge for all of you, with her courage and her faith.”

Tahimik akong napaluha. Hinawakan ko ang kamay nilang tatlo.

“Coby, Zainal, Sophia,” sabi ko, “when you grow up, remember this: no flood, no storm, and no failure can ever drown a heart that knows how to love and believe.”

Tumingin sa akin si Coby at ngumiti.

“I will remember, Ina. And when I grow up, I’ll build bigger bridges… so no one will ever be left behind.”

Natawa si Zainal. “Me too, Ina! I’ll build the strongest bridge!”

At sabay sigaw ni Sophia, “And I’ll color the sky!”

Sa gabing iyon, habang pinagmamasdan ko silang magkakapatid na mahimbing sa pagtulog, naramdaman ko ang katahimikan ng puso kong matagal ding napagod.

Ang lapis na minsang ginamit ko upang isulat ang pangalan ni Coby sa enrollment form, ay siya ring lapis na ngayon ay humahawak sa pangarap naming lahat—isang lapis na ngayo’y pinapasa sa kamay ng tatlong batang natutong mangarap nang may puso.

At sa bawat guhit ng lapis ni Coby, ni Zainal, at ni Sophia, naririnig ko ang bulong ng Allah sa puso ko: “You did well. You believed when no one else did.”

At doon ko napagtanto—ang mga tulay ay hindi lang gawa sa bakal at bato. Ang pinakamatibay na tulay ay iyong iginuhit ng isang ina, isang ama, at tatlong batang naniwalang kaya nilang baguhin ang mundo…sa pamamagitan ng isang lapis.