Amirol A. Mohammad
Sumabog ang isang transformer na gumising sa akin habang nahihimbing ako sa pagtulog. Malakas pa naman ang ulan ngayon at ang sarap pang itulog ang buong araw na ito.
Kailangan na ngang gumising at nag-iingay na ang mga busina ng mga magagarang sasakyan. Ang iba naman ay naka-payong para hindi mabasa sa malakas na buhos ng ulan.
Maliligo na nga at mahuhuli na sa klase, magagalit na naman sa akin sina Maam at Sir pag liliban ako. Mag aalmusal na din at naghanda na si Ina ng paborito kong sunny side up.
May bagong gatas palang binili sa akin si Ina. Pinagluto niya pa akong “sindag”. May pa-hotdog pa nga eh. Pero mas paborito ko parin ang dabest “palapa” niya.
“Pakagan ingka man kuman, khalate ka d’n, ilayangka man so oras.”
Nako, sinermonan na naman ako ni Ina, araw-araw na lang ito. Pero syempre nasanay narin ako, eh mahal ko yan eh.
“Anda ka sung orak?” tanong ni Kuyang Driver sa akin na may nginunguya pang pulang kendi, tapos bigla niyang idudura. Ewan ko ba anong kendi yun, hindi naman nabibili sa tindahan yun.
“Sa eskwelaan kaka,” sagot ko naman sa kanya habang nakatitig sa nginunguya niya. At umalis na nga kami, hinatid niya ako sa school ko. Nandon yung mga kaibigan ko hinihintay ako sa may gate.
“Tuna p’man e plano?” tanong ko agad sa mga kaibigan ko. Alam ko magyayaya na naman ito ng iskapo. Pero hindi ako pumayag kasi mapapagalitan ako ni Maam at Sir.
“Nako, late ka naman orak, saan ka na naman nagpupunta?” Ito yung bumungad sa akin sa classroom. Ang gulo kasi nitong mga kaibigan ko eh. Kinukulit akong mag iskapo.
At buong araw na nga akong nasa paaralan para mag aral. Sinundo pa ako ni Ina noong pauwi na ako. Sabi pa nga niya, “Tunaaya orak? Kyaburing ginan a susuluten ngka.” Sabay hawak sa aking kamay. Tumawid at umuwi kaming sabay.
“Pangunab ka na gu ka sambi sa bangala,” sabi sa akin ni Ina. Pero hindi niya ako natiis kaya pinaliguan niya ako at binihisan.
Gabi na noon, habang naglalaro ako sa may tablet na binili ni Ina sa akin noong birthday ko. Biglang tinawag ako ni Ina, nagmamadali at natatakot.
“Pakaganing ka san kuman, sung ta pn sa ingud, sa ki bapa aka.”
“Ngaynoto ina?” tanong ko sa kanya. Sinagot niya lang ako ng “basta pakaganing ka san badn” habang naiiyak na siya at nanginginig sa takot.
Nag-iimpake siya ng mga gamit, isinara niya lahat ng mga bintana at pinto. Bigla siyang napaupo at binukas ang kanyang mga palad. Nagdasal habang umiiyak siya.
“Wasaya dn ka lumyo tano,” sabi niya noong matapos agad ako sa aking kinakain. Hinawakan niya ako sa kamay at sabay kaming lumabas ng bahay. Naiwan ko ang tablet ko, babalikan ko sana pero hahayaan nalang daw sabi ni Ina.
Paglabas namin ng pinto ng bahay, nabigla ako at nakasara na ang mga bahay ng aming mga kapitbahay. Nakapatay ang mga ilaw at wala akong marinig na mga ingay.
“Pagda kano, pakagani niyo,” sigaw ng isang driver ng kotse sa aming dalawa ni Ina. Tumakbo kami agad ni Ina papuntang kotse. May dalawang mag-inang tumakbo din at sumakay agad.
Umiiyak na si Ina habang hawak hawak niya ako. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari. Noong dumating kami sa sasakyan nagmakaawa si Ina. At isinakay ako bigla, ipinatong sa isang babaeng nakaupo.
Hinalikan ako ni Ina sa noo, niyakap, at hinagkan ako habang umiiyak siya. “Tumunog ako bu ow, pyapya ka ruu taman sa dako ro pn,” habilin pa niya. Biglang umalis ang sasakyan nang hindi nakasakay si Ina.
“Ina akn!” Sumigaw ako ng malakas. Bigla akong naiyak. May nakita akong mga flag na itinataas ng mga hindi ko makilalang mga tao.
At biglang may malakas na sumabog sa aming likuran. Nakita kong tumakbo si Ina paalis sa kinatatayuan niya. Natakot ako, umiyak ako. “Ina!” sigaw ko sa loob ng sasakyan, habang umiiyak lahat ng nasa loob ng sasakyan.
Nagsunod sunod ang mga malalakas na pagsabog. Nagsisigawan ang mga tao. Nagkakagulo at nagtatakbuhan sa takot ang bawat isa.
At hindi ko aakalaing iyon ang huling halik at yakap ni Ina sa akin. Hindi ko inasahan na iyon ang huling araw na masisilayan ko siya.
At sumabog ulit ng malakas.
Anim na taon na rin pala ang nakalipas. Nagising ako mula sa mahimbing na pagkatulog. At ginigising ako ng kaibigan ko. Ang sarap pa namang itulog ang araw na ito.
Kailangan na ngang gumising at nag iingay na ang mga busina ng mga magagarang sasakyan. Ang iba naman ay nakapayong para hindi mabasa sa malakas na buhos ng ulan.
“Pagnaw ka san dn, sisaya dn so kikir’k sa tinda, ph’l’l’ka siran dn,” sabi ng kaibigan kong ginigising ako. Tumakbo agad kami ng mabilis papunta sa kabilang kanto.
“Ru ka sa sabala kanto ow, mamagilaya tano saya bu maalib’t tano aya,” sabi ko sa kaibigan ko.
Ang unang kinita kong sampung piso pinambili ko agad ng juice na tig-lilima ang baso at isang kalahati ng kwek-kwek na pupunuin ko lang ng sawsawan para mabusog ako.
Lalapit agad ako sa isang ate at isang kuya. Bubuksan ko ang aking mga palad at baka may iaabot sila. Kahit piso lang yan, makakabuo ako ng pera diyan.
Tatabi ako minsan sa mga kumakain at baka bibigyan ako ng makakain. Kahit tira-tira yan, papatusin ko yan. Kesa naman sa magutom.
Minsan hindi mamimigay, papaalisin ako, at pandidirian. Nasanay na rin ako. Minsan aapakan po ang paa ko, at itutulak palayo. Nasanay na rin ako.
Sino ba namang hindi mandidiri sa isang batang lansangan na natutulog sa kalye, minsan sa harap ng tindahan pag sinwerte na walang magbabantay, para lang makasilong.
Sinong hindi tutulak sa batang lansangan na ‘di kayang magbihis, makakaligo lang pag uulan, papatuyuin ulit ang damit at susuotin kahit basa pa.
Sinong hindi magpapaalis sa batang lansangan na mangangalabit, manghihingi, at manunuyo. Nasanay na rin ako.
Nasanay na rin akong makita ang ibang batang pumapasok sa paaralan at inihahatid ng mga magulang. Natatawa nalang ako.
Nasanay na rin akong magutom sa buong araw, makakain pag may nagbigay ng kalahati ng burger o kaya’y mga piso na hindi na kailangan.
Nasanay na rin ako na sa araw araw na buhay ko kailangan kong maging matatag, kailangang lumaban, kailangang mabuhay mag isa.
Nasanay na rin akong sambitin sa araw araw ang mga salitang bibigkasin pag manghihingi ka ng piso.
“Mayto, Mala” na minsan ay ginagawa pang biro ng mga swerteng mga bata na ‘di pinagkaitan ng mundo.
“Mayto, Mala”. Minsan ito, minsan wala.