Almayrah A. Tiburon
Kung paano ako na-excite sa una, ikalawa, at ikatlo kong anak ay ganun din sayo. Ilang beses ka naming pinag-usapan ng tatay mo kung anong ipapangalan namin sayo. Hindi ako nangialam sa ibinigay niyang pangalan kung lalaki ka pero sa pangalang babae ay dapat ding ipagkatiwala niya sa akin.Ngunit dalawang linggo na akong dinudugo habang ipinagbubuntis ka at nakaapat na ring pumunta sa doktor upang i-monitor ang kalagayan mo. Dalawang buwan ka pa lang sa sinapupunan ko pero mahal na mahal na kita. Pumunta na kami ng tatay mo sa doktor at iniinom ang mga gamot na ibinigay sa akin.
Sa ngayon ay hindi ako komportable dahil tila may menstruation ako pero ito ang pinakamatagal na menstruation sa buhay ko simula noong unang datnan nang dalaga pa ako. Hindi ako komportable dahil medyo kumikirot ang baba ng puson ko. Hindi ako komportable dahil ramdam kong ang daming dugo na naimbak sa loob, na magiging okey siguro ang pakiramdam ko kung mailalabas lahat pero nangangamba akong baka sumama ka. At hindi ako komportable kung nakahiga lamang sa kama dahil may tatlo kang kapatid na kailangan din ako.
Umalis ang katulong natin at ang naging set up ay Linggo ng gabi’y pupunta ng Wato sa lugar ng tatay mo. Lunes, alas kwatro ng madaling araw ay uuwi ng MSU at maiiwan sina King at Precious, si Cozy ay kasama namin dahil nag-aaral. Hihintayin namin ni Cozy sa gabi ang tatay mo galing trabaho mula Iligan para muling umuwi ng Wato. Alas kwatro kinaumagahan ay uuwi na naman ng MSU at darating ng Wato na tulog na ang dalawang bata. Marahil ay napagod din sila sa kahihintay sa amin. Yan ang araw-araw namin na talagang nakakapagod sa utak kaya nagkasakit ang mga kapatid mo at nakaapat kaming napunta sa hospital. Marahil ay napagod din ang katawan ko at kulang sa tulog habang nasa hospital dahil sa pag-aalala.
Ngayon nama’y kailangan kong alagaan ang sarili ko para sayo dahil gusto kitang makita at makasama habang nabubuhay ako. Gusto kitang ipaghele gabi-gabi kahit pa sa mga panahong may iniinda, ibig kong alagaan ka kahit maubusan man ng lakas. Sa tuwing iisipin ang ating kalagaya’y tunay na ang bawat gabi’y nagkukumot ng lungkot, nagiging maingay ang pintig ng puso tuwing tinitingnan ang napkin na puno ng dugo at biglang lumakas ang pintig ng dibdib nang makitang may buo na dugo sa bowl nang ako’y umihi. “Lailahailallah, kapit ka lang anak ko, kumapit ka lang,” ang nausal ko.
Kinabukasa’y agad na nagpacheck-up sa doktor at laking pasalamat namin ng tatay mo na nasa sinapupunan pa rin kita, marahil ay dahil sa ayaw kong bumitaw sa paniniwalang magkikita tayo at tatanda akong kasama ka.
Iniisip ko na nga ang araw na isisilang kita, na sa paligid ko’y ang putimputing silid, ramdam ang ilang oras na pananakit ng tiyan, na palakad-lakad bilang ehersisyo dahil alam kong makatutulong yun sa mabilis mong paglabas, na sa mga oras na yan ay walang anumang namamahay na kaba at takot sa isip, batid kong muling mararanasan ang kirot at pamimilipit sa sakit at sa kalagitnaan ng pag-ere ay naaaninag sa tuwi-tuwina sa mga nars ang pag-aalala nila pero matatag ang doktor na ipapanganak kita, na kahit na nanghihina na ako nang lumabas ka mula sa aking sinapupunan ay ibig kong marinig sa pagkatagal-tagal na paghihintay ang maliit na tinig ng iyong pag-uha. Gusto ko rin ang marahang pagpihit ng pinto, papasok ang tatay mo’t sabik na makita tayong dalawa habang pinagmamasdam ko rin ang iyong payapang mukha na bumabagay sa dalisay na pagkaputi ng kama at kumot na iyong kinahihimlayan. Paumanhin kung sosobra ako sa kung anuman ang dapat gampanan ko sa inyo bilang isang ina.
Alam mo, gaya ng mga kuya mo at ate, nais kong maranasan na mabuhat ka, kalungin, patawanin, at yapusin upang maging komportable at mapanatag ka’t makatulog nang mahimbing. Gusto kong sabihin sayo tuwing umiiyak ka sa gabi na nandito lamang ako lalo na sa mga panahon ng kapanglawan, magbibigay ako palagi ng lakas sa pagkakataong nanghihina kayo dahil sa mga pagsubok ng pagkakataon, magbibigay ng liwanag kapag pusikit ang mundo ninyo.
Hindi ko alam ngunit tunay ang aking pananabik sa iyo at kapag nandito ka na sa mundo ay yayakapin kita ng aking mga salita at ipaghehele ng aking mga kataga. At marami pa akong gustong maranasan sayo bilang nanay mo. Ipagpaumanhin ninyo lamang kung lumabis man ang pagiging nanay ko sa inyo.
Kanina lang, ikalabing-apat na araw na bleeding at ikaapat na punta na rin sa doktor. Walang lumalabas na salita sa akin nang marinig kong wala ka na, na hindi ko mapigilan ang mga luha habang nagpapaliwanag ang doktor at nakikita ko ang monitor sa ultrasound. Bago kami lumabas ng clinic ay binigyan niya ako ng gamot at ang sabi’y bukas o sa susunod na araw marahil ay kikirot ang tiyan ko na parang ang sakit ay yaong manganganak, phamalilit ika nga. Ang kaibahan nga lang ay makakaramdam ako ng sakit gaya ng panganganak pero hindi kita makakapiling at hindi rin maipaghehele.