Duwaya

Ralph Jade Tampal

Ang monologong ito ay hango sa aking dulang ‘Iiman. Tampok sa monologong ito ang karakter na si Amina, ang duwaya ng mag-asawang sina Akmad at Nhor. Sa orihinal na dula, pinaslang ni Nhor sina Amina at Tiban (kapatid ni Akmad) nang mahuli niyang nagtatalik ang dalawa sa lumang bahay ni Amina, sa isang maulan na gabi. Layunin ng monologong ito na ipakita ang pagtutol ni Amina sa kaniyang naging kapalaran bilang duwaya at bilang babaeng pinagkaitan ng pagkakataong umibig at mabuhay.

TAUHAN

Amina – nasa 20s, isang duwaya.

 

AMINA
Pinatay niya ako. Sinaksak nang sinaksak hanggang sa malagutan ng hininga.

Hindi lamang isang beses. Hindi lamang dalawa. Kundi paulit-ulit niya akong sinaksak—na para bang sa bawat pagbaon ng kutsilyo sa aking laman ay may nais siyang burahin. Parang may gustong hugasan. Parang may kasalanang kailangang lipulin sa aking dugo. Parang baboy na kinakatay, kinamumuhian, at kinasusuklaman.

Marahil, sa paningin niya ay isa akong taksil.
Isang maruming babae.
Isang makasalanang babae.

Babaeng nakiapid sa kapatid ng aking asawa—o ng aming asawa.

Oo, aming asawa.

Dahil isa akong duwaya.

Isang babaeng ginawang pambayad sa pagkakautang ng aking mga magulang kay Akmad. Isang katawang naging kapalit ng utang na loob sa lalaking sumagip sa aking amang muntikang mapaslang sa Jihad—sa digmaang wala namang tiyak na kinahinatnan. Ya Allah! Oo, nabuhay nga si ama ngunit ang naging kapalit naman ay ang aking sariling kalayaan. Isa akong medalyang isinabit sa lalaking hindi ko naman pinili. Pinagkaitan ng kalayaang mamili ng iibigin. Pinagdamutang ibigin ang tunay kong minamahal.

Ako ang naging kabayaran. Pinagkasundo kami. Kumbaga’y ako ang naging pirma sa kasunduang hindi naman ako ang gumawa at hindi ko man lang nabasa.

Noong araw na ipinagkaloob ni ama’t ina ang  kamay ko kay Akmad, walang nagtanong kung ginusto ko ba ito. Walang nagtanong kung sino ang mahal ko. Ang mahalaga’y mabayaran ang utang na loob. Ang mahalaga’y makabawi sa ikalawang buhay na ibinigay kay ama—ni Akmad man, ni Allah, o kung sino mang Diyos. Ang mahalaga’y madugtungan ang pangalan ko ng apelyido ng isang lalaking itinuturing na bayani ng aking mga magulang. Isang karangalan ba itong maituturing?

“Dangal.”

Nakatatawa.

Sapagkat anong dangal ang mayroon sa isang dalagang ipinamigay na parang pusang may pitong kapatid at hindi kayang alagaan ng kanyang mga magulang? Anong dangal ang naiiwan sa isang babaeng tulad ko na gabi-gabing inaangkin ng lalaking hindi man lamang marunong tumingin sa aking mga mata tuwing kami’y nagsisiping?

Tinuruan nila akong manahimik.
Tinuruan nila akong magtimpi na lang.
Tinuruan nila akong ngumiti kahit nasusuka sa paglunok ng matatamis na salitang papuri sa aking pagiging masunuring duwaya.

“Ganyan naman talaga ang buhay may-asawa,” sabi ni ama.
“Matuto kang magtiis dahil babae ka,” sabi ina.
“Babae ka. Nasa iyo ang dangal ng ating pamilya,” sabi ng nakatatanda kong kapatid na nagkandakuba-kuba na sa pag-aalaga sa apat niyang mga anak dahil “babae” siya. Sasabihin ko ba sa kanya na ayaw kong matulad sa kapalaran niya? O sasabihan ko bang dapat lang na maranasan niya iyon dahil, tulad ko, “babae” rin siya?

Walang naghanda sa aking maging isang asawa—maging isang duwaya. Walang nagsabi sa akin kung paano mabuhay sa loob ng kulungang tinatawag nilang kasal.

Sa bawat hapag-kainan, katabi ko ang aking asawa at si Nhor na una niyang minahal—at sa kabilang dulo, ang kanyang nakatatandang kapatid na si Tiban. Tahimik siyang nagmamasid. Parang siya lang ang nakapapansin sa lungkot ng aking mga nagmamakaawang mata. At parang ako rin lang ang nakakakita na hindi siya tulad ng kapatid niya. Na mas may pagmamahal siyang naipapadama sa akin.

Sa kanilang lahat, siya ang unang nagtanong kung ayos lang ba ako.

Isang simpleng tanong.
Isang simpleng malasakit.
Isang simpleng pagtingin na hindi puno ng pag-aangkin, kundi pag-unawa.

Isang pagiging makatao.

Tao—hindi isang babae.

Doon nagsimula ang kasalanan.

Hindi sa unang paghawak niya sa aking mga kamay.
Hindi sa unang pagsiil niya sa akin ng kanyang nakalulunod na halik.
Kundi sa unang pagkakataong naramdaman kong tao ako. Hindi ari-arian. Hindi kabayaran. HINDI BABAE. KUNDI TAO. TAO!

Sa bawat patagong pag-uusap namin sa likod ng bahay, sa lilim ng mga puno na silang naging saksi sa aming namuong pagmamahalan, unti-unti kong naalala kung sino ako bago ako naging duwaya. Bago ako naging pambayad-utang, pinangarap kong maging isang mapagmahal na asawa sa taong minamahal ko rin ng lubos at sobra-sobra.

Ngunit sa kulturang ito, sa relihiyong aking kinabibilangan, ang babae ay walang karapatang makaramdam ng kahit ano. Lalo na kung siya’y nakatali na—ang masaklap ay nakatali sa lalaking pagmamay-ari din ng iba.

“Duwaya.”

Iyan ang tawag sa akin.
Babaeng asawa ng may asawa na.
Asawa ng isang lalaking may dalawang katawang inaangkin.

At ngayon naman ay isang asawang nakikiapid sa kapatid ng kanyang asawa.

Ngunit ang totoo, hindi ko pinili ang una—hindi ko kagustuhang maging isang duwaya. At ang ikalawa, hindi ko rin ganap na naangkin. Sapagkat ang pag-ibig namin ay kailangang ikubli—kailangang takpan na parang isang kili-kiling maitim at nakakasuka kapag nakita at nalaman ng iba. Kailangang ikubli sa dilim. Kailangang ibulong na lamang sa hangin dahil masakit sa tainga kong ipagsisigawan pa.

Ako ay babaeng makasalanan.

Babaeng marumi.

Babaeng karapat-dapat patawan ng kamatayan.

—sapagkat ako’y nagkasala.

Nang gabing iyon, nahuli niya kami. Hindi ni Akmad, kundi ng unang asawa—si Nhor. Alas otso ng gabi, malakas ang ulan nang gabing iyon kaya’t hindi ko napansin. Hindi namin napansin. Astagfirullah!

Hindi siya sumigaw. Walang kahit anong pagkabigla at pagtatanong. Tanging mga matang nagliliyab lang niya ang aking nakita. Nagliliyab na mga matang hindi maapula ng malakas na ulan sa gabing iyon. Parang hayop na nasukol. Parang reynang ninakawan ng trono’t korona. Isang reynang ninakawan ng pag-aari.

“Pag-aari.”

Ganoon rin ba ang tingin niya sa akin, gayong alam niya namang pumayag lang si Akmad na ako’y maging duwaya dahil hindi niya ito kayang bigyan ng anak? Gayong alam niya naman na siya pa rin ang minamahal ni Akmad?

Ni minsan ay hindi niya ako tinanong kung mahal ko rin ba ang asawa niya—ang asawa namin. Hindi niya ako tinanong kung nasasaktan ba ako sa piling ng taong hindi ko naman piniling mahalin. Ang buong akala niya’y ginusto ko ang lahat. Ang akala niya’y inagawan ko siya ng pag-aari.

Hinugot niya ang kutsilyo. Sinaksak. Hinugot. At muling isinaksak ng madiin.

Sa unang niyang saksak, hindi pa ako nakaramdam ng sakit. Gulat lamang. Pagkabigla. Sa ikalawa, saka nanuot ang kirot—hindi lang sa katawan, kundi sa katotohanang hanggang sa huli, hindi ako naging tao sa kanilang paningin.

Habang ako’y nakahandusay sa sahig, naririnig ko ang mga ungol ni Tiban. Naririnig ko ang kanyang pagmamakaawa. Kasabay ng pagmamakaawa niya’y mas lumilinaw ang nauupos na tibok ng sarili kong puso.

Sa bawat patak ng dugong bumabaha sa malamig na sahig, isang tinig mula sa madilim kong kalooban ang nagtatanong:

Kasalanan bang magmahal?
Kasalanan bang hangarin na lumaya mula sa kulungan ng kasal?
Kasalanan bang manindigan?

Kung ako’y duwaya, ano siya?
Lalaking umangkin sa babaeng hindi naman siya kailanman minahal.

Kung ako’y duwaya, ano siya?
Ang unang asawang itinuring akong magnanakaw ng asawa at taksil.

Ngayon, ako’y patay na sa kanilang paningin.
Ngunit sa unang pagkakataon, malaya na ako. Malaya na mula sa pagkakakulong.

Wala nang kamay na hahawak sa aking pulso upang tiyaking hindi ako lalayo. Wala nang matang magbabantay sa aking kilos. Wala nang kama na magsisilbing kulungan ko sa magdamag.

Sa kamatayan ko, natagpuan ko ang kalayaang ipinagkait sa akin habang ako’y nabubuhay. Kahit man lang sa kamatayan ko—at ni Tiban, na aking tunay na minamahal, at ng sanggol sa aking sinapupunan na bunga ng aming pagmamahalan—ay nakaramdam ako ng init ng pagmamahal ng isang pamilya.

Ngunit bago tuluyang malagot ang aking hininga, nais kong sabihin ito:

Hindi ako duwaya.

Ako’y babaeng ipinagkanulo.
Babaeng ipinambayad-utang.
Babaeng pinilit magmahal ng lalaking hindi naman niya pinili.

At nang ako’y umibig sa taong gusto ko, tinawag nila iyong kasalanan. Tinawag nila iyong kababuyan at kahalayan.

Kung may sala man ako, iyon ay ang pagnanais kong maging tao.

Hindi ari-arian.
Hindi kabayaran.
Hindi babae lamang.

Kundi ako.

Ako si Amina.

At kung muli akong isisilang sa mundong ito, paulit-ulit kong pipiliin magmahal nang walang takot. Pipiliin kong maging makasalanan sa mata ng lipunan kaysa maging banal sa loob ng piitang gawa ng kulturang mapaniil at hindi makatao.

Paulit-ulit kong pipiliin ang magmahal kahit pa sa paningin ng iba’y isang malaking pagkakamali.

Sapagkat ang tunay na kasalanan ay hindi ang pag-ibig.

Kundi ang pagkakait ng kalayaang magmahal at mabuhay.

At sa huling pintig ng puso ko, hindi takot ang aking naramdaman— kundi paglaya.

-TELON-