Talak

Almayrah A. Tiburon

 

Alas-otso ng umaga. Matapos nilang makapag-almusal, agad na pumasok sa opisina si Minor. Samantala, si Aisah ay naglinis ng bahay, at pumasok sa kwarto upang kunin ang mga labahin.

Kinuha niya ang pantalon ni Minor at nadukot niya mula rito ang isang pregnancy test—may dalawang malinaw na guhit.

Tumulo ang kanyang mga luha at napahandusay siya sa sahig, at sa halip na katahimikan, napahagulgol siya.

Sa kabila ng lahat, napakabuting asawa ni Aisah kay Minor. Iniwan niya ang kanyang trabaho at piniling manatili sa bahay upang alagaan siya at ang kanilang anak na si Bokary, na dalawang taong gulang pa lamang. Ngunit sa oras na iyon, puno ng galit ang nararamdaman ni Aisah.

Allahuakbar! Bakit niya nagawa sa akin ito?” bulong niya sa sarili. Sa lahat ng taon nilang magkasama, hindi niya inakalang magagawa iyon ng taong minahal niya.

Makalipas ang isang linggo, napansin ni Minor ang pagbabago sa kanya ng asawa; ang malamig na tingin, ang mabilis na pag-init ng ulo sa maliliit na bagay—tila lahat ay sanhi ng sama ng loob.

Habang naghahapunan, tahimik si Aisah. Ngunit hindi nagtagal, napagdesisyunan ni Minor na basagin ang katahimikang iyon.

 Aisah, ano’ng problema? Ilang araw ka nang ganito. Kung may problema ka, sabihin mo.” May halong pagkabahala ang tinig ni Minor.

“Baka ikaw ang may dapat sabihin sa akin! Baka may gusto kang ipagtapat sa akin?” sagot ni Aisah, na may garalgal na boses.

“Diretsuhin mo nga ako, dahil hindi ako manghuhula!” tugon ni Minor.

“Minor… nakita ko ang PT sa bulsa mo! Lailahailallah!” sigaw ni Aisah, ang bawat salita ay puno ng sakit. “Ano’ng nagawa ko? Ano’ng kasalanan ko?”

Ang mga tanong ni Aisah. Ang totoo, ipagtatapat naman sana niya ngunit naghihintay ng tamang tiyempo, naunahan lamang siya ng babae.

“O ano, magpaliwanag ka!” panunumbat ni Aisah. “Ilang araw na ang lumipas, paulit-ulit sa utak ko ang mga tanong na ito. Ako na nagmahal sayo, ibinigay ang buong buhay ko, at wala akong ginawa kundi ang pananatili sa bahay na ito at alalahanin ang lahat ng pangangailangan mo!”

Habang lumalapit si Minor upang subukang kalmahin siya, malakas at puno ng galit na itinulak ni Aisah ang kanyang asawa. Sinubukan niyang yakapin siya, ngunit nagwala at umiiyak ang babae, hanggang sa nanghina siya at dumilim ang kanyang paningin.

Unti-unti niyang idinilat ang mga mata. Puting liwanag ang bumabalot sa paligid, at sa gilid ay may mga aparatong kumikilos na hindi pamilyar sa kanya. Tatlong dextrose ang nakabitin—puti, dilaw, at asul—na nakaturok sa kanya. Sa bandang kanan ng kanyang ulunan, may screen na gumagalaw ang mga kulot-kulot na linya. Naka-oxygen siya, may nakaipit na aparato sa paa at mga sensor sa dibdib.

Nasa ospital siya. Nanghihina at ramdam niya na ang sakit na naramdaman niya sa nakaraang araw ay hindi lamang sa diskusyon nila ni Minor.

Sa kabilang dulo ng kwarto, si Minor ay nakikipag-usap sa kanyang ina sa cellphone na si Malika, habang tahimik niyang pinagmamasdan si Aisah. Nang makita niyang nagising ito matapos ang mahigit sampung araw na pananatili sa ICU, natakot siya at dali-daling lumabas. Sa ilang sandali, dumating na ang doktor at dalawang nars.

Matapos siyang mailipat sa regular na kwarto, agad na tumabi si Minor. Sa mga mata nito, makikita ang labis na pag-aalala.

“Kumusta ka na? Ano ang nararamdaman mo? May masakit ba? Nagugutom ka ba? Ano’ng gusto mong kainin?” sunud-sunod niyang tanong, puno ng pag-aalala at pagmamahal. Ngunit sa isipan ni Aisah, bumabalik ang panlolokong ginawa sa kanya—ang sugat na iniwan nito sa kanyang puso.

Makalipas ang walong araw, nakauwi na sila sa bahay. Patuloy pa rin ang panunuyo at pag-aalaga ni Minor, ngunit sa puso ni Aisah, naroon ang malamig na hangin ng kawalan ng tiwala. Alam niya, kahit anong gawin ng asawa, wala na ang dating init ng kanilang relasyon—ang pag-ibig ay tila natapos na, at ang tiwala ay hindi na maibabalik.

Ya Allah! Bakit niya nagawa sa akin ito? Saan ako nagkamali? Saan ako nagkulang? Lailahailallah…

Bulalas niya sa sarili habang nangingilid ang mga luha na hindi niya mapigil. Ang kalungkutan at galit ay tila bumabalot sa kanya sa bawat hininga. Hindi niya namalayan na sa pintuan ay nakamasid si Suhaylah, ang kanyang kapatid, at nakita ang pinakailalim na sakit na matagal na niyang tiniis.

Sa pagkakataong iyon, alam ni Aisah na hindi na niya puwedeng itago ang lahat. Hindi na niya kayang proteksyunan ang asawa mula sa galit ng pamilya, kaya nilapitan niya ang kapatid at isinapuso ang lahat.

“Ano?! Astagfirullah! Nagtiwala kami na hindi siya gagawa ng ganyang lihim, na hindi man lamang nagpaalam o kahit sinabihan ka man lang. Akala namin ay sapat ka na sa kanya. Kung ganito ring mamamatay ka sa sama ng loob, mas mabuti nang ibigay na niya ang talak, at isauli ka na niya sa amin!”

Galit at nag-aalab ang boses ni Suhaylah, ang bawat salita’y tila apoy na sumusunog sa puso ni Aisah.

Samantala, si Minor ay wala sa bahay. Nandoon siya sa pangalawang asawa—pitong buwan nang buntis. Biglang sumakit ang tiyan ng babae, kaya dali-daling isinugod sa ospital. Ilang oras ang nakalipas, isinilang ang isang malusog na batang babae.

Makalipas ang limang araw, muling nagtipon-tipon sa bahay ang malalapit na kamag-anak ni Aisah, gayundin ang pamilya ni Minor. Ang tensyon ay halata sa bawat galaw at tingin. Sa gitna ng lahat, isang datu ang pumagitna—magpapaayos ng usapin, magpapakalma sa lahat, at magbibigay ng payo kung ano ang pinakamainam na gawin para sa kapayapaan ng pamilya.

Ey miyatay anan a Minor! Paanong nagawa niya ito sa kapatid ko, talaken ka si Aisah, isuli mo siya sa amin!” sigaw ni Abdul, paos ang tinig sa galit dahil hindi maatim kung paano nasasaktan si Aisah. Kumuyom ang kanyang mga kamao habang mabilis na bumaba ang kamay sa baywang, tila bubunot ng baril. Sa isang iglap ay napigil siya ng mga lalaking nakapaligid—mahigpit siyang hinawakan sa mga balikat at bisig, saka marahang inilayo upang pakalmahin ang nag-aalimpuyong damdamin.

Ang kanilang galit ay lalo pang pinaiigting ng kalagayan ni Aisah—tahimik ngunit malinaw ang bakas ng pagkasugat ng damdamin. Sa pananaw ng mga nakapaligid, hindi sana hahantong sa ganitong sitwasyon kung naging tapat lamang si Minor mula pa sa simula.

Sa kulturang Meranaw, maaaring tanggapin ang duwaya, ang pagkakaroon ng higit sa isang asawa, kung ito’y dumaan sa wastong pag-uusap, paggalang, at pahintulot ng unang asawa. Ngunit ang nangyari ay hindi ganoon.

Sa gitna ng tensyon, pumagitna ang datu.

Tareg kano pasin!” malalim at awtoridad ang tinig ng datu, na tila humihiwa sa nag-aalimpuyong ingay sa loob ng silid. Unti-unting tumahimik ang mga nagngangalit na tinig.

“Huwag ninyong hayaang manaig ang galit. Nandito tayo bilang isang pamilya, bilang dalawang angkang pinag-isa ng pag-aasawa. Ang layunin natin ay hindi upang paghiwa-hiwalayin ang ating dugo, kundi upang pangalagaan ang maratabat ng bawat isa.”

Saglit siyang tumingin sa magkabilang panig ng silid—sa pamilya ni Aisah at sa pamilya ni Minor—bago muling nagsalita.

“Alalahanin ninyo ang itinuturo ng ating relihiyon. Sa Islam, bagaman pinahihintulutan ang talak, hindi ito basta-bastang ginagawa. Sinasabi ng mga pantas ng relihiyon na ito ang isa sa mga pinakakinamumuhiang pinahihintulutang bagay sa paningin ng Allah. Kaya’t ang mag-asawa ay hinihikayat na ayusin muna ang kanilang gusot sa pamamagitan ng pag-uusap, pagpapayo, at paghanap ng pagkakasundo.”

Bahagya siyang yumuko, tila binibigyang-diin ang bawat salita.

“Hindi rin tama na tayo mismo ang maggatong sa paghihiwalay ng dalawang taong pinagbuklod na ng kasal. Ang tungkulin natin bilang pamilya ay tulungan silang mahanap ang daan ng pagkakaunawaan, hindi ang daan ng pagkakawatak.”

Huminga siya nang malalim bago muling nagsalita.

“Kung tunay nating pinahahalagahan ang maratabat ng ating mga angkan, pairalin natin ang kahinahunan at karunungan.”

Pagkaraan ay tumingin siya kay Minor.

“Bakit hindi muna natin pakinggan si Minor?”

Unti-unting humupa ang ingay, bagaman nanatiling mabigat ang hangin sa pagitan ng mga naroon.

Dahan-dahang tumayo si Minor. Saglit siyang nag-atubili, tila naghahanap ng lakas upang buuin ang mga salitang matagal na niyang kinimkim.

“Kung ako ang tatanungin,” wika niya, basag ang tinig, “ayaw kong hiwalayan si Aisah. Nangyari ngang nagkaroon ako ng pangalawang pamilya,” patuloy niya, “ngunit hindi ibig sabihin na pababayaan ko si Aisah, kaya kong gawin ang kondisyon na pantay na pakikitungo sa kanilang dalawa. Di aken katiger a rata a ginawa ko imanto, agu tanto aken a pekhababayan si Aisah—mahal na mahal ko si Aisah alam niya iyan.”

Humigpit ang kanyang pagkakahawak sa gilid ng mesa, na para bang doon siya kumakapit upang hindi tuluyang matumba.

“Ayaw kong ibigay ang talak,” dagdag niya, halos pabulong na, “ka tanto a aargaan aken sekaniyan at hindi ko kayang mawala siya sa akin.”

Aya maana lalag ko na ganito talaga,” marahang wika ni Sabdullah, ang ama ni Minor. Mabigat ang kanyang tinig, tila dala ang pagod ng isang amang nahaharap sa gusot ng sariling pamilya. “May mga pagsubok na dumarating sa ating buhay—mga muskila na hindi natin inaasahan. Ngunit naniniwala ako na ang lahat ng ito ay may layunin ang ating Panginoong Allah. Ang hinihiling lamang namin ay maging maayos ang lahat—lalo na para sa ating mga anak, sina Aisah at Minor.”

Sandaling nanahimik ang silid bago nagsalita ang ama ni Aisah.

Aya man aki a maregen na tanto a masakit rekami a masosowa aya,” wika ni Alikhan na ama ni Aisah, pigil ang galit ngunit ramdam ang sakit sa bawat salita. “Si Aisah… alam ninyo, at alam din ni Minor, kung gaano siya kabuting asawa.”

Saglit siyang huminto, saka tumingin kay Minor na tila naghahanap ng sagot sa isang tanong na matagal nang bumabagabag sa kanyang dibdib.

“Ang hindi namin maintindihan,” patuloy niya, pinipigil ang panginginig ng tinig, “ay nagawa niyang itago ang lahat—parang isang taong kumikilos sa dilim, na ayaw ipaalam sa sinuman ang kanyang ginagawa.”

Saglit siyang tumigil, saka muling nagsalita, mas mabigat ang bawat salita.

“Hindi naman lingid sa amin na sa ating kultura ay may duwaya. May mga pagkakataong tinatanggap ito ng pamilya kung ito’y dumaraan sa tamang paraan—sa maayos na paliwanagan at paggalang.”

Napatingin siya kay Minor, ang mga mata ay puno ng pagkadismaya.

“Masaya ang pagsasama nina Minor at Aisah. Wala kaming nakitang senyales na may ganito palang itinatago si Minor. At higit sa lahat, alam ninyo ang kalagayan ng anak namin—may sakit siya sa puso. Hindi siya maaaring mabigla sa ganitong paraan.” Huminga siya nang malalim, tila pinipigil ang galit na maaaring kumawala anumang sandali.

Sa isang sulok ng silid ay tahimik na umiiyak si Aisah. Wala siyang sinasabi, ngunit ang kanyang katahimikan ay tila mas mabigat pa sa anumang sigaw. Mabilis ang pag-angat-baba ng kanyang dibdib, at ang pawis ay unti-unting namumuo sa kanyang noo.

Napansin ito ni Suhaylah, ang kanyang kapatid. Agad siyang lumapit at kinuha ang librong nakapatong sa mesa. Marahan niya itong ipinaypay kay Aisah, tila umaasang mapapawi kahit kaunti ang init at bigat na bumabalot sa katawan ng kapatid.

Ngunit sa halip na gumaan, tila lalo pang nahirapan si Aisah sa paghinga.

Humigpit ang hawak niya sa damit sa may dibdib, na para bang doon niya sinusubukang pigilan ang sakit na unti-unting sumasakop sa kanyang katawan. Namutla ang kanyang mukha, at unti-unting nanghina ang kanyang tuhod.

Sa loob lamang ng ilang sandali ay umatake ang kanyang karamdaman.

Biglang nagkagulo ang silid. May sumigaw. May nagmamadaling tumayo. Nataranta ang marami.

Sa gitna ng lahat ay si Minor ang unang nakalapit. Hindi na siya nag-atubili. Mabilis niyang sinalo ang nanghihinang katawan ni Aisah at agad itong binuhat. Sa kanyang mukha ay mababasa ang takot—isang takot na hindi na niya kayang itago.

Buhat niya ang asawa habang mabilis na lumabas ng bahay. Ilang sandali pa’y isinakay niya ito at agad na pinaharurot ang sasakyan patungong ospital—na para bang sa bawat segundo ng kanilang paglalakbay ay nakasalalay hindi lamang ang buhay ni Aisah, kundi pati ang pag-asa niyang maituwid ang pagkakamaling minsan niyang itinago sa katahimikan.

Kinabukasan, dahan-dahang nagkamalay si Aisah. Marahan niyang iminulat ang mga mata, ngunit nananatiling mabigat ang kanyang ulo at tila umiikot pa rin ang kanyang paningin. Inilibot niya ang tingin sa loob ng silid ng ospital, na para bang may hinahanap na mukha. Ngunit wala roon ang taong inaasahan niyang makita.

Ang naroon lamang ay ang sariling pamilya. Nang mapansing nagising na ang anak, agad na lumapit si Binombao. Hindi na siya nagsalita. Mahigpit niyang niyakap si Aisah, na para bang sa yakap na iyon ay nais niyang pagaanin ang sakit na dinadala ng anak.

Samantala, si Minor ay nasa ibang bahay—sa piling ng kanyang pangalawang asawa na si Aminah. Naroon din ang ilan sa kanyang mga kamag-anak, gayundin ang pamilya ng babae. Sa loob ng silid ay ramdam ang tensyon na tila matagal nang kinikimkim.

Nag-maratabat ang pamilya ni Aminah.

Bihira lamang nilang makita si Minor, at bagaman alam nilang may nauna na itong pamilya, malinaw sa kanila ang isang bagay: kung pinili nitong magkaroon ng dalawang asawa, nararapat lamang na maging patas siya sa dalawa.

“Na tona ari i mapipikir ka sa pagari ami aya? Magpakalalaki ka!” matigas na wika ng panganay na kapatid ni Aminah. “Akala mo ba hindi namin alam kung gaano nagtitiis ang kapatid namin sayo? Pupunta ka lamang sa kanya kung kailan ka bakante. Hindi ba dapat malinaw at nakatakda kung anong mga araw ka nasa bawat asawa mo? Isinaka a mapiya a mama!

Sandaling nanahimik ang silid matapos ang matalim na salita.

Maya-maya’y nagsalita ang datu, na kanina pa nakamasid sa gitna ng tensyon.

Na banda aya mapiya na isaan tano so mamaan o antonaa i mapipikir iyan,” mahinahon niyang wika. “Hindi maaaring isang panig lamang ang ating pakinggan at hindi rin tama na agad tayong humusga. Alalahanin din natin ang itinuturo ng ating relihiyon. Sa Islam, bagaman pinahihintulutan ang talak, ito ay itinuturing na isa sa mga pinakakinamumuhiang pinahihintulutang bagay sa paningin ng Allah. Kaya’t hindi nararapat na tayo pa ang maging dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa.

Huminto siya sandali bago muling nagsalita.

“Ang totoo, dalawa rin ang asawa ko. Hindi naging madali sa simula, ngunit sa kalaunan ay nagkaroon kami ng pagkakaunawaan.”

Tumingin siya kay Minor.

Nggiginawai tano, ipandapat iyo ron? Ano ang plano mo ngayon, Minor?”

Huminga nang malalim si Minor bago nagsalita. Halata sa kanyang mukha ang pagod at bigat ng sitwasyong kinakaharap niya.

Aya rek akenon,” wika niya, dahan-dahan. “Alam ni Aminah kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya. May anak din kami.”

Saglit siyang tumigil bago ipinagpatuloy ang mga salitang tila mabigat sa kanyang dibdib.

“Ayaw kong ibigay ang talak. So makapantag ko suporta ko rekiyan agu ko wata ami, at habang nandito ako ay ipagpapatuloy ko ang responsibilidad ko sa kanila.”

Hindi madali para kay Minor ang sabihin iyon. Ngunit sa sandaling iyon, alam niyang kailangan niyang harapin ang lahat—ang dalawang pamilya, ang kanilang inaasahan, at ang mga sugat na siya mismo ang nagbukas.

Walong taon na ang lumipas. Habang maingat na inaayos ni Aisah ang mga gamit ni Bokary, nakamasid siya sa batang abala sa paglalaro kasama ang isa pang batang magdadalawang taong gulang, si Alia na anak nila ni Sarip.

Si Sarip, mabuti at mahinahon, ay araw-araw na ipinaparamdam ang kanyang walang kapantay na pagmamahal kay Aisah. Tanggap niya si Bokary bilang sariling anak, minahal at inangkin bilang bahagi ng kanilang pamilya.

Tuwing nakikita naman ni Aisah si Bokary, tila nakikita niya ang imahe ni Minor dahil kamukha ng bata ang ama nito, bumabalik ang larawan ni Minor sa kanyang isipan—isang alaala na matagal nang itinatago sa mga lihim na sulok ng puso. Nasasaktan pa rin siya, at sa kabila ng maraming taon, ramdam pa rin ang pagmamahal niya kay Minor—pagmamahal na hindi tuluyang napawi, kahit ilang taong magkalayo ang kanilang landas at kahit pinipilit pa rin niya itong kalimutan.

Napabuntong-hininga siya at sa isang sandali ng pag-iisa, hindi niya napigilang mapaiyak habang nakatalikod sa mga bata.

“Ome, tara na, male-late na po ako,” biglang sambit ni Bokary.

Pinahid ni Aisah ang mga luha, binitbit si Alia, at lumabas sila ng bahay.

Samantala, si Minor ay nakatayo sa bintana, tahimik na pinagmamasdan ang paligid. Sa kanyang mga mata, bumalik ang lahat—ang simula ng kanilang pag-iibigan ni Aisah. Pakiramdam niya, sa mga sandaling iyon, sila lamang ang tao sa mundo, sa isang paraisong punung-puno ng kaligayahan. Dito, sa piling ni Aisah, ipinangako niya na wala nang ibang babaeng iibigin—siya lamang. Ngunit nagkamali siya. At kahit gustuhin niyang balikan ang nakaraan, alam niyang hindi na ito pwede.

“Aisah, kung alam mo lang ang lahat…” bulong niya sa sarili. “Hindi pa rin kita malimutan. Ikaw pa rin ang laman ng puso’t isipan ko. Pumayag ako na ibigay ko ang talak, upang palayain ka… ang sabi pa ng mga magulang mo’y kahit itali nila ako sayo’y ayaw mo na raw na makasama ako habambuhay.

Alam ko—mas pinili mo ang kapayapaan ng iyong puso kaysa sa pagsasama natin, na mas pinili mo ang maratabat mo. At kahit ganoon, kahit naghiwalay tayo, hindi naglaho ang pagmamahal ko sayo, Aisah… at hindi rin maglalaho hangga’t ako’y nabubuhay. Sa tuwing pinapayagan mo akong ilabas si Bokary, tuwing hawak ko ang maliit niyang kamay, tila bumabalik ang larawan natin—ikaw, ako, at ang bata—sa mundong para lang sa atin. Ang mga sandali ng saya, ng init ng ating tahanan, at ng mga pangarap na sabay nating binuo… Lahat ay bumabalik, at masakit—napakasakit—na maalalang ibinigay ko ang talak—ang paghihiwalay, at mas masakit pa nang malaman kong nakasal ka na, at may bagong buhay sa piling ng iba.

Pinili ko ang magparaya dahil ayaw kong masaktan ka pa, dahil alam kong hindi kakayanin ng puso mo ang duwaya. Mas pinili kong masaktan ako kaysa mawala ka sa mundo. Sapat na sa akin na ikaw ay buhay, masaya, at kasama ang iyong mga anak—at kahit sa ganitong paraan, mamahalin kita sa bawat tibok ng puso ko, sa bawat hininga, hanggang sa huli kong sandali.

Ama, khan tano kon sabi ni ina, nakahain na raw po siya,” wika ni Jenan, ang anak ni Minor kay Aminah. Napangiti siya sa bata. Hinihila siya nito patungong kusina.