Putli’, Intan

Gamson Jr Mawallil Quijano


“Putli’..! Uwa, Putli’…! Sarang na ba in pag-atal mu yan! Malayu’ pa in panaun ta!”

“Putli’..! Uwa, Putli’…! Tama na ang paglalagay ng kolorete sa iyong mukha. Malayo pa ang lalakarin natin,” sigaw ni Intan kay Putli’, na naghihintay sa labas ng kanilang bahay.

Maaga pa lamang, pangkaraniwan nang ginagawa nina Putli’ at Intan ang maglakad mula sa kanilang tahanan patungo sa eskwelahan. Habang magkahawak-kamay, marahan silang kumakanta at minsa’y nagtatawanan sa kanilang mga kuwento. Magkaklase ang dalawa sa parehong paaralan na pinapasukan sa kanilang bayan.

Habang naglalakad ang dalawa, sinabi ni Intan kay Putli’, “Putli’, doon na tayo dumaan sa harap ng bahay ni Babu’ Mussa’. Nais ko lamang mamitas ng dahon ng sulasi na tanim ni Babu’. Gumaganda kasi ang aking pakiramdam kapag naaamoy ko ang taglay nitong halimuyak—nakagiginhawa ng pakiramdam.”

Si Putli’ ay lumaki sa pag-aaruga ng kanyang Babu’ Agi’, na pinsang-buo ng kanyang Ina’, sapagkat maliit pa lamang siya nang maging isang ulilang-lubos. Wala ring kapatid ang kanyang Ina’ at Ama’. Habang nasa sinapupunan pa si Putli’ ay namatay na ang kanyang Ama’, na isang mangingisda.

Isang gabi, habang pumapalaot ang kanyang Ama’, naabutan ito ng napakalakas na bagyo, dahilan upang lumubog ang sinasakyan nitong maliit na bangka. Samantala, ang Ina’ naman ni Putli’ ay namatay nang maubusan ito ng dugo sa panganganak sa kanya.

Walang kapatid si Putli’. Lumaki siya kasama ang kanyang mga pinsan at mga kaibigang kapitbahay. Sa mga pinsan ni Putli’, si Intan ang naging pinakamalapit sa kanya. Dingding na gawa lamang sa tinadtad na kawayan ang naghihiwalay sa kanilang mga bahay na malapit sa dalampasigan.

Maayos ang pagpapalaki kay Putli’ ng kanyang Babu’ Agi’, isang tanyag na komadrona sa kanilang bayan. Minahal siya at itinuring na parang isang tunay na anak ng kanyang Babu’, na hindi na rin kailanman naisipang magkaroon pa ng sariling pamilya.

Si Intan ay pangatlong pinsan ni Putli’ dahil ang kanilang mga Ama’ ay pinsang makalawa. Kagaya ni Putli’, ulila na rin sa Ama’ si Intan. Magkasabay sa pangingisda ang kanilang mga Ama’ nang mangyari ang isang malagim na yugto ng kanilang buhay. Magkasabay na nalunod ang Ama’ ni Putli’ at ang Ama’ ni Intan dahil sa parehong pangyayari. Tatlong araw ang lumipas bago natagpuan ang palutang-lutang na mga bangkay ng kanilang mga Ama’—hindi agad natagpuan ang mga ito dahil sa napakalakas na alon at hangin noong mga panahong iyon.

Sina Putli’ at Intan ay parehong ipinanganak nang hindi nila nasilayan ang kanilang mga Ama’. Kagaya ng kanilang mga Ama’ na nagmamahalang magpinsan, lumaki sina Putli’ at Intan hindi lamang bilang matalik na magpinsan at magkaibigan; para na rin silang tunay na magkapatid. Simula noong sila’y mga batang musmos pa lamang, silang dalawa na halos ang palaging magkasama—sa paglalaro, pagkuha ng tubig sa balon, o pagligo sa dalampasigan.

Sa hirap at ginhawa ng bawat yugto ng kanilang buhay, nagdadamayan na sila.

Pagkaraan ng maraming alon na humampas at lumipas sa baybayin ng kanilang buhay, kapwa nagkaroon ng kani-kaniyang pamilya sina Putli’ at Intan. Magpipinsan ang kanilang mga napangasawa, at bawat isa sa kanila ay nabiyayaan ng mga supling. Gayunman, bagaman hindi na sila araw-araw na nagkakasama tulad noong sila’y mga dalaga pa lamang, nanatiling matatag ang kanilang pagkakaibigan at samahan. Madalas pa rin silang nagkikita, lalo na kapag nagkakasabay sa pagpunta sa palengke o tuwing may mahahalagang okasyon sa kanilang mga pamilya, sapagkat naninirahan pa rin sila sa iisang bayan.

Nang pumanaw ang Babu’ Agi’ ni Putli’ dahil sa bangungot, siya na ang pumalit sa mahalagang katungkulan ng kanyang Babu’ Agi’ bilang komadrona sa kanilang bayan. Si Putli’ kasi ang madalas na isinasama noon ng kanyang Babu’ sa tuwing kinukuha ito ng mga tao sa kanilang bayan upang magpaanak ng mga buntis o magsagawa ng mga ritwal na Islamiko para sa isang babaeng Muslima na yumao—tulad ng maingat at dalisay na paglilinis at pagpapaligo sa katawan nito, pagpapatuyo at paghahanda sa katawan, at pagbabalot sa yumao sa puting telang panlibing. Lubos na nahubog si Putli’ sa gawaing minana niya mula sa kanyang namayapang Babu’ Agi’.

Ang pagsasagawa naman ng Ṣalātul Janāzah, o dasal para sa yumao—panalangin para sa kapatawaran at habag ng Allâh sa namatay—gayundin ang paghatid sa katawan ng yumao sa kanyang huling hantungan at ang paglilibing dito, ay kadalasang ginagawa ng mga lalaking kaanak ng namatayan.

Walang pinipiling oras o panahon ang tungkulin ni Putli’. Kahit hatinggabi, malakas ang ulan, o natutulog pa siya, pinupuntahan siya sa kanyang munting tahanan ng mga taong nangangailangan ng kanyang serbisyo. Taos-pusong ginagampanan ni Putli’ ang tungkuling ipinamana sa kanya ng isang taong lubos na nagmahal at itinuring siyang parang tunay na anak—ang kanyang Babu’ Agi’.

Nasaksihan ni Putli’ kung gaano kamahal ng kanyang Babu’ ang pagiging komadrona sa kanilang bayan. Hindi na mabilang ang mga buntis na babae at bagong silang na sanggol na dumaan sa mga kamay ng kanyang Babu’ Agi’. Gayundin, bata man o matanda, maraming babaeng Muslima na pumanaw ang inihanda ng kanyang Babu’ ayon sa kanilang ritwal bago ihatid sa huling hantungan. Maraming pagkakataon na pagkatapos magpaanak ng isang buntis ang kanyang Babu’, tutungo naman ito agad sa bahay ng namatayan upang isagawa ang ritwal para sa isang babaeng Muslima na namayapa.

Katulad ng kanyang Babu’ Agi’, naging tanyag na komadrona rin si Putli’ sa kanilang bayan. Dahil sa taglay niyang husay sa pagpapaanak, may mga pagkakataong kinukuha na rin siya ng mga tao mula sa mga karatig-bayan upang humawak ng panganganak.

Bukod sa pagpapaanak at pagsasagawa ng mga ritwal na Islamiko para sa mga babaeng Muslim na yumao, kilala rin si Putli’ sa kanyang kakayahan sa paghihilot. Pinaniniwalaan din ng marami na mayroon siyang angking galing sa paggagamot sa mga taong sinasabing nasapian ng masasamang espiritu o jinn. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga talata mula sa Banal na Qur’ān sa tubig na ipinaiinom o ipinanliligo sa mga maysakit at nasapian bilang bahagi ng kanilang pagpapagaling.

Sa mga malalayong lugar na pinupuntahan ni Putli’, katuwang at kanang-kamay niya ang kanyang pinsan at matalik na kaibigang si Intan sa pagsasagawa ng mga ritwal para sa mga babaeng Muslim na yumao. Si Intan ang karaniwang naghahanda ng mga kagamitang kinakailangan sa pagpapaligo sa yumao. Tinutulungan din niya si Putli’ sa paggugupit at paghahanda ng puting telang gagamitin sa pagbabalot sa katawan ng namatay matapos itong mapaliguan at mapatuyo.

Silang dalawa rin ang nagsasagawa ng maingat at dalisay na pagpapaligo sa katawan ng babaeng yumao. Dahil sa kanilang madalas na pagsasama, naging saksi si Intan sa husay at pag-iingat ni Putli’ sa kanyang gawain, lalo na sa pagpapaligo at pagbabalot sa mga babaeng namatay alinsunod sa mga alituntunin ng Islam. Dahil dito, lubos ang paghanga at pagtitiwala ni Intan sa kakayahan ng kanyang pinsan, na nagmana ng kaalaman at kasanayan mula sa kanilang minamahal na Babu’ Agi’.

Isang araw, habang naglalakad pauwi galing sa bahay ng namatayan sina Putli’ at Intan, bigla nilang napag-usapan kung paano kaya kung sila naman ang mamatay—sino ang magsasagawa ng ritwal na Islamiko ng pagpapaligo at pagbabalot sa kanilang sagradong katawan bago sila mailibing?

Sabi ni Intan kay Putli’, “Hubugin mo pa ako sa trabahong ito para, kung sakaling ikaw ang mauna sa akin, ako ang magsasagawa ng mga bagay na iyan sa iyo.”

Napatingin si Putli’ sa kanyang matalik na kaibigan at niyakap niya ito nang mahigpit.

“Maraming salamat, Intan. Masaya akong marinig mula sa iyo na kahit sa huling sandali ko rito sa mundo ay nariyan ka pa rin para sa akin.”

Ngunit sabi naman ni Intan kay Putli’, “Putli’, ipangako mo sa akin na kung sakali namang ako ang mauna sa iyo at mabalitaan mo ang aking pagpanaw sa mundong ito, kaagad kang umuwi kahit saan ka man at puntahan mo ako sa silid kung saan ako nakaratay. Ikaw lamang ang pinahihintulutan kong magsagawa ng pagpapaligo at pagbabalot sa aking malamig na katawan, Putli’.”

Sagot ni Putli’ kay Intan, “Kung ipahihintulot ni Allâh, pangako ko iyan, Intan.”

Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawang magkaibigan hanggang sa hindi nila namalayang malapit na pala sila sa kani-kanilang mga tahanan.

Sa paglipas ng panahon, lalo pang tumibay ang pagkakaibigan nina Putli’ at Intan. Nagkaroon na rin ng kani-kanilang pamilya ang kanilang mga anak, at sila’y nagkaroon na rin ng mga apo. Apat ang anak ni Putli’, samantalang tatlo naman ang mga anak ni Intan.

Ang isa sa mga babaeng anak ni Putli’ ay nakatira na sa Bongao, Tawi-Tawi, dahil doon nagtatrabaho ang kanyang asawa bilang tagapangasiwa ng isang koprahan. Matagal nang napalayo si Putli’ sa kanyang anak na si Hanina, kaya minsan ay naikukuwento niya kay Intan kung gaano niya ito labis na nami-miss.

Tanging sa sulat na lamang siya nakababalita tungkol sa kalagayan ng kanyang anak at ng asawa nito. Limang taon nang kasal sina Hanina at ang kanyang asawa ngunit hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Sinabi ni Putli’ kay Intan na habang malakas pa siya ay nais niyang bisitahin sa Bongao ang kanyang anak at isasama niya si Intan upang makapamasyal na rin sila roon. Lubos naman ang pagkagalak ni Intan sa posibilidad na makapunta sa Bongao.

Isang araw, habang abalang nagluluto ng tanghalian sa kusina si Putli’, tinawag siya ng isa niyang apo dahil may bisita raw sila sa labas. Isang kamag-anak na kararating lamang mula sa Bongao ang nagtungo sa kanilang bahay upang ipaabot ang liham ni Hanina para sa kanyang Ina’ Putli’. Pagkaabot ng lalaki ng sulat kay Putli’, agad din itong nagpaalam dahil nagmamadali at mayroon pang mahalagang pupuntahan.

Agad na binuksan ni Putli’ nang may kagalakan ang sulat mula kay Hanina. Pagkabasa niya rito, bigla siyang napasigaw:

“Allâhu Akbar! Alhamdu Lillâh!”

Mangiyak-ngiyak siya sa tuwa. Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay nina Hanina at ng kanyang asawa, sa wakas ay ipinagkaloob na rin sa kanila ng Dakilang Tagapaglikha ang magkaroon ng anak. Nais ni Hanina na sa pagsilang niya sa susunod na buwan ay naroon ang kanyang mahal na Ina’ Putli’.

Batid ni Putli’ na kailangan talaga niyang tumulak mula Jolo patungong Bongao upang suportahan ang kanyang anak sa pagsilang sa biyayang sanggol.

“Ako ang magiging komadrona mo, anak,” sabi ni Putli’ sa sarili.

Kinabukasan, parang isang matingkad na bahaghari sa tindi ng kanyang kasiyahan, nagtungo si Putli’ sa bahay ni Intan upang ibalita ang masayang balitang natanggap niya mula kay Hanina.

“Intan, maghanda ka na at matutuloy na ang ating pagpunta sa Bongao. Dapat naroon tayo sa araw ng panganganak ni Hanina. Samahan mo ako, ha,” masayang paanyaya ni Putli’ kay Intan.

Masayang-masaya si Intan dahil sa wakas ay magkakaanak na si Hanina. Makapapasyal na rin siya sa Bongao at makikita niyang muli ang pinakamamahal niyang pamangkin na si Hanina, na minsan din niyang inalagaan at tinulungang palakihin. Ubod ng galak sina Putli’ at Intan sa kanilang nalalapit na pagpunta sa Bongao.

Ngunit dalawang linggo bago ang kanilang pag-alis patungong Bongao ay biglang nagkasakit si Intan. Biglang nanamlay ang kanyang katawan at labas-masok din siya sa ospital. Labis itong ikinalungkot ng mga anak ni Intan at ng kanyang matalik na kaibigang si Putli’, lalo na at malapit na silang tumulak patungong Bongao.

Hindi maunawaan ni Intan ang kanyang karamdaman, at maging ang mga doktor sa kanilang bayan ay naninibago rin sa kakaibang sakit nito. Nag-aalala si Putli’ sa kalagayan ng kanyang matalik na kaibigan. Halos hindi niya ito kayang iwan, lalo na’t kakaiba ang kanyang sakit. Ngunit kailangan din siya ni Hanina sa Bongao, na inaasahang manganganak sa darating na linggo.

Halos mahati ang isip ni Putli’. Lalo siyang nalungkot sapagkat hindi na matutuloy ang plano nilang dalawa ni Intan na magpunta sa Bongao upang masaksihan ang panganganak ni Hanina.

Labis ang bigat sa damdamin ni Putli’ na iwan ang kanyang pinakamamahal at matalik na kaibigan, lalo na’t mayroon itong malubhang karamdaman. Ngunit hindi rin niya maaaring hindi puntahan si Hanina sa Bongao, lalo na’t ito ang magiging unang pagkakataon na magsisilang ng sanggol ang kanyang anak matapos ang mahabang panahon ng paghihintay.

Nagpaalam si Putli’ kay Intan.

“Akala ko pa naman masasamahan mo ako sa pagpunta sa Bongao, Intan. Akala ko tayong dalawa ang tutungo roon,” sabi ni Putli’.

“Huwag kang mag-alala. Hindi ako magtatagal doon sa Bongao, Intan. Kapag nakapanganak na si Hanina at maayos na siya, uuwi rin ako kaagad. Magpagaling ka, Intan. Kailangan, pagbalik ko rito sa Jolo, malakas na muli ang iyong katawan para matuloy natin ang plano nating magpunta sa Bongao,” dagdag ni Putli’.

“Mag-ingat ka, Putli’. Patawarin mo ako kung hindi kita masamahan sa pagpunta mo sa Bongao, ha. Gustuhin ko mang magkasabay tayo, hindi talaga kaya ng aking katawan. Ikumusta mo ako sa ating anak at ipaabot mo sa kanya ang aking kasiyahan na sa wakas ay magkakaanak na sila. Taimtim kong dasal na sana’y bigyan pa sila ng Allâh ng walang hanggang kaligayahan bilang mag-asawa,” pahayag ni Intan.

“Putli’, huwag mong kalimutan ang pangako mo sa akin, ha,” biro ni Intan habang mahigpit na nakahawak sa kamay ng kaibigan at lumuluha.

“Ano ka ba, Intan! Huwag ka ngang mag-isip ng kung ano-ano. Basta magpagaling ka at magkikita pa tayo pagkabalik ko. Pangako ko sa iyo na hindi ako magtatagal sa Bongao. Magpapasama na lamang ako sa aking apo; sakto namang bakasyon nila ngayon,” sabi ni Putli’.

Niyakap nang mahigpit ni Putli’ si Intan.

“Magpagaling ka, ha.”

Sumagot si Intan, “Marahil ito na ang huling pagkikita natin, Putli’, at marahil ito na rin ang huling mahigpit nating yakap, mahal kong kaibigan. Mag-ingat kayo.”

Nabalot ng kalungkutan ang kanilang paligid habang silang dalawa ay nag-iiyakan, pati na ang mga anak ni Intan. Umalis si Putli’ na kaybigat ng damdamin matapos makita ang kalagayan ng kanyang pinakamamahal na kaibigan. Patuloy ang agos ng mga luha nina Intan at Putli’.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagtungo na sa pantalan ng Jolo sina Putli’ at ang kanyang apo dahil alas-diyes ng umaga ang alis ng barko patungong Bongao. Ngunit hindi didiretso sa Bongao ang barko sapagkat daraan muna ito sa Siasi upang maibaba ang ilang pasahero at maisakay naman ang mga tutungo sa Bongao.

Habang nasa itaas ng barko, hindi maikubli ni Putli’ ang labis na pag-aalala sa kalagayan ni Intan, lalo na’t napagtanto niyang kakaiba ang sakit na sinapit nito. Gayunpaman, taimtim na lamang niyang ipinagdasal na sana’y gumaling ito sa lalong madaling panahon.

Sa kabilang banda, labis naman ang kagalakan ni Putli’ na makita muli si Hanina sapagkat matagal na panahon silang hindi nagkikita. Sabik na rin siyang makita ang pinakahihintay niyang apo mula kay Hanina.

Matapos ang halos dalawampung oras na biyahe, sa wakas ay natanaw na ni Putli’ ang Bundok ng Bongao—hudyat na malapit na silang makarating. Matagal din ang biyahe dahil huminto pa nang ilang oras ang barko sa Siasi bago tumulak patungong Bongao.

Maaliwalas ang panahon. Malamig ang simoy ng hangin at hindi gaanong mainit. Hindi pa man nakahihinto sa daungang-dagat ng Bongao ang barko ay natatanaw na ang mga taong naghihintay upang sumundo sa mga pasahero.

Medyo nanibago si Putli’ dahil matagal-tagal na rin mula nang huli siyang makapunta sa Bongao. Nang papalapit na ang barko, naririnig na ang sigawan ng mga porter na handang sumakay upang magbuhat ng mga bagahe ng mga pasahero.

Hindi pa rin nakikita ni Putli’ ang kanyang manugang na siyang inaasahan niyang susundo sa kanila.

“Alam kaya nila na ngayong araw ang dating namin?” tanong ni Putli’ sa sarili. “Pero kung wala man kaming sundo, ayos lang naman. Medyo natatandaan ko pa rin ang daan papunta sa bahay ng aking anak. Sasakay na lang kami ng tricycle sa labasan at magtatanong-tanong.”

Habang pababa na ng barko sina Putli’ at ang kanyang apo, bigla niyang naalala si Intan.

“Kumusta na kaya si Intan? Sana’y gumaling na siya para sa pagbabalik ko rito ay makasama ko na siya. Wala sanang masamang nangyari sa kanya. Kung hindi lamang sana siya nagkasakit, sana magkasama kami ngayon dito sa Bongao,” pag-aalala ni Putli’.

Wala ngang sumundo sa pantalan kina Putli’ at sa kanyang apo dahil hindi naman alam ni Hanina na darating ang kanyang Ina’ Putli’ sa araw na iyon. Sumakay na lamang sila ng tricycle patungo sa bahay ng kanyang anak.

Habang sakay sila ng tricycle, namamanghang nakatitig sa Bundok ng Bongao ang apo ni Putli’.

“Ina’ māas, ang ganda pala ng Bongao. Parang may kakaiba rito—unang kita ko pa lamang ay magaan na sa loob ko ang lugar na ito,” sabi ng apo ni Putli’.

“Oo, maganda talaga ang Bongao. Noong unang panahon, bahagi pa ito ng pamahalaan ng Sultanato ng Sulu. Malawak ang sakop ng pamahalaan ng ating mga ninuno,” sagot ni Putli’ sa kanyang mausisang apo.

“Talaga po, Ina’ māas? Wow! Eh, bakit po ngayon ay hindi na?”

“Hay, sa susunod na kita kukuwentuhan, aking apo. Huwag muna ngayon. Medyo pagod pa tayo sa biyahe. Pakiramdam ko nasa ibabaw pa ako ng barko at nahihilo,” pabirong sagot ni Putli’.

Pagkaraan ng ilang minuto ay dumating na sina Putli’ at ang kanyang apo sa bahay ni Hanina. Pagkababa ng tricycle, natanaw agad ni Putli’ ang kanyang anak na babae na nakaupo sa lilim ng isang puno.

“Assalāmu ‘Alaykum, anak!” pasigaw na pagbati ni Putli’.

Nang makita siya ng kanyang Ina’, tumayo ito at napasigaw sa tuwa.

“Ina’! Ina’! Wa ‘Alaykumus-Salām! Salamat sa Allâh at nakarating ka, Ina’!” sigaw ni Hanina.

Paika-ika siyang lumakad habang nakahawak sa kanyang balakang, waring pinapasan ang bigat ng kanyang sinapupunan. Nang makalapit sa kanyang Ina’ Putli’, agad niya itong niyakap nang mahigpit na mahigpit.

Umiiyak sa tuwa si Hanina dahil sa wakas ay nagkita silang muli ng kanyang pinakamamahal na Ina’ matapos ang ilang taong pagkakahiwalay. Umiiyak din sa kagalakan si Putli’ habang hinahaplos ang tiyan ng anak. Sila’y nagyakapan at nag-iyakan na para bang wala nang bukas.

“Kaninong anak ang kasama mo, Ina’?” tanong ni Hanina.

“Anak iyan ng kapatid mong si Khalil,” sagot ni Putli’.

“Ang guwapo naman at manang-mana kay Kaka’ Khalil. Malaki ka na at ang guwapo mo, Utu’,” sabi ni Hanina sabay yakap sa kanyang pamangkin.

Pinapasok ni Hanina sa loob ng bahay ang kanyang napapagod na Ina’ at pamangkin.

“Pumasok na kayo, Ina’. Wala pa ang manugang mo; nasa trabaho pa siya. Mamayang hapon pa iyon makauuwi. Sakto, nakapagluto na ako. Ipaghahain ko muna kayo para makakain na tayo. Sigurado akong gutom na gutom na kayo, Ina’. Kung nalaman ko lamang sana na darating kayo ngayong araw ay sinundo ko na kayo sa pantalan,” wika ni Hanina.

Habang nasa hapag at kumakain sina Putli’, Hanina, at ang pamangkin nito, naikuwento ni Putli’ sa kanyang anak na sasama sana ang kanyang Babu’ Intan ngunit nagkasakit ito kaya hindi na nakasama.

Nagulat si Hanina nang malaman mula sa kanyang Ina’ na may malubhang karamdaman ang kanyang Babu’ Intan.

“Ina’, huwag ka sanang magugulat, ha. Noong nakaraang gabi, napanaginipan ko na pumanaw na si Babu’ Intan. Nag-alala nga ako,” kuwento ni Hanina.

Habang kumakain ay bigla na lamang pumatak ang luha ni Putli’ dahil sa ikinuwento ng kanyang anak.

“Palagi natin siyang ipagdasal na sana’y humaba pa ang kanyang buhay. Alam mo ba, nang malaman niyang magkakaanak ka na, labis ang kanyang tuwa para sa iyo, anak. Alam mo naman, ang Babu’ Intan mo ay parang pangalawang Ina’ mo na rin,” wika ni Putli’.

Hinawakan ni Hanina ang braso ng kanyang Ina’.

“In shā’ Allâh, Ina’. Pagagalingin siya ng Allâh. Huwag na po kayong mag-alala. Kumain kayo ni Utu’. Alam kong gutom na gutom kayo. Kung nalaman ko lamang sana talaga na darating kayo, nautusan ko ang manugang mo na bumili ng maayos na isda at gulay at naipagluto ko sana kayo ng masarap na ulam, Ina’,” saad ni Hanina.

“Ano ka ba naman? Para naman akong ibang tao sa iyo. Alam mo naman ako, kahit simpleng ulam ay ayos na sa akin. Kahit nga asin lamang ang ulam, masaya na ako—ang mahalaga ngayon ay nagkita tayong muli, anak. Sapat na iyon sa akin,” sagot ni Putli’.

Pagkaraan ng ilang araw ay nagsimula nang sumakit-sakit ang sinapupunan ni Hanina. Kinakabahan siya at natatakot. Mabuti na lamang at naroon ang kanyang komadronang Ina’ Putli’ upang palakasin ang kanyang loob. Tarantang-taranta naman ang asawa ni Hanina na tila ba siya ang manganganak—namumutla at pawis na pawis.

Ayaw ni Hanina na magpadala sa ospital upang doon manganak. Sapat na raw sa kanya na ang kanyang Ina’ ang maging komadrona niya.

Kasabay ng pagtawag sa pagdarasal para sa bukang-liwayway mula sa Masjid na malapit sa kanilang bahay, sa araw ng Biyernes, isinilang ni Hanina ang pinapangarap nilang anak ng kanyang asawa.

Tanging mga kamay ng kanyang mahal na Ina’ Putli’ ang umalalay sa kanyang panganganak. Naging magaan ang pagsilang ni Hanina at nagsilang siya ng isang malusog na sanggol na lalaki. Pinangalanan nila itong Mohammad. Taglay nito ang matangos na ilong at makakapal na kilay na lalo pang nagbigay-giliw sa kanyang anyo. Isa itong napakagandang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Allâh.

Labis ang saya nina Hanina at ng kanyang asawa, sapagkat ang mismong Ina’ Putli’ ang nagsilbing komadrona sa pagsilang ng kanilang panganay na anak.

Samantala, halos isang buwan na ring nasa Bongao si Putli’. Hindi pa niya maiwan ang kanyang anak, lalo na’t bagong panganak pa lamang ito. Gayunman, walang araw na hindi sumasagi sa kanyang isipan ang kanyang matalik na kaibigang si Intan.

Isang gabi, habang malakas ang pagbuhos ng ulan at humahampas ang hangin sa kanilang bahay, bigla na lamang nagising si Putli’. Tila narinig niya ang tinig ni Intan na tumatawag sa kanyang pangalan. Labis siyang nabalisa at nag-alala, sapagkat matagal na rin siyang walang natatanggap na balita tungkol sa kalagayan ng kanyang kaibigang may karamdaman.

Buong magdamag ay hindi na nakatulog si Putli’. Paulit-ulit niyang naririnig sa kanyang isipan ang tinig ni Intan—malungkot, mahina, at wari’y may nais ipabatid. Pakiramdam niya’y may mahalagang bagay na gustong sabihin ng kanyang kaibigan, bagay na hindi maipaliwanag ng kanyang isip ngunit mabigat na dinadala ng kanyang puso.

Makalipas ang ilang araw, nagpaalam na si Putli’ sa kanyang anak na si Hanina at sa kanyang manugang na babalik na sila sa Jolo. Tutal, maayos na rin naman ang kalagayan ni Hanina, at masigla at malusog din ang kanilang bagong silang na anak. Pinayagan din ang asawa ni Hanina na magbakasyon nang tatlong buwan upang may makasama si Hanina sa pag-aalaga sa kanilang sanggol.

Nakadalo pa si Putli’ sa ginanap na aqeeqa ng kanyang apong si Mohammad. Sa araw ng aqeeqa, may dumalong isang kamag-anak na kararating lamang mula sa Jolo. Habang sila’y nag-uusap, naikuwento nito kay Putli’ ang kalagayan ni Intan. Ayon dito, malubha na raw ang karamdaman ng kanyang matalik na kaibigan. Halos nababalot na umano ng mga pasa ang buong katawan nito at hirap na hirap na itong kumilos.

Labis na ikinalungkot ni Putli’ ang balitang kanyang narinig. Lalong bumigat ang kanyang dibdib nang maalala niya ang tinig ni Intan na wari’y tumatawag sa kanya noong gabing hindi siya makatulog. Hindi niya maiwasang mag-alala at magdasal na nawa’y pagkalooban pa ng Allâh ng kaginhawahan at lakas ang kanyang matalik na kaibigan.

Binilhan na ng asawa ni Hanina ng tiket sa barko ang kanyang biyenan at ang pamangkin ni Hanina para makabalik na sila sa bayan ng Jolo.

“Babalik na lamang ako rito kapag gumaling na ang iyong Babu’ Intan. Sasama iyon dito. Sabik din kayong makita, lalo na ngayong mayroon na siyang apo sa dating paslit lamang na inaalagaan niya,” sabi ni Putli’.

Malungkot man si Hanina dahil babalik na muli sa Jolo ang kanyang mahal na Ina’ at saglit lamang niya itong nakasama, nauunawaan niya naman ang sitwasyon nito. Malaki rin kasi ang papel na ginagampanan ng kanyang Ina’ sa kanilang bayan bilang komadrona. Kaya nagpapasalamat sina Hanina at ang kanyang asawa na nabigyan pa rin sila ng panahon ng kanilang Ina’ upang mapuntahan sa Bongao kahit punung-puno ito ng gawain.

Sa araw ng pag-alis ng barko patungong Jolo mula Bongao, inihatid ng mag-asawa, kasama ang sanggol na si Mohammad, sa pantalan sina Putli’ at ang kanyang apo.

Kagaya ng pagdating ni Putli’, naging mas emosyonal ang pagpapaalam ng mag-Ina’.

“Mag-ingat kayo palagi rito sa Bongao, anak. Huwag mong pabayaan ang sarili mo at ang aking apo na si Mohammad. Ikaw rin, Mansur, huwag mong pabayaan ang mag-Ina’ mo. Magmahalan kayo sa hirap at ginhawa, mga anak. Sumulat kayo palagi sa akin,” pamamaalam ni Putli’ habang hinahalikan ang kanyang apo.

Sa itaas ng barko, halos mabiyak ang damdamin ni Putli’. Nag-aalala siya para sa kanyang anak na kapapanganak pa lamang at lalo na sa kalagayan ng kanyang matalik na kaibigang si Intan. Sa mga sandaling iyon, tanging taimtim na pananalangin sa Allâh ang kanyang naging sandigan.

Habang unti-unting lumiliit sa kanyang paningin ang mga ilaw ng Bongao dahil sa papalayong paglalayag ng barko, hindi mapigilan ni Putli’ na balikan sa kanyang isipan ang gabing tila narinig niya ang malumanay na tinig ni Intan na tumatawag sa kanyang pangalan. Hanggang ngayon ay hindi niya maunawaan kung bakit nangyari iyon, ngunit lalo lamang nitong pinabigat ang kanyang pag-aalala.

Gayunman, pinilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili. Niyaya na niya ang kanyang apo na maghapunan upang makapagpahinga na rin sila. Bahagya ring maalon ang dagat nang gabing iyon, at dama sa bawat pag-ugoy ng barko ang lakas ng mga alon na kanilang tinatahak.

“Bonamin..! Gagati’..! Junay..! Iyaman Iklug..! Mineral..! Biy na kaw, Babu’ Hja..! Mapasu’ pa in Junay iban Iyaman Iklug ta ini..!”

(“Bonamin..! Gagati’..! Junay..! Iyaman Iklug..! Mineral..! Bumili na po kayo, Babu’ Hja. Mainit-init pa po ang aming Junay at Iyaman Iklug!”)

Umalingawngaw sa itaas ng barkong nakadaong sa pantalan ng Siasi ang magkakasabay na sigaw ng mga nagtitinda habang naglilibot sila sa pagitan ng mga pasahero, tangay ang kani-kanilang paninda.

Katulad ng dati, dumaan muna sa Siasi ang barko mula Bongao bago ito tumulak patungong Jolo. Pagdating nila sa Siasi, matagal na naantala ang kanilang paglalakbay sapagkat kinailangang kumpunihin ang nasirang makina ng barko at tiyaking ligtas itong makapaglalayag muli.

Inip na inip na si Putli’ na makarating sa Jolo, ngunit wala siyang magawa kundi hintayin ang muling pag-alis ng barko. Habang tumatagal ang kanilang pamamalagi sa Siasi, lalo namang tumitindi ang kanyang pag-aalala para kay Intan. Tanging panalangin na lamang ang kanyang naging sandigan sa mga sandaling iyon.

Halos dalawang araw ang itinagal ng kanilang paglalakbay mula Bongao patungong Jolo. Habang nasa Siasi pa sila, bigla na lamang umugong sa himpapawid ang isang napakalakas na kulog.

Labis na nagulat si Putli’. Agad niyang itinaas ang kanyang paningin sa langit, ngunit wala naman siyang nakitang maitim na ulap. Hindi rin umuulan. Sa halip, tirik na tirik ang araw at maliwanag ang buong paligid.

Nanlaki ang kanyang mga mata.

Isang malamig na pangamba ang dumaloy sa kanyang katawan.

Hindi niya namalayang nabigkas niya ang pangalan ng kanyang kaibigan.

“Si Intan…”

Samantala, sa wakas ay nilisan na rin ng barko ang daungan ng Siasi at naglayag patungong bayan ng Jolo. Habang binabagtas nito ang dagat, hindi na namalayan ni Putli’ na siya’y nakatulog. Marahil ay dahil sa malamig at nakapapawing ihip ng hangin na pumapasok mula sa malaking bintanang malapit sa kanilang kinaroroonan.

Pagkalipas ng ilang oras, isa-isang nagsigisingan ang mga pasahero sapagkat wala nang isang oras at darating na sila sa pantalan ng Jolo. Unti-unti ring nabuhay ang sigla sa loob ng barko habang ang mga pasahero ay abala sa kani-kanilang paghahanda—may mga nagkakape, may nag-aayos ng kanilang mga pinaghigaan, at may mga nag-iimpake ng kanilang mga gamit.

Karaniwan, kapag malapit na sa Jolo, tanaw na tanaw na ni Putli’ ang Bundok ng Tumantangis—isang palatandaang malapit na silang makarating sa kanilang patutunguhan. Ngunit sa pagkakataong iyon, halos hindi niya matanaw ang bundok sapagkat natatakpan ito ng makakapal na ulap.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit, ngunit tila may mabigat na damdaming sumagi sa kanyang puso, na para bang may malungkot na balitang naghihintay sa kanyang pagdating.

Bagaman masaya si Putli’ na malapit na silang dumaong sa pantalan ng Jolo, nananatiling nababalot ng lungkot ang kanyang damdamin. Nami-miss na niya ang kanyang anak at ang kanyang apong si Mohammad. Higit sa lahat, hindi mawala sa kanyang isip ang kalagayan ng kanyang matalik na kaibigang si Intan, na lalo pang nagdagdag sa bigat na kanyang nadarama.

Pagkababa ni Putli’ mula sa barko sa pantalan ng Jolo ay agad silang sumakay ng taraysikul patungo sa kanilang bahay. Habang sakay ng taraysikul, dama pa rin ni Putli’ ang lungkot na hindi niya maipaliwanag.

“Ano kaya ang nangyari? Bakit ganito na lamang ang lungkot at kaba na aking nararamdaman?” tanong ni Putli’ sa sarili.

Nang dumating sila sa kanilang bahay, nagulat ang kanyang anak na si Khalil at agad nitong hinalikan sa noo ang kanyang Ina’.

“Ina’, dumating ka na pala! Hindi ko man lamang kayo nasundo ng iyong apo.”

Agad namang binuhat ni Khalil papasok sa bahay ang mga bitbit na gamit ng kanyang Ina’ at anak.

“Kumusta naman ang inyong paglalakbay, Ina’? Kumusta si Hanina, si Mansur, at ang kanilang bagong silang na anak? Kayo po, Ina’? Kumusta naman kayo?” tanong ni Khalil.

“Alhamdu Lillâh, anak, maayos naman ako. Medyo pagod lamang sa biyahe. Mabuti rin naman ang kalagayan ng iyong kapatid at ng kanyang pamilya, lalo na ang kanilang bagong silang na sanggol. Ikaw naman, anak, kumusta ka? Ang iyong Babu’ Intan, ano na ang balita sa kanya?” tanong ni Putli’.

Biglang yumuko si Khalil bago nagsalita.

“Huwag po kayong mabibigla sa sasabihin ko, Ina’. Hindi na po ninyo naabutan si Babu’ Intan. Pumanaw na po siya kahapon lamang, Ina’.”

Napatigil si Putli’.

“Anong ibig mong sabihin, Khalil?” nanginginig na tanong niya.

“Wala na po si Babu’ Intan. Kahapon lamang po namin siya inihatid sa kanyang huling hantungan, Ina’,” malungkot na sagot ni Khalil.

Walang ibang naisagot si Putli’ kundi ang pagbigkas ng:

“Innā Lillāhi wa Innā Ilayhi Rāji‘ūn.”

At doon ay tuluyan nang bumigay ang kanyang damdamin. Umiyak siya na wari’y kalangitang bigla na lamang bumuhos sa lakas ng ulan matapos ang mahabang pagpipigil. Agad siyang niyakap ni Khalil.

“Intan… Intan… mahal kong Intan! Hindi mo man lamang ako hinintay. Hindi ko na nagawa ang ipinangako ko sa iyo, Intan. Mahal na mahal kita, Intan…” hagulgol ni Putli’.

Kasabay ng kanyang pag-iyak ay ang pagguho ng napakaraming alaala—mga alaalang nagsimula pa noong sila’y mga musmos, magkasamang lumaki, nagtawanan, nangarap, at humarap sa mga unos ng buhay. Sa pagpanaw ni Intan, tila isang bahagi ng puso ni Putli’ ang tuluyan na ring namayapa.

“Magsabar tayo, Ina’,” marahang sabi ni Khalil. “Hindi na talaga nakayanan ni Babu’ Intan ang kanyang karamdaman. Ikaw nga po ang madalas niyang bukambibig. Palagi ka niyang hinahanap at tinatawag. Pinapasabi rin niya sa iyo na mahal na mahal ka niya, Ina’.”

Lalong bumigat ang dibdib ni Putli’ nang marinig ang mga salitang iyon. Sa mga sandaling iyon, kinuha niya ang malaking lalagyan ng sari-saring biskwit na dala pa niya mula Bongao. Ipinasalubong sana niya iyon kay Intan bilang munting alaala ng kanilang pagkakaibigan at muli nilang pagkikita.

Bitbit ang kanyang pasalubong, nagpasama siya kay Khalil upang magtungo sa bahay ni Intan. Mabibigat ang kanyang mga hakbang habang tinatahak nila ang daang patungo roon. Sa bawat hakbang ay lalo niyang nadarama ang sakit ng katotohanang hindi na niya maaabutang buhay ang kanyang pinakamamahal na kaibigan.

Habang papasok pa lamang sila sa daanang patungo sa bahay ni Intan, napansin sila ng mga taong nakatayo sa labasan.

“Dumating ka na pala, Babu’ Putli’,” sabi ng isa sa kanila. “Hindi mo na naabutan si Babu’ Intan.”

Muling napuno ng luha ang mga mata ni Putli’. Wala siyang naisagot. Mahigpit lamang niyang niyakap ang lalagyan ng biskwit na nakalaan sana para kay Intan—isang pasalubong na hindi na nito kailanman matitikman.

Pagdating ni Putli’ sa bahay ni Intan, isang malakas na iyakan ang sumalubong sa kanya mula sa mga anak ng kanyang matalik na kaibigan. Pagkakita pa lamang sa kanya ay agad siyang niyakap ng mga ito.

“Babu’ Putli’, wala na si Ina’ Intan. Wala na ang iyong matalik na kaibigan. Hindi na niya nakayanan ang kanyang karamdaman,” umiiyak na sabi ng isa sa mga anak ni Intan.

Lalo pang humigpit ang yakap nito kay Putli’ habang patuloy na humahagulgol.

“Babu’ Putli’, noong mga huling sandali na siya’y napakahina na, palagi niyang binabanggit ang iyong pangalan. Madalas naming marinig na sinasabi niya, ‘Putli’… Putli’… ang pangako mo sa akin ay hindi mo na maisasakatuparan.’”

Napapikit si Putli’ habang tahimik na umaagos ang kanyang mga luha.

“Kanser sa dugo raw po ang naging sakit ni Ina’ Intan, ayon sa kanyang doktor,” dugtong pa ng anak nito.

Parang gumuho ang daigdig ni Putli’ nang marinig niya ang mga salitang iyon.

“Wala na tayong magagawa, mga anak ko—dumating na ang takdang oras para sa inyong mahal na Ina’. Siya’y bumalik na sa kanyang Dakilang Tagapaglikha. Habang ako’y nabubuhay, ako ang titindig sa inyo bilang ikalawang Ina’ ninyo,” malumanay na sagot ni Putli’.

“Maaari ba ninyo akong samahan na bisitahin ang libingan ng aking mahal na Intan?” pakiusap ni Putli’ sa mga anak ni Intan.

Sa oras na iyon ay nagtungo sila sa lugar kung saan nailibing si Intan. Nang makita ni Putli’ ang puntod ng kanyang pinakamamahal na Intan, patuloy ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga mata. Ipinagdasal niya na ipagkaloob ng Allâh ang kapatawaran at habag sa kanyang mahal na kaibigan.

Ngunit habang naroon sila sa puntod ni Intan, napansin ni Putli’ na may isang kakaibang malaking butas na hugis-bilog sa lupa kung saan inilibing si Intan. Nagtaka si Putli’ dahil alam niyang hindi magandang pangitain iyon. Marahil, kagaya niya, napansin din iyon ng mga anak ni Intan. Naroon din ang sepulturero na tila may gustong sabihin sa mga kamag-anak ni Intan ngunit pinipigilan na lamang ang sarili.

Makalipas ang ilang minuto ay niyaya na niyang umuwi ang mga anak ni Intan dahil tila dumidilim na rin ang langit sa ambon na waring susundan ng malakas na ulan.

Hindi pa man nakararating sa bahay sina Putli’, bumuhos na nga ang malakas na ulan—sinabayan pa ng kulog, kidlat, at malakas na hangin. Basang-basa sina Putli’ at ang kanyang mga kasama pagdating sa bahay.

Masyado nang pagod ang katawan ni Putli’ dahil kararating lamang nila ng kanyang apo mula Bongao. Nagdadalamhati rin siya sa pagpanaw ng kanyang mahal na kaibigang si Intan at sa katotohanang hindi man lamang niya ito naabutan.

Kung hindi lamang sana sila matagal na naantala sa Siasi dahil sa pagkasira ng barko, marahil ay nakarating sila sa Jolo noong nakaraang araw at naroon sana siya sa araw na pumanaw ang kanyang kaibigan. Nagawa sana niya ang pangako kay Intan—na siya ang magsasagawa ng pagpapaligo at pagbabalot sa katawan nito bago ito ilibing.

Halo-halo na ang nararamdaman ni Putli’ sa araw na iyon. Nami-miss na rin niya ang kanyang anak na si Hanina at ang apong si Mohammad sa Bongao.

Pagkarating nila sa bahay ay nagpahinga muna siya bago kumain ng tanghalian, kahit ilang oras na lamang ay hapunan na. Pagkatapos kumain ay nagsagawa siya ng pagdarasal. Plano niyang matulog nang maaga dahil pagod na pagod ang kanyang katawan, damdamin, at isipan.

Inabot na ng takipsilim ang sama ng panahon sa araw na iyon. Patuloy pa rin ang buhos ng malakas na ulan, na tila sumasabay sa pagdadalamhati ni Putli’ sa pagkamatay ni Intan.

Patay rin ang kanilang ilaw mula pa nang tanghali dahil may natumbang poste ng kuryente sa kanilang baryo dahil sa lakas ng hagupit ng hangin. Gayunman, wala pang alas-otso ng gabi ay nakatulog na si Putli’ katabi ang kanyang apo, na napagod na rin dahil sa kanilang biyahe.

Mag-aala-una na ng madaling-araw nang magising si Putli’ upang umihi. Patay pa rin ang kanilang ilaw. Tanging liwanag mula sa lampara ang nagsisilbing tanglaw niya.

Naisipan ni Putli’ na magsagawa ng boluntaryong pagdarasal sa hatinggabi. Nagsagawa siya ng paghuhugas para sa pagdarasal at ginawa ang Ṣalātut-Tahajjud. Taimtim niyang ipinagdasal si Intan.

Pagkatapos niyang magsalah ay naupo siya sa kanilang sala habang inaalala si Intan.

Pagkaraan ng ilang minuto, habang bitbit ang lampara at papasok na sana siyang muli sa kanyang silid upang matulog, bigla siyang nakarinig na tila may kumakatok sa kanilang pinto.

Nagulat siya at nagtaka.

Pinakinggan niya itong mabuti.

Katok ba iyon ng tao o hampas lamang ng pinto dahil sa malakas na hangin?

Tahol nang tahol ang mga aso sa labas ng kanilang bahay.

Kinabahan siya.

“Wala naman sigurong manganganak sa ganitong oras na mangangailangan ng aking serbisyo,” sabi ni Putli’ sa sarili.

Patuloy ang malumanay na pagkatok sa kanilang pinto na tila ba bukod-tanging siya lamang ang nakaririnig nito. Tumindig ang balahibo ni Putli’. Tila may kung anong puwersang nagtutulak sa kanya patungo sa pintuan upang pagbuksan ang kumakatok.

Dumungaw si Putli’ sa kanilang bintana.

Madilim sa labas habang patuloy pa ring umiiyak ang langit, sinasabayan ng malakas na hangin.

Kasabay ng pagkatok sa pintuan ay naamoy niya ang halimuyak ng sulasi.

Pagkatapos ay may narinig siyang tinig mula sa labas.

“Putli’… Putli’… Putli’…”

Nanginig sa takot si Putli’.

“Halimuyak ng sulasi… paborito ito ni Intan.”

“Lā ilāha illa Allâh!”

Nilakasan niya ang kanyang loob at binuksan ang pinto.

Pagkabukas ni Putli’ ng kanilang pinto, itinaas niya ang lampara upang tanglawan ang paligid.

At tumambad sa kanyang paningin si Intan.

Nakabalot ng puting tela ang buong katawan nito maliban sa mukha.

Umiiyak.

Hindi nakapagsalita si Putli’ sa kanyang nakita. Halos himatayin siya sa takot at pagkagulat.

“As-Salāmu ‘Alaykum, mahal kong Putli’,” sabi ni Intan. “Nakikiusap ako sa iyo. Isagawa mo muli sa akin ang tama at dalisay na paraan ng pagpapaligo at pagbabalot. Wala ka nang ako’y pumanaw. Ikaw lamang ang pinahihintulutan kong magsagawa sa akin ng mga bagay na iyan. Nakikiusap ako.”

Umiiyak si Intan habang nagmamakaawa sa kanyang kaibigan.

“Hindi ako matahimik sapagkat ang nagsagawa sa akin ng pagpapaligo ay hindi dalisay kagaya ng pagsasagawa mo. Pakiusap, Putli’. Nangako ka sa akin noong nabubuhay pa ako, hindi ba?”

Natakot si Putli’ sa kanyang nasaksihan. Gusto niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa.

Bigla niyang isinara ang pinto ngunit pinigilan iyon ni Intan.

Nagpupumilit si Intan sa kanyang kahilingan kay Putli’.

Naghahalo ang habag at takot sa dibdib ni Putli’.

“Huwag kang matakot sa akin, Putli’. Oo, patay na ako at buhay ka pa. Hindi ba sanay ka namang humawak ng katawan ng patay? Hindi ba mahal na mahal mo ako?” pagmamakaawa ni Intan.

Wala nang nagawa si Putli’ kundi tuparin ang pakiusap ni Intan, sapagkat iyon ang kahilingan ng kanyang mahal na kaibigan.

Isa nang malamig na bangkay si Intan nang pumunta ito kay Putli’ nang gabing iyon upang hilinging muling paliguan ang kanyang sagradong katawan at balutin itong muli ng puting tela.

“Halika at pumasok ka, Intan. Doon natin gawin ang ritwal sa kusina sapagkat walang tao roon at maraming tubig,” sabi ni Putli’.

Nanginginig si Putli’ at halos hindi niya matingnan ang anyo ng kaibigang si Intan.

Pinahiga ni Putli’ sa malinis na trapal ang malamig na katawan ni Intan. Halos nababalutan na ng putik ang puting telang nakabalot dito.

Sinimulan ni Putli’ na tanggalin ang puting tela upang paliguan ang katawan ni Intan.

Habang pinapaliguan ni Putli’ si Intan, tahimik lamang itong nakahimlay na tila natutulog—wala nang imik o anumang salita. Tila isa lamang itong katawan ng namayapang tao na nagpapalinis at nagpapaligong muli sa mga kamay ng kanyang kaibigan.

Patuloy naman ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Putli’ habang isinasagawa ang ritwal. Takot man siya, hindi niya akalaing maisasakatuparan pa rin niya kay Intan ang pangakong kapag ito ang naunang mamatay, siya ang magsasagawa ng pagpapaligo at pagbabalot dito.

Bago ginawa ni Putli’ ang pinakahuling pagbabanlaw sa katawan ni Intan, niyakap niya ito nang mahigpit na mahigpit.

“Saksi ang Allâh kung gaano kita kamahal, Intan. Kung may magagawa lamang ako upang dugtungan ang iyong buhay, gagawin ko, sapagkat nais pa kitang makasama sa mundong ito. Ngunit wala sa aking mga kamay ang mga bagay na iyan.

“Kahit ako’y nasa Bongao, walang araw na hindi ako nag-aalala sa kalagayan mo. Akala ko maaabutan pa kita nang buhay at mahaba pa ang oras ng ating pagsasama.

“Patawarin mo ako na wala ako rito sa tabi mo sa mga huling sandali ng buhay mo nang kailangan mo ako. Patawarin mo ako na hindi ako ang unang nakagawa sa iyo ng pagpapaligo at pagbabalot sa iyong sagradong katawan nang ikaw ay pumanaw.

“Sana’y ngayon ay matahimik ka na, aking minamahal na kaibigan.”

Humagulgol si Putli’ habang mahigpit na nakayakap kay Intan.

Pagkatapos niya itong banlawan ay maingat niyang pinatuyo ang katawan ni Intan at binalot itong muli sa puting tela.

Pagkatapos ay niyakap niya itong muli nang mahigpit at nanalangin sa Allâh na kahabagan at patawarin si Intan sa kanyang mga pagkukulang.

Inihatid ni Putli’ si Intan sa labas ng kanilang pinto.

Nagpaalam na si Intan sa kanyang pinakamamahal na kaibigan.

“Huwag mong pabayaan ang mga anak ko, Putli’. Ikaw ang magiging ikalawang Ina’ nila ngayong wala na ako. Salamat sa lahat. At lalong salamat dahil isinakatuparan mo pa rin ang iyong pangako sa akin, Putli’.”

Pagkaalis ni Intan, bumalik sa kanyang silid si Putli’.

Kinabukasan, dinalaw ni Putli’ ang puntod ni Intan.

Napansin niya na wala na ang malaking butas na hugis-bilog na nakita niya noong nakaraang araw. Maayos na ngayon ang lupa.

Ngunit may isa pang bagay na agad nakatawag sa kanyang pansin.

Sa gilid ng puntod ni Intan ay may isang magandang halaman na tumubo.

Lumapit si Putli’.

Nakilala niya iyon.

Sulasi.

Ang paboritong dahon ni Intan—ang dahong pinipitas nito noong mga bata pa lamang sila, habang magkasama silang naglalakad patungo sa eskwelahan.