Almayrah A. Tiburon
Bago pa man niya aminin sa pamilya niya, matagal na itong alam ng salamin. Sa tuwing tumitingin si Rima sa repleksyon niya, pakiramdam niya may ibang taong nakatira sa loob ng katawan niya, isang taong hindi niya pwedeng ipakilala kahit kanino.
Bunso si Rima. Lima silang magkakapatid – tatlong babae at dalawang lalaki. Malalaki na silang lahat – ang ilan ay nasa kolehiyo na, samantalang siya ang huling nasa Senior High School.
Hindi minsan ay may mga kamag-anak na nagpahiwatig ng hangarin para kina Kayro at Samira. Nang magdalaga si Rima, may isa ring pinsan ni Mamad na pabirong nagsabing maaga pa lamang ay ilaan na siya sa anak nito. Ngunit magalang na tinanggihan nina Mamad at Bolawan ang lahat ng iyon. Para sa kanila, hindi dapat maging hadlang sa pag-aaral ang pag-aasawa. Hangga’t maaari, nais muna nilang makatapos ang bawat anak bago bumuo ng sariling pamilya.
Sa malapad na sala, may mga larawan ng pamilya, habang ang kusina ay laging amoy palapa, isda, at tawanan. Sa gitna ng abalang bahay na ito, nakatitig siya sa salamin, hindi para ayusin ang sarili, kundi tanungin kung sino ang nakatingin pabalik.
Malapad ang hapag, laging may bagong saing na kanin at pindiyalokan a manok na sa amoy pa lamang ay nakagugutom na, sapagkat hindi kailanman nagtitipid si Bolawan sa paglalagay ng palapa. May piniritong isda rin, kung minsan nama’y beef randang, at kung minsan ay payak na ulam lamang. Ngunit anuman ang ihain, palaging may lasa ng tahanan at pinasasarap ng masayang ingay ng kanilang kwentuhan.
“Mag-aral kayong mabuti,” sabi ng kanilang amang si Mamad habang kumakain. Mabigat ang boses, hindi kailangang malakas para sundin.
“Opo, Abe,” sabay-sabay nilang sagot.
Sa tabi niya, ang asawang tahimik lang na nakangiti habang nilalagyan ng ulam ang mga plato ng mga anak. Malambing ang tingin, may lalim ang mga mata, at matalim ang pakiramdam.
Tuwing weekend, kung minsan ay namamasyal sila sa mall. Sa kanilang pag-uwi, may bitbit silang mga supot na may lamang bagong damit, may hawak na tig-iisang milk tea, habang masayang nag-aagawan sina Rima at ang kaniyang mga kuya sa isang lalagyan ng fries. Ngunit sa kabila ng masasayang sandaling iyon, may isang damdaming tahimik na kinikimkim si Rima – isang bagay na hindi niya magawang sabihin sa kaniyang pamilya.
Noong bata pa siya, mahilig siyang maglaro kasama ang mga kuya niya. Baril-barilan, takbuhan, akyat-puno, at larong kalsada. Hindi siya mahilig sa manika, make-up, at sa kulay pink.
“Hayaan mo na,” sabi ni Bolawan noon kay Mamad. “Bata pa.”
Lumaki siya. Hindi nagbago.
Maganda si Rima; maputi, matangos ang ilong, mahaba ang pilikmata, mahaba ang buhok. Pero sa loob niya ay hindi siya iyon.
Hindi niya alam kung kailan nagsimulang maging iba ang nararamdaman niya. Siguro noong mas gusto niyang tumingin sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Pinilit niya itong labanan.
Noong Senior High School, nakilala niya si Asminah; maiksi ang buhok, palaging nakapantalon, at matapang ang tingin. May alam na hindi mo alam, may lakad na walang pakialam sa mundo.
Naging magkaibigan sila. Sabay kumain, umuwi, at tumambay. Hanggang sa hindi na lang kaibigan ang nararamdaman ni Rima. Takot na takot siya sa sarili niya.
Tuwing gabi, nagdarasal siya.
“Ya Allah, alisin Mo po ito sa akin. Ayaw ko pong mapahiya ang pamilya ko. Ayaw ko pong magalit si Abe at ayaw ko pong umiyak si Ome.”
Pero kinabukasan, kapag nakita niya si Asminah, bumabalik ang lahat.
Isang hapon, nasa likod sila ng eskwelahan. Sa may geyt, kung saan may tindahan ng fishball at mga estudyanteng tumatakas sa klase. Inabot niya kay Rima ang vape.
“Subukan mo,” sabi nito.
“Bawal ‘yan,” bulong ni Rima, nanginginig ang boses.
Ngumisi si Asminah. “Lahat naman ng bawal, doon nagsisimula. Alam mo, maraming bawal na ginagawa ng tao.”
Tinanggap niya at sa isang higop ay may ibang mundo na bumukas. Doon nagsimula ang mga bagay na hindi na niya kayang kontrolin. Sa isang maliit na desisyon, may malaking pagbabagong nagsimula.
Hindi iyon ang pinakamasama. Ang pinakamasama ay si Asminah, ang unang taong nagparamdam sa kanya na hindi siya mali.
Isang umaga, habang wala ang lahat, naglilinis si Bolawan ng kwarto ni Rima. Tahimik ang bahay. Lahat nasa paaralan. Pumasok ang liwanag sa bintana, tumama sa kama, sa unan. Pag-angat niya ng unan, may tumamang matigas sa kamay niya. Isang vape. May bumagsak sa loob niya. Umupo siya sa kama. Matagal siyang nakatitig sa hawak niya.
“Ya Allah…” bulong niya. “Ano na ‘to…”
Nang hapong iyon, tahimik ang sala. Walang TV. Walang ingay. Nakaupo ang ina niya, hinintay ang anak.
“Rima,” tawag niya. Lumapit siya.
“Anong ginagawa mo sa buhay mo?” Ipinakita niya ang vape, “ano ito?” tanong ni Bolawan, hawak ang vape.
Natigilan at nanlamig si Rima. Tahimik siya.
“Sumagot ka.”
“Ome…”
“Sumagot ka!” nanginginig ang boses ng ina, hindi sa galit kundi sa takot.
“Hindi po sa akin…”
“Huwag mo akong pagsinungalingan! Alam mo ba kung anong mangyayari kapag nalaman ito ng ama mo?”
“Bumababa na ang grado mo. Nakikita kita sa labas ng geyt. Kahit oras ng klase. At ngayon… ito?”
Hindi na napigilan ni Rima ang sariling umiyak.
“Ome, may sasabihin din ako.”
“Sabihin mo!”
Huminga siya nang malalim.
“Si Asminah po…”
“Sino ‘yong kasama mo sa labas ng geyt habang oras ng klase?”
Napatingin ang anak.
“Nagmanman ako,” sabi ng ina.
Napahawak siya sa sandalan ng upuan. Sa isang iglap, tila lumiit ang buong mundo at wala na siyang matatakbuhan.
“Sino ang babaeng ‘yon?”
Alam niyang wala na siyang matatakbuhan. Sinabi niya sa ina ang salitang magpapabago sa lahat.
“Kasintahan ko po siya.”
Hindi siya makahinga. Nakabukas ang bibig niya pero tila walang lumalabas na boses. Napaupo si Bolawan sa sahig. Hindi siya sumigaw pero nakita ng anak kung paano siya nabasag.
“Hindi…” bulong niya. “Hindi… anak…”
Lumapit si Rima, niyakap siya.
“Ome…” Itinulak siya ng ina.
“Huwag mo akong hawakan!”
Pareho silang umiiyak sa sahig.
Napahinto si Rima. May pumutol sa kanya. Tinusok ang puso.
“Hayaan niyo lang po ako, Ome, baka mawala rin…”
“Hindi nawawala ang ganyan kapag hinayaan. Hindi mo alam ang ginagawa mo, hindi mo alam kung gaano kabigat ang mundo para sa’yo.” umiiyak si Bolawan. “Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa’yo.”
“Ome, ako pa rin ‘to…”
“Hindi!” sigaw niya. “Hindi ka dapat ganyan! Bawal sa kultura natin, bawal sa Islam, at mas lalong bawal sa Abe mo! Hindi na lang ikaw ang iniisip mo. Ang pamilya mo. Ang Abe mo. Ang mga kapatid mo. Ang bangsa natin.”
Sa mga sumunod na araw, si Kayro ang naging sandalan ni Rima, ang ate niya na pinakamalapit sa kanya at ang nakakaalam ng lahat.
“Kaka…” umiiyak siya sa gabi, sa kwarto nilang dalawa. Hinahaplos ni Kayro ang buhok niya.
“Alam mo namang hindi pwede, Rima…”
“Pero hindi ko mapigilan.”
“Hindi lahat ng nararamdaman, sinusunod.”
“E, paano kung ito na talaga akom, Kaka?”
Tahimik si Kayro. Masakit ang tanong. Mas mahirap ang sagot.
Lumipas ang dalawang buwan. Nalaman ng ama ang pagbaba ng mga grado ni Rima.
Isang gabi, pinaupo niya ang buong pamilya sa sala. Tahimik ang lahat.
“Sabihin ninyo sa akin,” basag ang tinig ng ama, “saan ako nagkulang bilang ama?”
Walang sumagot. Umiiyak si Bolawan. Nakayuko si Samira. Mariing nakapikit si Rashid. Nakakuyom ang mga kamao ni Fahad. Si Kayro lamang ang naglakas-loob na magsalita.
“Abe…” nanginginig ang kaniyang tinig. “Hindi po kayo nagkulang.”
“Kung gayon,” halos pabulong ngunit puno ng hinanakit ang tinig ng ama habang nakatitig kay Rima, “bakit ganito ang anak ko?”
Hindi kailanman naging marahas si Mamad sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak. Lalo ngayong malalaki na silang lahat, hindi niya kailanman inisip na darating ang gabing magtataas siya ng kamay sa isa sa kanila. Kahit noong maliliit pa sila, isang tingin lamang o isang mahinahong salita mula sa kaniya ay sapat na upang maituwid ang pagkakamali ng mga ito. Hindi niya ginawang sandata ang kamay. Ngunit sa gabing iyon, tila natalo siya ng bigat ng takot, hiya, at pangambang baka tuluyang mawala sa kaniya ang anak na buong buhay niyang iningatan.
Hindi sumagot si Rima. Hindi siya makatingin sa ama. Biglang umugong ang malakas na sampal sa buong silid. Napahawak siya sa kaniyang pisngi. Unti-unti niyang itinaas ang tingin sa ama. Nanginginig ang kaniyang buong katawan.
“Ano’ng nangyayari sa’yo?” malamig at mabigat ang tinig nito.
Pagkababa ng kaniyang kamay, tila siya rin ang unang nagulat sa sarili. Nanigas siya sa kinatatayuan habang unti-unting bumibigat ang kaniyang paghinga. Ngunit nanaig ang galit sa halip na pagsisisi, at hindi na niya nabawi ang nagawa.
“Abe!” sigaw ni Kayro.
“Tumahimik ka! Kinokonsente mo ang kapatid mo!” galit si Mamad.
Muling itinaas ang kamay pero hinarang ni Bolawan.
“Tama na! Anak mo ‘yan!” Umiiyak siya.
“Hindi ko hahayaang madungisan ang maratabat na buong buhay nating iningatan!” Sigaw ni Mamad. Tahimik ang lahat. Ang salitang maratabat ay tila biglang naging pinakamabigat na bagay sa loob ng bahay.
“Kung ganiyan lang din ang mangyayari, papayag na ako sa alok ng pinsan ko! Ilang ulit na silang nagpahiwatig na mamalae. Tutal, wala rin naman pala siyang balak tuparin ang mga pangarap natin para sa kaniya! O kaya dadalhin ko siya sa torel. Baka doon niya pa maintindihan ang turo ng Islam!”
May nahagip ang kamay ng ama sa mesa. Nahulog ang maliit na salamin. Nabasag iyon sa sahig. Sa bawat piraso, sumasalamin ang maraming Rima: ang mabait, ang masipag, at ang Rima na tinatago sa mundo. Ang mga mata sa salamin, umiiyak para sa kanya, hinihintay siyang pumili: sarili o pamilya. Doon niya naisip na kahit anong pilit niyang buuin ang sarili niya, may bahagi talagang mananatiling basag. Nanlumo siya, nanlambot ang tuhod.
“Abe… huwag po…” halos hindi na lumabas ang boses niya. “Aayusin ko po… pangako…”
Ipinasok ni Bolawan ang anak sa sariling kwarto at iniwan niya ito upang mapagnilay ang mga ginagawa nito sa buhay.
Nanginginig pa ang kamay niya sa sampal ng ama niya. Lumapit siya sa salamin pero hindi niya kinaya ang nakita niya; mamumugto ang mata, namamaga ang labi pero hindi iyon ang masakit. Ang masakit, hindi niya alam kung alin ang mas pipiliin niya; ang sarili niya, o ang pamilya niya. Hinayaan niyang tumulo ang luha niya habang nakatingin sa salamin na may ibang taong umiiyak sa harap niya at hindi niya matulungan.
Lumipas ang panahon. Nagbago siya. Pinutol si Asminah sa buhay niya, tumigil siya sa lahat, at sinipagan ang pag-aaral. Sa kolehiyo, kumuha siya ng Civil Engineering. Lumipas ang isang semestre. Gabi-gabi siyang umuuwi nang huli, at sa bawat pagdating niya, inakala ng pamilya na may ginagawa na naman siyang mali. At sa bawat gabi’y may mata na nakatingin sa kanya, ang ama.
“Bakit ka ginagabi?” galit si Mamad. “Baka kung ano na naman ang ginagawa mo!”
Napaiyak si Rima.
“Abe…” Hindi nakatiis at tuluyang napaluha. Kinuha ang bag at inilabas ang grade card.
“Dean’s Lister po ako…” Gusto sanang isurpresa ang pamilya pero sa ganitong sitwasyon pa niya ito nasabi.
“Officer din po ako sa school. Nabawasan din po ang tuition ko dahil sa matataas kong grado.” Nanginginig ang kamay na inabot sa ama ang grade card. “Ginagawa ko pong maging maayos ang lahat.”
Habang nasa kuwarto si Rima, pumasok ang ina at nadatnan siyang nasa sahig, umiiyak. Umupo siya sa tabi ng anak. Pareho silang nakaupo sa sahig, nakasandal sa kama.
“Ome,” bulong ni Rima, “masama ba ako?”
Matagal sumagot ang ina.
“Hindi ka masama,” sabi niya.
“Pero mali ako?”
Hindi agad sumagot si Bolawan. Hanggang sa nagsimula siyang magsalita, bumabalik sa nakaraan ang boses niya.
“Nagmahal din ako ng babae,” sabi niya, umiiyak. “Bago ang Abe mo.”
Tahimik ang mundo. Matagal bago muling nagsalita si Bolawan.
“Pinilit kong kalimutan iyon. Pinilit kong baguhin ang sarili ko. Ipinakasal ako sa Abe mo. Noong una, hindi ko alam kung paano magiging asawa ng isang taong hindi ko pinili. Natuto akong maging asawa. Natuto akong maging ina. At habang lumilipas ang panahon, natutunan ko ring mahalin ang Abe mo.”
“Masaya ka ba?” tanong ni Rima.
“Noong una, hindi. Pero unti-unti kong naunawaan kung bakit siya ang pinili ng mga magulang ko para sa akin. Ganito ang nakagisnan nating kultura, anak. Kapag ipinagkakatiwala ng mga magulang ang anak sa isang pamilya, ginagawa nila iyon dahil naniniwala silang doon siya magiging ligtas at mamumuhay nang marangal. Hindi naman laging nagsisimula sa pag-ibig ang pag-aasawa. Minsan, dumarating ang pag-ibig habang magkasama ninyong binubuo ang tahanan.”
“Hindi ko lang natutunang mabuhay. Natutunan kong mahalin at igalang ang Abe mo. At natutunan kong maging masaya sa buhay na magkasama naming binuo.”
“Ome…” mahina niyang tawag. Gusto niyang makasiguro kung totoo ang narinig niya, na maaari palang sumibol ang pag-ibig kahit hindi iyon ang unang pinili ng puso.
“Sa paglipas ng panahon, naging tahanan ko rin ang Abe mo. At nang dumating kayong magkakapatid, lalo kong naunawaan na may mga pag-ibig na hindi agad sumisibol. Pero kapag namulaklak, totoo rin. Natuto akong maging masaya dahil sa inyo at dahil sa pamilyang binuo namin ng Abe mo.”
Kinabukasan, sabay-sabay silang kumain na tila walang nangyari. May pagkain sa mesa. May tawanan ang mga kapatid.
Ilang araw matapos ang gabing iyon, umuwi si Rima galing paaralan. Tahimik ang bahay. Bukas ang ilaw sa sala. Naroon ang ama niya, nakaupo at nanonood ng balita. Huhubarin na sana niya ang sapatos niya nang tumayo ang ama niya at may iniabot na maliit na supot.
“Para sa’yo,” sabi niya.
Pagtingin niya, limang pirasong saging at tinapay. Mga pagkaing alam niyang kinakain niya kapag nagpupuyat.
“Salamat po,” mahina niyang sabi.
Tumango lang ang ama niya at muling umupo sa harap ng telebisyon. Wala nang sinabi pero sa unang pagkakataon matapos ang maraming buwan, hindi na siya natakot dumaan sa harap ng ama.
Muling tiningnan ni Rima ang sarili sa salamin. Sa repleksiyon niya, nakita niya ang sarili. Sa likod niya, ang ina niya. Hindi na siya umiiyak. Hindi lahat ng kuwento ay tungkol sa paglaya. May mga kuwentong tungkol sa pananatili. Hindi niya natalo ang mundo. Hindi niya rin natalo ang pamilya. Natuto lamang siyang mabuhay sa gitna nila. Hindi niya alam ang mangyayari bukas, ngunit alam niyang handa na siyang mabuhay kasama ang sarili at ang pamilya.