Alican M. Pandapatan
Siya ang Ilaw at Haligi
Dulot ng walang katiyakan
ng pag-ibig at pananagutan
mag-isa lamang siya-
kumakayod, nag-aalaga
at naghahanapbuhay.
Pinupunan niya ang
kumakalam na sikmura,
pinupunan niya ang nagkulang
atensyon at pagmamahal
ng mga inosenteng batang
iginagapang ng ‘sang magulang.
Solong magulang, di umaayaw.
Tingin ng karamihan mababaw
mga pinagdaraanang hirap,
kutya’t panghahamak.
Siya ri’y nawawasak.
Inaayos ang sariling basag
para sa pagpapanatag
at sariling pagpapatatag
ng kalooba’y di maduwag
at ang pamilya’y di mabuwag.
Siya ang haligi at
siya rin ang ilaw
ng tahanang kanyang
pinatitibay– nagliliwanag
sa madilim na bukas
ng kanyang mga anak.
Karimlan sa liwanag
Siya ang bukal.
Hulmahan ng isipan at diwa,
pandayan ng kasanaya’t asal.
Patuloy na kinakapos
ng mga gahamang said
kaya naman baya’y ‘di makaraos
hindi makausad.
Ika nga, edukasyon ang sagot
Bakit ito’y nilalagot?
Salaping badyet na kakarampot
mismong namamahala ang kumupit.
Liwanag bang maitururing
ang tahanang hasaan ng dunong?
Kung imprastruktura’t pasilidad
ay gawa sa mababang kalidad.
Kung ang mga sandigang aklat
di napapanaho’t salat
paano nito pamumukadkarin
ang tigang na kaisipan?
Lumulubo ang bilang ng mga bata
nag-aabang ng aruga’t kalinga
sa mga pampublikong paaralan
nagbabasakali’t nagsasapalaran
kung bukas ay mababago
ang buhay ay uunlad-lalago.
Kapag ito’y hindi nagbago
ang baya’y mananatiling bigo.
Kinikitil ng dilim ang liwanag
ang balon ng pag-asa
na patuloy na nililigalig
ngunit siya’y kumakasa
Siya ang bukal.
Hulmahan ng isipan at diwa,
pandayan ng kasanaya’t asal.
Ani
Nagbabanat kami ng buto
ng baya’y patuloy nakatayo
signipikanteng bumubuo
manggagawang nakataas-noo.
Maliit man ang kinikita,
minsan ay wala ng nakikita
sa pinaghirapang ginawa
binabaling sa sarili’y awa.
Ah, tagaktak ang aming pawis
sa pagsasaka ng sobra’t labis
matamasa ang ninanais
bunga at ani handog ay tamis.
Kami nama’y pumapalaot
kahit madilim di natatakot
upang makakuha’t maghakot
ng preskong isdang maalat-alat.
Dini, ang buhay sa tubuhan
sentimong pakyaw-bayad sa amin
kulang pa sa’ming kailangan
didildil na lang kami ng asin.
Tinapon namin ang mga gulay
Nakakalungkot ang naging lagay
di pwedeng itambak sa bahay
‘pagkat nabubulok itong bagay.
Bakit laging may kakulangan?
Suliraning walang katapusan.
Lumalala ang kakapusan
sustenabilidad’y kasagutan.
Mayaman ang bansa sa ani
Kulang ng programa siyang sanhi
nitong ekonomiyang sawi
kaya suporta ay minimithi.
Pamahalaan
Palasak ang kaliwa’t kanang balita
Ang gobyerno ngayon anti-maralita
Masang nagdarahop at nababahala
Ang bansa ay hindi na pinagpapala
Habang ang ilan ay nagpapakasasa
Ang karamihan tunay na nagdurusa
Laan kanino ang serbisyo’t sagana?
Ang elitistang mayaman sa pamana?
Ako’t tayong lahat ay isang sistema
Nahahabi isang baya’t magkasama.
Digmaan
Kinirot ang damdaming payak
nadudurog sa nagkalat na larawan
mga batang Palestino
nagmistulang mga surot na tiniris
Oh, Mahabagin! Saan ka na?
inuubos ng galit ang aming pag-asa
maisalbang mga anghel sa lupa,
ito ba ay nakatadhana na?
Idinadaing ang pagtigil
sa karumal-dumal na pagpaslang
kwalateral sa labanan
di masinop, di maarok ng budhi
marahil di tao ang makagagawa.
Kayo! Saan na nga ba ang humanidad?
abang kapwa tao pinapanood
tila isang likhang pelikula
lamang ang tambak na katawang
walang buhay ni hininga.
Hanggang ang ilog patungong dagat
hindi nagaganap, hindi nababatid
kalayaan at kapayapaan ay
malayo at hindi kayang taluntunin
ng tanaw.
Habang umuulan ng bala’t bomba,
ilang anghel pa kaya ang masasawi?