Zarina Tamboboy Sarapuddin
Unang beses kong pupunta sa Baroy sa buong buhay ko. Unang beses ko ring makikita at makikilala ang pamilya ng nanay ko. Maaaring sabihing “business relationship” ang meron kami sa aming pamilya, dahil hindi ba’t isang pormal at inobligang kasunduan ng mga taong napilitang tumira sa iisang bahay ang isang pamilya? Hindi naman ibig-sabihin na palagi kayong magkasama ay magiging malalim na rin ang inyong pagsasama. At iyon ang relasyon ko sa nanay ko: nanay ko siya at anak niya ako. Tapos. Kaya noong inutusan niya akong samahan siyang bumisita sa Baroy noong Nobyembre 2022, nakita ko ito bilang obligadong trabaho ng isang anak na samahan ang kanyang ina sa paglalakbay. Lingid sa aking kaalaman, ipasisilip sa akin ng paglalakbay na ito ang tao sa likod ng maskara ng tinatawag kong nanay.
Paglapag ng eroplano sa Ozamiz Airport, ang natatanging airport sa Misamis Occidental, narinig ko ang malakas na buntong-hininga ng nanay ko.
“After more than 30 years,” ang mahina niyang sambit habang nakatingin sa labas ng bintana.
Pagbaba namin ng eroplano, napansin ko agad ang sariwa at malamig na hangin, na mas sariwa pa sa hanging kinalakihan ko sa Los Baños at ibang-iba sa mabigat at marungis na hangin ng Maynila. Unti-unting umaakyat ang araw sa langit at dahan-dahan nitong kinukulayan ng dilaw at kahel ang paligid. Pinalilibutan ng talahiban at palayan ang paliparan, at ang mga damo ay sumasabay sa malakas na wasiwas ng hangin.
Sinalubong kami ng aking mga tito, tita, pinsan, at pamangkin. Yakap dito, halik sa pisngi roon. Wala akong kilala maliban sa isa o dalawang pinsan. Wala rin akong maintindihan sa kanilang pag-uusap dahil hindi ako naturuang mag Bisaya; nasa isang tabi lamang ako at tahimik na nagmamasid. Akala ko’y may iyakang magaganap at siguro’y may kaunting pagkakailangan, ngunit puro ngiti at tawanan lamang ang sumalubong sa aking nanay, na parang kakikita lamang nila sa isa’t isa kahapon at hindi pinaghiwalay ng matagal na panahon. Ngunit sa likod ng lahat ng kasiyahan, hindi ko maalis sa aking isip na emosyonal din ito para sa aking nanay. Katulad ko, magaling siyang magtago ng kanyang emosyon pero sigurado akong na-miss niya rin ang mga tao rito. Hindi lang pala ako. Unang beses nga rin pala ng nanay kong dadalaw ulit sa Baroy; unang beses nga rin pala niyang makikita ulit ang pamilya niya matapos ang mahigit tatlumpong taon. May kakaibang kirot akong naramdaman sa aking dibdib. Pagod siguro.
Mula sa Ozamiz Airport, sumakay kami ng sasakyang iikot sa Pangguil Bay upang makarating sa Baroy. Dinaanan namin ang Tangub at Bonifacio sa Misamis Occidental, ang Aurora sa Zamboanga del Sur, at pagkatapos ay nakarating na kami sa Lanao del Norte. Dumaan kami sa dalawa pang munisipalidad, Kapatagan at Lala, at sa wakas ay nakarating na kami sa Baroy.
~
Kinabukasan, maaga kaming sinundo nina Tito T at Kuya J upang bumili ng mga sariwang isdang iihawin para sa aming tanghalian. Pumunta kami sa Pangguil Bay kung saan nakahilera sa pampang ang tindahan ng mga isda at iba pang lamang-dagat. Tahimik at kumikinang sa sinag ng araw ang mga alon, maraming mga mangingisdang pabalik sa pampang upang ipamahagi ang kanilang mga huli, at maalat at malagkit ang hangin na humampas sa aking bagot at inaantok pang mukha.
“Malapit ang elementary school ko rito,” sambit ng nanay ko.
“Daan tayo roon. Para makita mo,” ang sabi sa akin ni Tito T.
Maliit lamang ang eskuwelahan. Malapit ito sa munisipyo na may malaking I Heart Baroy sa harapan, at katabi naman ng munisipyo ang isang health center.
“Ayan. Ayan ang Baroy Central Elementary School,” sabi ng nanay ko nang may pagmamalaki. “Tumatakbo kami mula diyan sa geyt hanggang doon sa kalsada! Tapos maghahabulan na kami papunta sa Pangguil.”
Lahat daw silang magkakapatid ay naging estudyante rito. Pagkatapos ng kanilang mga klase ay maglalaro raw sila sa pampang bago umuwi. Minsan naman ay hindi na sila pumapasok para lang maglaro.
“Ikaw rin?” ang tanong ko sa nanay ko.
“Oo naman. Magkakasama kami palagi nina Tita E at Tito T mo.” Nagulat akong may ganitong kakulitan din pala ang nanay ko. Hindi mo nga ako pinapayagang lumabas ng bahay, bantay-sarado, at nagagalit kapag nagpapaalam akong maglaro.
“Di ba ikaw ‘yung madalas pagalitan noon?” ang sabi ni Tita E sa aking nanay. Napaglitan ka rin pala ng mga magulang mo?
“Hindi naman!”
Nagtawanan silang tatlo. Ilang kilometro pa ang layo ay nakarating naman kami sa Lanao del Norte National Comprehensive High School.
“Lahat din kami ay nag hayskul dito. Wala naman kasing ibang eskuwelahan dito maliban sa dalawang ‘to. Pag elementarya, Baroy Central. Pag hayskul, National Comprehensive. Pero siyempre, iba na ngayon. Marami nang iba’t ibang eskuwelahang ipinatayo rito.”
Sa aking kinauupuan sa likod ng traysikel, pinagmasdan ko ang mabilis na paggalaw ng mga tanawin, mula sa mga kabahayan papunta sa mga palayan, hanggang sa kalsada at mga gusali. Nakikita ko ang nanay kong mabilis na gumagalaw sa mga tanawing ito na parang rolyo ng pelikula: ang maliit na batang babaeng nakikipaghabulan sa kanyang mga kapatid, bungisngis, matinis na tumatawa, sunog ang balat kalalaro sa pampang ng Pangguil Bay. Hanggang sa nagdalaga ito, balingkinitan ang katawan, maputi ang kutis, mahaba ang makapal at itim na itim na buhok, palihim na ngingiti sa mga binasted na mga kaklaseng nagtangkang manligaw. Oo nga pala. Dumaan nga rin pala sa pagkabata ang nanay ko. Marunong din pala siyang magsaya at maglaro. Naging teenager din, naging pasaway, nakaranas din siguro ng unang inosenteng pag-ibig. At ngayon, hindi na siguro kasya ang nanay ko sa maliliit na upuang kahoy sa klasrum at hindi na rin siguro magkakasya sa kanya ang kanyang uniporme. Hindi na rin siguro niya naiisip ang pag-ibig.
~
Noong 1980s, dumami ang mga OFWs na nagtatrabaho sa ibang bansa, lalo na sa Saudi Arabia. Naitatag ang Saudi Recruitment Office (RSO) sa Maynila noong 1982, na siyang namahala sa mass recruitment ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa Saudi at sa iba pang mga bansa sa Middle East. Kasama ang mga magulang ko sa mass recruitment na ito.
Priyoridad sa recruitment ang mga Muslim. Kapag Muslim ka ay wala nang eksamen o interbyu; tanggap ka na agad sa trabaho. Kristiyano ang nanay ko ngunit dahil sa matinding pangangailangan ng kanyang pamilya, walang pag-aalangan siyang nagpa-convert sa isang relihiyong hindi naman niya maintindihan upang makapagtrabaho. Sa edad na 23, lumipad ang nanay ko sa Saudi at nagtrabaho bilang midwife sa King Fahad Hospital sa Madinah.
Sa panahon ding iyon, ang tatay kong Tausug na lumaki sa bayan ng Jolo ay nagtatrabaho bilang medical technologist sa Yanbu General Hospital sa Yanbu Al Bahr. Nagkakilala sila ng aking nanay sa beach outing na ipinlano ng isang kaibigan. Nang magpakasal ay lumipat ang nanay ko sa Yanbu upang makasama ang aking tatay.
“Hindi ka nagsisisi?” ang tanong ko sa kanya.
“Hindi naman. Pare-parehas lang naman ang Diyos. At dahil din naman doon kaya ko nakilala ang Daddy mo, at ipinanganak kayo.”
Relihiyoso ang tatay ko at bagaman hindi kami pinipilit na gawin ang lahat ng kautusan sa Islam, strikto niyang ipinatutupad sa bahay ang mga patakaran na sa tingin niya ay importanteng magawa ng isang Muslim: ang hindi pag kain ng baboy, ang pagbabasa ng Qur’an, at ang pagdadasal.
Hindi namin kailangang magdasal ng limang beses sa isang araw ngunit palaging paalala ng aking tatay na paglaanan ng oras ang pagdadasal ng Maghrib (sunset prayer) at Isha (night prayer) tuwing Huwebes, at ang Dhuhur (midday prayer) tuwing Biyernes. Paminsan-minsan niya rin kaming niyayayang samahan siya sa pag-aayuno tuwing buwan ng Ramadhan, at dapat lahat kami ay pupunta sa mosque upang magdasal sa araw ng Eid al-Fitr, ang katapusan ng Ramadhan.
Strikto rin ang aking tatay pagdating sa pananamit. Hindi ko mabilang kung ilang beses nang nagkaroon ng matinding pagtatalo ang aking tatay at ate dahil “Masyadong maiksi ang suot mo. Magpalit ka.” Ang aking nanay ay napupulis din dahil “masyadong masikip” ang kanyang pantalon o “lumuluwa na ang dibdib” sa T-shirt na kanyang suot. Kung ang aking ate ay palaban at pilit na isinusuot pa rin kung ano ang kanyang nais, ang aking nanay ay tahimik na lamang na papasok ng kwarto upang magpalit ng damit na mas aprubado ng aking tatay.
Patriyarkal ang aking tatay dala ng relihiyon at kulturang kanyang nakasanayan at kinalakihan. Siya ang nagtatrabaho para sa pamilya habang ang nanay ko ang nagluluto, naglalaba, naghuhugas ng pinggan, nagpaplantsa, at nag-aalaga sa mga anak. Kung ano ang desisyon ng aking tatay ang siya na ring desisyon ng aking nanay, lalo na pagdating sa usaping pinansyal. Ang aking tatay ang may hawak sa lahat ng pera at kailangang manghingi ng nanay ko sa kanya, kahit para lamang sa simpleng pambayad ng tubig o pambili ng groceries. Lahat ay kailangang ipaalam sa aking tatay, kahit ang pagpapatayo ng bahay-kubo sa bukid ng pamilya ng aking nanay. Lahat ay kailangang hingin sa aking tatay, kahit ang pamasko sana ng nanay ko sa kanyang mga kamag-anak.
“Ayaw ng Daddy mo na nag-aabot ng pamasko. Baka raw gamitin pa sa pagsusugal o pambili ng alak. Bawal sa Islam iyon.”
Minsan ay sa akin pa umuutang ang aking nanay ng perang iaabot bilang tulong sa mga kamag-anak; ayaw niyang manghingi sa aking tatay dahil baka hindi rin daw siya bigyan nito.
“Dapat may sarili kayong pera,” ang palaging sinasabi ng aking nanay. “Mag-ipon kayo. Dahil sa oras na magkalabuan kayo ng inyong asawa, kaya ninyong buhayin ang sarili n’yo.”
Hindi namin maintindihan noon ng ate ko kung bakit palagi kaming pinapaalalahanan ng gano’n, e wala naman kaming planong mag-asawa. Pero iyon na nga siguro ang dahilan kung bakit kahit sa aming pagtanda ay hindi sumagi ni minsan sa aming mga isipan ang magpakasal at magkaroon ng pamilya. Ang pagkakakulong at pagkakatali ng nanay ko sa tatay ko ang kinabukasang ayaw naming mangyari sa amin, at hindi rin ito nais ng nanay ko para sa amin. Pinagsasabihan niya pala kami upang protektahan kami at maiwasan namin ang kanyang naging sitwasyon.
~
Nagpunta kami sa Baroy Public Cemetery sa Sagadan. Nasa itaas ito ng maliit na bundok, masukal at magubat ang lugar, at maputik. Mga 20 hanggang 30 minuto rin ang layo nito mula sa aming tinutuluyan. Walang mga jeep sa Baroy kaya nag-arkila kami ng traysikel kasama ang iba pang mga kamag-anak. Sa sementeryo raw na ito nakalibing ang mga Tamboboy at gustong makita ng nanay ko ang ipinatayo niyang puntod para sa aking Lola.
Namatay ang Lola ko noong 2021 at hindi nakapunta ang nanay ko sa kanyang libing; unang beses niya itong dadalawin. Noong nabalitaan naming namatay si Lola, wala akong naramdaman. Siguro’y dahil dalawang beses ko lang siya nakasalamuha sa minsang pagbisita niya sa amin sa Los Baños. Pero para sa nanay kong matagal na ngang hindi nakabalik ng Baroy at hindi man lang nagawang makabalik upang dumalo sa libing ng kanyang sariling nanay, labis-labis siguro ang kanyang kalungkutan at pagsisisi.
Pinanood ko kung paano sinindihan ni Tito T ang kandila at saka itinayo sa paanan ng puntod. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nagdasal kasama ang iba. Parang narinig ko ang nanay kong suminghot ngunit hindi ko ito pinansin. Pagkatapos ay pumunta kami sa puntod ng aking Lolo. Parehas na ritwal din ang kanilang ginawa: magsindi ng kandila at saka magdasal. Nakatitig lamang ang nanay ko sa kanila, blangkong mga mata, blangkong mukha.
“Bakit ka nagsuot ng sapatos na puti, e di nadumihan ‘yan,” ang biglang sabi niya sa akin.
Bakit hindi mo kinayang iwan ang iyong mga responsibilidad? Bakit mo sinasarili ang lahat? Sa aking utak, ito ang mga itinanong ko sa kanya pabalik.
Hinarap ko ang mukha ng aking nanay. Parang bumata siya. Parang lumambot ang kanyang mga mata at naibsan ang mga kulubot sa kanyang noo at sa paligid ng kanyang mga mata at bibig. Naalala ko kung paano ipinakita sa akin ng aking nanay ang mga retrato ng libing na ipinadala sa kanya ni Tita Eppie sa Messenger. Naalala ko rin kung paano namula ang kanyang mga matang pinakintab ng luha habang tinitingnan ang bawat retrato sa kanyang cellphone, at ako na dahan-dahang umalis, naiilang sa realisasyon na nalulungkot at nangungulila ang aking nanay. Nakita ko sa aking harapan ang aking nanay na bumalik sa pagkamusmos sa harap ng puntod ng kanyang yumaong mga magulang. Anak nga rin pala siya. At balang araw, babalik din ba ako sa sementeryong ito upang magsindi ng kandila sa harap ng puntod ng aking nanay, magdadasal ng mga dasal na hindi ko naman sinasambit, at manghihingi ng tawad sa mga panahong pinili ko ang aking mga responsibilidad kaysa sa kanya? Na hindi man lang ako nagpaliban sa aking pagiging matanda upang maging bata muli sa harap ng aking sariling nanay? At kung gayon, mapapatawad niya kaya ako?
“Kamusta na pala ang panganay mo?” ang sambit ni Tito Tinoy. “May nagbabantay ba sa kanya?”
“Meron naman. May nakuha kami para alagaan siya ng ilang araw.”
“Okay lang sa asawa mo?”
Tumango lamang ang aking nanay.
~
Hindi ko maalala kung ano ang aking eksaktong edad nang matutunan ko ang salitang “autistic”. At nang matutunan ko ito, hindi ko alam kung ano ang ibig-sabihin nito; alam ko lang na ito ang tinatawag ng aking mga magulang sa kuya ko.
“Autistic ang kapatid mo kaya hindi siya nakapagsasalita.”
“Makulit ang kapatid mo dahil autistic siya.”
“Kapag pumunta ang mga kaibigan mo rito sa bahay, sabihin mong kaya ganyan ang kapatid mo dahil autistic siya.”
Pitong taon ang agwat ko sa kuya ko at hindi ako malapit sa kanya. Hiwalay ang kwarto niya sa kwarto namin ng ate ko, at hindi kami kailanman naglarong magkasama. Ang sabi raw kasi ng developmental pediatrician sa mga magulang ko ay dapat magkahiwalay ang mga anak na “normal” sa mga anak na “abnormal”. Noong 1990s, katanggap-tanggap pang tawaging “abnormal” ang mga taong may ganitong disabilidad.
“Ang kuya ninyo ay blessing sa atin ng Allah,” ang palaging sinasabi sa amin ng tatay ko. “Ang sabi sa Qur’an, ang mga katulad niya ay diretso sa paraiso. Kung hindi siya naging autistic ay hindi tayo makapupunta rito sa Los Baños; sa Zamboanga tayo nakatira. Hindi ninyo makikilala ang mga kaibigan ninyo. Hindi makakapag-aral ang ate mo sa Philippine High School for the Arts. Maswerte nga tayo dahil hindi siya katulad ng ibang autistic. Hindi siya biyolente, hindi siya nananakit. Kaya alagaan n’yo siya. Mahalin n’yo siya.”
Paulit-ulit niya itong sinasabi sa amin habang ang kuya ko ay nagwawala, nagagalit sa hindi namin malamang rason. Hindi ko alam kung sinasabi ba ito ng tatay ko bilang paalala sa amin o bilang paalala sa kanyang sarili.
Minsan ding napag-usapan kung ano at sino ba talaga ang may kasalanan kung bakit naging autistic ang kuya ko.
“Genetics ang major mo di ba?” tanong sa akin ng tatay ko. “Ano ba ang dahilan ng autism? Ano bang meron sa genes ng nanay at tatay?”
“Sa mga pag-aaral ay wala pa po itong eksaktong cause—”
“Kung anu-ano kasing kinakain mo noon e. Sabi ko sa’yo mag-ingat ka e.” ang bigla niyang sambit sa nanay kong nakayuko.
Dati ay may mga caregiver ang kuya ko. Kumukuha ng mga kasambahay ang aking mga magulang upang magpakain at magpaligo sa kuya ko, ngunit iilan lamang ang nagtagal sa trabahong ito. Karamihan kasi sa kanila ay pinalayas ng nanay ko o naglayas dahil sa nanay ko. Mabusisi ang nanay ko sa pag-aalaga sa kuya ko. Palagi niyang pinagagalitan ang mga caregiver kapag hindi nito napapakain o napapaligo sa takdang oras ang aking kapatid. Noong pandemya, kung saan walang makuhang tagapag-alaga, ang nanay ko ang nagsilbing caregiver. Siya na rin ang nagmistulang kasambahay, at ito ang kanyang sinusunod na iskedyul araw-araw:
7:00 am – Gumising
8:00 am – Maghanda ng umagahan ng kuya ko
9:00 am – Magpaligo at magpakain sa kuya ko
10:00 am – Maghanda ng umagahan naming lahat; maghanda ng tanghalian
11:30 am – Pakainin ang kuya ko ng tanghalian, kasabay ng pagluluto para sa tanghalian naming lahat
12:30 am – Pahinga
1:00 pm – Tanghalian kasama ang tatay ko
2:00 pm – Hugasan ang lahat ng mga plato at iba pang kasangkapang ginamit simula pa noong umaga
3:00 pm – Pahinga
3:30 pm – Maghanda ng meryenda ng kuya at tatay ko
4:00 pm – Pakainin ng meryenda ang kuya ko; hatiran ng meryenda ang tatay ko
5:00 pm – Maghanda ng hapunan
6:00 pm – Pakainin ng hapunan ang kuya ko
7:00 pm – Maghapunan kasama ang tatay ko
8:00 pm – Maghugas ng plato at magligpit; maligo at maghanda para sa pagtulog
9:00 pm – Pagtulog
Para sa mga taong may disabilidad katulad ng sa kuya ko, istriktong sinusunod ang mga iskedyul dahil nagsisibili itong kaayusan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kapag nagugulo ito ay mabubulabog sa mga malalakas na sigaw at dagundong ng pagtatalon hindi lamang ang buong bahay namin, kung hindi pati na rin ang aming mga kapitbahay, na siya namang mas lalong ikapapagod at ikaiirita ng nanay ko. Nanay ang nanay ko ngunit tao rin siyang napapagod at naiirita kahit gaano niya pa kamahal ang kanyang anak.
Tao rin siyang nasasaktan at siguro’y nahihiya, na ang natatanging breadwinner ng mga Tamboboy ay hindi man lang nagawang umuwi sa libing ng kanyang sariling nanay. Na hindi man lang siya pinayagan ng tatay kong umalis kahit ilang araw lang dahil “Sinong mag-aalaga kay Laurence? Walang gagawa rito sa bahay.” Na wala man lang siyang sariling pera at ipon, at kailangan niya pa akong utusang manghingi ng pera sa tatay ko pantustos sa aming biyahe sa Baroy dahil “Pagbibigyan ka ng Daddy mo, ako hindi”.
Pangarap ng nanay ko ang maging doktor ako. “Para may mag-alaga sa kuya mo,” ang palagi niyang sinasabi. Kaya sa aking paghinto noong 2020, labis-labis ang kanyang kalungkutan at hinagpis. Noon ay hindi ko naiintindihan kung bakit hindi niyang kayang respetuhin ang aking desisyon. Ngunit sa unti-unting paglipas ng panahon, sa unti-unting paghupa ng galit at lungkot, naintindihan ko na ang labis niyang dismaya at kalungkutan, na parang sinasabi niya sa akin na “Ikaw na nga lang sana ang inaasahan kong mag-aalaga sa kapatid mo. Ikaw na nga lang sana ang mag-aangat sa akin sa pagkakaalipin ko sa pamilyang ito.”
~
Sa huling gabi namin sa Baroy, inimbitahan kami nina Tita E at Ate C na maghapunan sa kanilang bahay. Inilabas ni Tita E ang mga lumang retrato.
“Kamukha mo ang nanay mo,” ang sabi niya sa akin.
“Parang hindi naman,” ang sambit ko.
“Namana mo ang pagiging singkit sa kanya, tingnan mo. Tsaka ‘yung buhok mong itim na itim at makapal, tingnan mo ang buhok ng nanay mo. Alam mo bang maraming nanliligaw sa kanya noong araw? Pumupunta sila rito sa bahay, palaging hinahanap ang nanay mo.” At kung hindi ang tatay ko ang napakasalan niya?
Habang pinagmamasdan ko ang mga retrato ng aking nanay, naisip ko kung nami-miss din ba niya ang dati niyang buhay, iyong walang pinagbabawal sa kung anong dapat na isuot at kainin. Paborito niya kaya ang lechon? Nami-miss niya rin kayang magsuot ng maiiksi at sexy na mga damit? Fashionista pa naman ang nanay ko. Nami-miss niya rin kaya ang kalayaang magsalita? Iyong hindi kailangang magtimpi sa harap ng asawa, iyong may lakas na sumagot at magsabi patungkol sa mga bagay na ayaw niya.
Minsan kapag minamasahe ko ang kanyang mga balikat, binti, at braso na tumigas na sa katatrabaho, naiisip ko kung mas mabuti bang hindi na lang sila nagkakilala ng aking tatay. Kung mas mabuti bang hindi naging autistic ang aking kuya, hindi dahil may problema sa pagkakaroon ng anak na may disabilidad, ngunit para lamang maibsan ang kanyang pagod at mabigyan siya ng kaunting kalayaang gawin ang kanyang mga nais na walang iniisip na kailangang alagaan. Kung mas mabuti bang hindi na lang siya nagkaroon ng mga anak na katulad naming mga bastos at palasagot, mga anak na hindi marunong pahalagahan ang kanyang mga sakripisyo at paghihirap, mga anak na hindi maintindihan na inialay ng kanilang ina ang buong buhay niya upang maitaguyod ang pamilya.
Hindi perpekto ang aking nanay. Marami nang masasakit na mga salita ang nabitawan at mga sugat na masyado nang malalim ang pagkakabaon, ngunit nararapat ang nanay ko para sa maginhawa at masayang buhay. At kung kailangan kong ibigay ang aking pag-iral kapalit ng kanyang paglaya, walang pag-aalangan kong ibibigay ito sa kanya.
~
Pagkatapos kumain, lumabas kami nina Ate C at Kuya J sa may terrace at nag-karaoke. Pinilit ko ang nanay kong kumanta, at matapos ang ilang ulit na pagtanggi, kinuha niya rin sa wakas ang mikropono at ipinamalas ang kanyang boses. Maganda ang boses ng nanay ko. Alam ko, dahil madalas niya kaming hinehele noong mga bata pa kami. Kumakanta-kanta rin siya kapag siya’y nagluluto. Pero parang iba ang tunog ng boses ng nanay ko noon. Masaya, matingkad. Malaya. Nagpalakpakan kaming lahat pagkatapos.
Panandaliang umalis ang nanay ko upang sagutin ang tawag ng tatay kong nangangamusta. Hindi pa kami umuuwi, ang sabi ng nanay ko sa kanya. Umuwi na raw kami sa aming tinutuluyan at gabi na; maaga pa ang flight kinabukasan. Kinalabit ako ng nanay ko, senyales na kailangan na naming magpaalam.
“Mamaya na,” ang sabi ko.
“Magagalit ang tatay mo.”
“Pabayaan mo siya.”
Minsa’y naitanong ko ang nanay ko kung hindi niya ba nais baguhin ang kanyang kasalukuyang buhay, kung bakit hindi na lang siya bumalik at manatili sa Baroy.
“Plano ito ng Allah,” ang palagi niyang sagot. “Ang pagtrabaho ko sa Saudi, ang pagkilala ko sa Daddy mo, ang pagiging autistic ng kuya mo. Lahat iyon ay plano Niya para sa akin. Mayroong tinatawag na destiny, di ba? Ayaw mo mang maniwala pero totoo ang destiny. Hindi lamang destiny sa pag-ibig ngunit destiny sa buhay. Kapag plano ito ng Diyos ay hindi mo pwedeng takasan at palitan, kahit gaano mo pa gusto. Nagpapasalamat ako sa buhay na meron ako, dahil nandito kayo.”
Noon ay naiisip kong duwag ang nanay ko, na tinanggap na lamang niya itong mga pangyayari sa buhay niya, na hinahayaan na lamang niya ang trato sa kanya ng aking ama; palagi niyang sinasambit na wala naman na siyang magagawa. Ngunit napagtanto kong hindi duwag at mahina ang nanay ko; siya ang pinakamatapang na taong nakilala ko. Matapang ang kanyang pag-ibig sa amin at ang pag-ibig niya sa aking tatay. Nakahahanap siya ng maliliit na kasiyahan sa mga halamang inaalagaan niya sa aming bakuran, sa pagpapakain at minsang paglalaro sa mga pusang napadpad sa aming bahay, sa pakikinig ng piano music mula sa kanyang cellphone, sa pagsipol sa mga kanta ng The Carpenters habang nagluluto.
Hindi man kami maaaring bumalik upang baguhin ang naging takbo ng aming mga buhay, hindi man namin lubusang maipupuksa ang mga naitanim na sama ng loob, ngunit siguro’y sa mga nalalabing taong magkasama kami ay maiparamdam ko man lang ang kahit katingting na pag-ibig at pagpapahalaga na ipinamalas niya sa amin. Isang kaduwagan ang sabihin kong handa akong hindi mabuhay para sa kanyang ikalalaya, dahil kaming mga anak niya ang dahilan ng kanyang buhay. Kami ang pinakamalaki niyang kasiyahan.
Inabot ko ang mikropono sa nanay ko. Maging malaya ka, sa huling pagkakataon. Kumanta siya ulit ng isa pang kanta.
~
Madaling araw ang lipad namin pabalik ng Maynila. Mas mapadadali ang biyahe mula Baroy papuntang Ozamiz kung sasakay kami ng barge o barko sa Mukas Port sa Tubod. Dadaan ang barko sa Pangguil Bay at halos labinlimang minuto lamang ay makararating na kami sa Ozamiz, kumpara sa halos dalawang oras na biyahe kapag nakasasakyan. Sinamahan kami nina Kuya J, Ate C, at Tita E. Antok na antok pa ako ngunit pinilit kong hindi matulog na maiksing biyaheng ito. Wala akong matanaw sa kadiliman ng gabi ngunit rinig na rinig ko ang mga alon na pumapalo sa gilid ng barko, naaamoy ko ang kaalatan ng tubig, at sinisipon na ako sa lamig ng hangin.
Sa unang araw ko rito sa Baroy ay gusto kong umuwi agad ngunit sa araw ng aming pag-alis, naisip kong gusto kong manatili kahit ilang araw pa. Gusto ko pang mas makausap at makasundo ang aking mga pinsan, tito at tita. Gusto kong bumisita sa kanilang mga palayan at taniman, gusto kong matutong mag Bisaya, gusto kong magtagal sa simpleng pamumuhay, sa katahimikan, kapayapaan, at kalayaan na ibinibigay ng Baroy hindi lamang sa akin, ngunit higit pa sa aking nanay.
Dahil sa Baroy, nalaman kong mahilig ang nanay kong maglaro sa tabing-dagat pagkatapos ng eskuwela, na nangungulila at nakararamdam siya ng lungkot at pag-iisa kapag naiisip niya ang kanyang yumaong mga magulang at kaanak, na sa musika at pagkanta siya nakararamdam ng paglaya. Unti-unting pinagbitak-bitak ng Baroy ang mabigat na maskarang suot-suot niya bilang nanay at ipinasilip sa akin, kahit kaunti at kahit sa maiksing panahon, na may tao sa ilalim nitong may sariling buhay sa labas ng mga gawaing-bahay, pag-aalaga sa mga anak, at pagsisilbi sa asawa. Tao ang nanay ko bago siya naging asawa. Tao ang nanay ko bago siya naging nanay. Tao ang nanay ko. At sa pag-alis namin sa Baroy ay muli niyang isusuot ang maskarang ito, ngunit siguro’y kahit nakasara pa rin ang mga pintuan namin sa isa’t isa’y hindi na ito nakakandado at malaya na kaming kumatok paminsan-minsan.
~
Ilang buwan matapos kaming makabalik sa Los Baños, ibinalita ng nanay ko na mas mapabibilis na raw ang biyahe mula Ozamiz papuntang Baroy. Natapos na raw kasing itayo ang Pangguil Bay Bridge na kokonekta sa Tangub sa Ozamiz at Tubod sa Lanao del Norte. Dahil sa tulay na ito, hindi na kailangan pang sumakay ng barge o umikot sa kahabaan ng Pangguil. Niyaya niya akong bumalik ulit sa Baroy balang araw.
Kung masisilip ko ulit ang iyong paglaya, sasamahan kitang bumalik makailang ulit pa.
Tumango lamang ako.
You must be logged in to post a comment.